Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
“Para sa mga Amerikano, buháy ang Diyos ng mga Kristiyano, pero hindi na malaki ang kaniyang impluwensiya sa pulitika at kultura.”—NEWSWEEK, E.U.A.
“Ang pagbagsak ng ekonomiya ay may bagong biktima: Mga mag-asawang walang sapat na pera para magdiborsiyo. Sa panahong ito na mahirap ang buhay, marami ang hindi nagdidiborsiyo—kahit hindi na nila matagalan ang isa’t isa—makaiwas lang sa malaking gastos.”—THE WALL STREET JOURNAL, E.U.A.
Sa isang surbey sa Alemanya, 1 sa bawat 3 ina ang natututo sa kaniyang anak na babae—may kaugnayan sa uso, pakikipagkaibigan, pagiging mas relaks, o pagkakaroon ng higit na tiwala sa sarili.—BERLINER MORGENPOST, ALEMANYA.
Antibody—Nasa Dugo Pa Rin
“Siyam na dekada matapos maglaho ang pinakanakamamatay na trangkaso, nasa dugo pa rin ng mga nakaligtas noong panahong iyon ang antibody na panlaban sa virus noong 1918. Ipinakikita nito na napakatibay ng immune system ng tao,” ang sabi ng International Herald Tribune. Nang suriin ng mga siyentipiko ang dugo ng mga nakaligtas sa trangkaso Espanyola, natuklasan nilang may “mga antibody pa rin sa katawan na handang sumugpo sa virus ng [trangkasong iyon].” Gamit ang mga antibody na ito, ang mga mananaliksik ay gumawa ng bakunang kayang magpagaling sa mga dagang tinurukan ng nakamamatay na virus na iyon. Hangang-hanga ang mga mananaliksik sa memorya ng immune system. “Habambuhay tayong biniyayaan ng Panginoon ng mga antibody!” ang sabi ng isang mananaliksik. “Kapag nalampasan mo ang isang mahirap na sitwasyon, lalo kang lalakas.”
Mga Tanong sa Diyos
“Bakit mo kailangang magdusa kung mabuti ka namang tao?” Isa ito sa mga gustung-gustong itanong sa Diyos ng mga estudyante ng kolehiyo sa Sweden kung sakaling puwede nila siyang kausapin, ang sabi ng pahayagang Dagen. Ayon sa isang surbey, ang iba pang karaniwang tanong ay: “Ano ang layunin ng buhay?” at “Ano ang nangyayari kapag namatay ang isang tao?” Kilalang hindi relihiyosong bansa ang Sweden. Gayunman, “bumabangon pa rin ang mga tanong na ito,” ang sabi ng isang kinatawan ng organisasyon ng mga estudyanteng Kristiyano na nagsagawa ng surbey. “Pinag-iisipan ng mga kabataan ang ganitong mga tanong.”
Mas Maligayang Pagsasama Dahil sa Kapansanan
“Mapalalaki man o babae—anuman ang edad—ay nagsasabing naging mas maligaya ang pagsasama nilang mag-asawa nang sila mismo ay magkaroon ng kapansanan,” ang sabi ng mga mananaliksik. Nakaka-stress kung hindi mo na kayang gawin ang dati mong nagagawa sa araw-araw, pero nakakapagpatibay naman ito ng pagsasama. Sinasabi, partikular na ng mga may-edad nang lalaki, na nagkaroon sila ng higit na panahon sa kanilang asawa. “Ang pag-aasikaso ng mga lalaki sa kanilang mga pananagutan sa tahanan, na baka dati’y hindi nila nagagawa o hindi gaanong nabibigyang-pansin, ay nagbigay sa kanila ng higit na panahon sa kanilang asawa. Nagkaroon din sila ng pagkakataong matulungan ang kanilang asawa at mas napapahalagahan na nila ang kanilang pagsasama,” ang sabi ni Karen Roberto, direktor ng Center for Gerontology sa Virginia Tech, E.U.A.