Tara Na sa Palengke sa Aprika
Tara Na sa Palengke sa Aprika
KUNG gusto mong malaman ang kultura, kaugalian, at mga luto ng isang bansa, palengke ang puntahan mo. Doon mo maoobserbahan ang kilos ng mga tao, matitikman ang kanilang luto, at mabibili ang kanilang produkto. May mga nagtitinda rin doon na pilit na makikipag-usap sa iyo—anuman ang wika mo.
Siguradong mawiwili ka nang husto sa mga palengke sa Aprika. Lahat na siguro ng uri ng tao at produkto naroroon na. Madarama mo roon ang sigla ng Aprika. Halika! Punta tayo sa isang palengke sa Douala, Cameroon.
Pagpunta sa Palengke
Sa maraming malalaking lunsod sa Aprika, ang pinakamura at pinakamadaling paraan para pumunta sa palengke ay ang sumakay ng motorsiklo. Sa halos lahat ng kanto, may mga motorsiklong handang magsakay sa iyo. Kung matapang-tapang ka, ito ang pipiliin mo. Ang popular na sistemang ito ng transportasyon ang pinakamura at pinakamabilis sa Cameroon.
Para sa mga takót sumakay sa motorsiklo, nagkalat din naman ang mga taksi. Karaniwan nang nagsisiksikan ang mga pasahero sa isang taksi para makamenos sa pamasahe.
Daan-daang Puwesto
Kung ngayon ka lang napunta sa palengke, baka malula ka sa dami ng tao at mga puwesto sa kalsada. Sunung-sunong ng mga tao, pati na ng mga bata, ang kanilang paninda. Kasama sa mga itinitinda nila ay buháy na manok, binalatang kahel, at iba’t ibang gamot.
Daan-daang mesang kahoy ang makikita. Nakalatag doon ang mga gulay, gaya ng repolyo, karot, pipino, talong, kalabasa, kamote, kamatis, tugî, beans na kapamilya ng sitaw, at iba’t ibang uri ng letsugas. Baka hindi pamilyar sa ilang produkto ang mga dayuhan, yamang sa Aprika lang makikita ang mga ito. Ang pinakamakulay na sigurong puwesto ay ang mga tindahan ng sariwang pula at dilaw na mga sili. Napakakintab nito dahil sa tama ng araw. Marami rin ang nagtitinda ng abokado, saging, suha, melon, pinya, kahel, at lemon. Nakakapaglaway talaga! At aba, ang mura pa! Maganda rin ang pagkakaayos ng tugî, kamote, at bigas—ang mga
karaniwang pagkain doon—pati na ng imported na bawang at sibuyas.Sa isa sa mga palengke sa Douala, karamihan ng mga may-ari ng puwesto ay mga Hausa at Fula. Kilala ang mga negosyanteng ito sa kanilang asul, puti, o dilaw na mahabang damit na tinatawag na gandoura o boubou at sa kanilang palakaibigang pagbati sa wikang Fulfulde. Sa palengke, lahat ay relaks. Sa katunayan, binigyan pa nga ako ng isang may-ari ng puwesto, si Ibrahim, ng tatlong malalaking sibuyas na pinili pa niya sa mga paninda niya. Ang bilin niya, “Sabihin mo sa asawa mo, lagyan ng maanghang na kanin at saka lutuin sa mahinang apoy.”
Sa di-kalayuan, may mga tindang sariwang karne—karamihan ay baka at kambing. May pasan-pasang bagong-katay na mga hayop ang matitikas na lalaki. Inilalagay nila ito sa mga mesa. Ang mga matadero naman, hawak ang kanilang mahahabang kutsilyo, ay nagtatawag ng kostumer, at pinapipili ang mga ito kung anong parte ng karne ang gusto nila. Mayroon ding buháy na mga kambing, manok, at baboy para sa mga kostumer na gustong sila na ang magkatay.
Kain Tayo sa Chophouse
Hindi kumpleto ang palengke kung wala itong mga karinderya. Sa Cameroon, kilala ang mga karinderya sa palengke bilang chophouse. May mga nagpapatugtog nang malakas para makaakit ng kostumer, pero mayroon din namang tahimik na lugar kung saan makakaorder ng mga specialty ng Aprika. Marami ka ring makakasabay na mga tagaroon. Nakasulat ang menu sa isang pisara, at kung hindi ka pamilyar sa luto, puwede kang magtanong.
Ang dalawang pangunahing pagkain ay kanin at fufu—nilupak na kamoteng-kahoy, saging, o tugî. Mayroon ding inihaw na isda, karne ng baka, at manok na ang sawsawan ay gawa sa okra, peanut butter, o kamatis. Masarap ang kuwentuhan, palibhasa’y hindi nagmamadali ang mga kostumer sa chophouse.
May dalawang serbidorang lumapit sa mesa namin. Dala ng isa ang isang malaking tray na may mga platong punô ng umuusok na kanin, beans, at fufu. May kasama itong sawsawang gawa sa okra at inihaw na karne at isda. May maliit na garapon din ng chili sauce para sa mga mahilig sa maanghang. Ang isang serbidora naman ay may dalang tuwalya at palanggana ng tubig. Kailangan kasi naming maghugas ng kamay dahil karaniwan nang nagkakamay ang mga kumakain doon. Marami ang nananalangin bago kumain. Sumasabay pa nga sa pagsasabi ng “Amen” ang mga nasa kalapít na mesa.
Pangangaral ng Mabuting Balita sa Palengke
Napakahalaga ng palengke sa ugnayan ng mga tao sa maraming komunidad. Sa palengke, hindi ka lang makakabili at makakabenta. May pagkakataon ka ring makibalita at makasama ang mga kaibigan. Puwede ka ring makahanap ng trabaho rito. Ayon sa Bibliya, si Jesus ay pumunta sa mga pamilihan o palengke, kung saan nagpagaling siya at nagturo sa mga tao tungkol sa Diyos. Si apostol Pablo rin ay nakipagkatuwiranan “sa pamilihan doon sa mga nagkataong naroroon.” (Gawa 17:16, 17; Marcos 6:56) Sa ngayon, nasumpungan ng mga Saksi ni Jehova sa Cameroon na isang magandang lugar ang palengke para maipangaral ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos.—Ipinadala.
[Larawan sa pahina 24]
Makukulay na sili