Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Makulay na Kingfisher

Ang Makulay na Kingfisher

Ang Makulay na Kingfisher

ISANG matingkad na asul na ibon ang bumulusok sa tubig at agad na umahon na may tuka-tuka nang isda! Iyan ang kingfisher, isang makulay na ibong malaki ang ulo at tuka. Bagaman tinatawag ang mga ibong ito na kingfisher, hindi naman lahat ay kumakain ng isda. Ang ilang uri ay kumakain ng butiki, ahas, alimango, o maging mga insekto​—na kadalasa’y nahuhuli nila habang lumilipad. Gayundin, mga sangkatlo lang ng lahat ng kingfisher ang naninirahan malapit sa tubig. May mga naninirahan sa tropikal na kagubatan at sa isla ng mga korales. Mayroon din sa mga disyerto, tulad ng red-backed kingfisher na makikita sa gitnang bahagi ng Australia.

Talagang eksperto sa pangingisda ang kingfisher. Kadalasan habang nakadapo, nag-aabang ito ng dadagitin. Kapag may namataang isda, naghahanda na ito. Tantiyado nito ang eksaktong lokasyon ng dadagitin niya​—hindi siya nadadaya ng tubig. Pagkatapos, bubulusok na ito habang ikinakampay ang mga pakpak para lalo itong bumilis. Kung mababaw lang ang lokasyon ng isda, tutukain niya lang ito. Pero kung malalim-lalim, ititiklop ng ibon ang mga pakpak nito at sisisid. “Makikita rito ang isang pambihirang kakayahan​—tiyak ang kilos nila at walang mintis,” ang sabi ng aklat na The Life of Birds. Nakakahuli pa nga sila ng higit sa isang isda sa isang dagitan! At may mga kingfisher na namataang sumisisid kahit nababalutan ng yelo ang tubig sa malalamig na rehiyon. Sa Australia, nakita ang isang azure kingfisher na nandadagit sa ilog ng maliliit na hayop na nabulabog ng mga platypus na naghahanap din ng pagkain.

Pagliligawan at Paggawa ng Tahanan

Nakakaaliw tingnan ang pagliligawan ng mga kingfisher. May ilan na naghahabulan sa himpapawid. Pagkatapos, magpapakitang-gilas ang lalaki sa paghuhukay ng pugad. Kung minsan naman, aalukan ng lalaki ang babae ng pagkain para ipakitang siya ang karapat-dapat na piliin nito.

Kakaiba ang ginagawang pugad ng mga kingfisher. Ang iba ay gumagawa ng lungga sa dulo ng lagusan na hinukay nila sa pampang, sa estero, o sa pinagkukunan ng graba. Ang iba naman ay naninirahan sa mga lungga ng kuneho o sa mga butas sa punungkahoy.

Para makagawa ng lungga, naghuhukay ang kingfisher ng lagusan na mga isang metro ang haba. Mahirap simulan ang isang lungga. May mga kingfisher na bumubulusok paibaba sa pampang para makagawa ng hukay gamit ang kanilang tuka​—delikado ito kasi puwede silang mawalan ng malay o mamatay pa nga! Sa tropikal na kagubatan sa New Guinea at hilagang Australia, ang paradise kingfisher ay kadalasan nang naghuhukay sa bahay ng anay. Bale-wala lang ito sa mga anay kasi kukumpunihin naman nila ang kanilang bahay pag-alis ng mga kingfisher.

Hindi madali para sa mga kingfisher ang pagpapalaki ng mga anak. Minsan, napagmasdan ng isang lalaki sa Aprika ang mag-asawang kingfisher na araw-araw na naghahatid ng mga 60 hanggang 70 isda sa kanilang mga inakáy. Hindi pa kasama roon ang pagkain nilang mag-asawa. May isang pagkakataon pa ngang matagumpay na napalaki ng isang tatay na kingfisher ang kaniyang mga inakáy kahit namatay ang kaniyang asawa apat na araw bago mapisa ang mga itlog. Sa ilang uri naman ng mga kingfisher, tumutulong ang mga walang anak sa paglilimlim ng itlog at pag-aalaga sa inakáy.

Mula Ireland Hanggang Solomon Islands

Malawak ang teritoryo ng common kingfisher​—mula sa Ireland sa hilagang-kanluran patawid ng Europa at Russia hanggang sa Solomon Islands sa timog-silangan. Dahil mayroon silang teritoryong nagyeyelo tuwing taglamig, nandarayuhan ang mga ito tulad ng ilang uri ng kingfisher, ang iba, sa layong halos 3,000 kilometro. Marami ring matatagpuang common kingfisher, pati mga pied kingfisher at white-throated kingfisher sa baybayin ng Dagat ng Galilea at Ilog Jordan sa Israel. Malamang na napagmasdan din ni Jesu-Kristo ang magagandang ibong ito.​—Tingnan ang kahong  “Masdan Ninyong Mabuti ang mga Ibon sa Langit.”

Ang isang kilalang uri ng kingfisher ay ang laughing kookaburra ng Australia na mga 43 sentimetro ang haba. Mayroon itong matibay na tuka na walong sentimetro ang haba. Ang kulay-kapeng ibong ito ay makikita sa mga hardin sa Australia. Kilala ito sa nakakalokong “tawa” nito, at sa walang-takot na panghuhuli ng mga hayop​—kahit ng mga ahas na hanggang isang metro ang haba! *

Sa ngayon, umuunti na ang mga kingfisher, pangunahin na dahil sa polusyon sa mga ilog o pagsira sa mga kagubatan. Sa katunayan, mga 25 uri na ng kingfisher ang sinasabing malapit nang maubos o halos ubos na. Sana’y makatulong ang mga pagsisikap na ginagawa para maingatan ang magaganda at kawili-wiling mga ibong ito.

[Talababa]

^ par. 11 Ang kamag-anak nitong blue-winged kookaburra, na matatagpuan sa hilagang Australia, ay hindi “tumatawa.”

[Kahon/Larawan sa pahina 17]

 “MASDAN NINYONG MABUTI ANG MGA IBON SA LANGIT”

Si Jesu-Kristo ay mapagmasid sa kalikasan, at mula rito, nakakaisip siya ng mga ilustrasyong nagagamit niya sa pagtuturo ng katotohanan hinggil sa moral at espirituwal na mga bagay. Halimbawa, sinabi ni Jesus: “Masdan ninyong mabuti ang mga ibon sa langit, sapagkat hindi sila naghahasik ng binhi o gumagapas o nagtitipon sa mga kamalig; gayunman ay pinakakain sila ng inyong makalangit na Ama. Hindi ba mas mahalaga kayo kaysa sa kanila?” (Mateo 6:26) Talagang napakagandang ilustrasyon nito para ipakita kung gaano kamahal ng Diyos ang mga taong nilalang niya!

[Larawan sa pahina 16]