Gumising!—Nakatulong Para Mailigtas ang Hindi Pa Naisisilang na Sanggol
Gumising!—Nakatulong Para Mailigtas ang Hindi Pa Naisisilang na Sanggol
● Tatlo na ang anak ni Anita, na taga-Mexico, at ngayo’y buntis na naman siya. * Sinabi niya sa asawa niya na ayaw na niyang madagdagan ang anak nila at gagawin niya ang lahat huwag lang itong mabuhay. Nagbanta pa nga siyang magpapakamatay! Nang panahong iyon, nakikipag-aral na ng Bibliya si Anita sa mga Saksi ni Jehova pero mabagal ang pagsulong niya. “Matigas kasi ang ulo ko,” ang sabi niya.
Sa tulong ng Bibliya, ipinaliwanag ng Saksing nagtuturo kay Anita kung bakit mali ang iniisip niyang gawin. Halimbawa, ipinakita niya kay Anita na napakahalaga sa Diyos ng buhay ng isang di-pa-naisisilang na sanggol. Ayon sa Kautusan ng Diyos sa sinaunang Israel, kung may makasakit sa isang nagdadalang-tao at mamatay ito o ang sanggol sa sinapupunan nito, hahatulan siya bilang isang mamamatay-tao. (Exodo 21:22, 23) * Pero hindi naman talaga nakikinig si Anita. Buo na ang pasiya niya.
“May nagsabi sa akin na may gamot daw na puwedeng iturok para malaglag ang sanggol,” ang sabi ni Anita. “Kaya binili ko ang gamot na iyon at hiniling sa isang kaibigan na iturok iyon sa akin, pero wala namang nangyari. ’Yun pala, pinalitan niya ng tubig ang gamot dahil ayaw niyang magkasala.”
Pero desidido pa rin si Anita. Nang apat na buwan na siyang buntis, nakahanap siya ng doktor na pumayag na ilaglag ang sanggol. Anim na araw bago ang aborsiyon, binigyan ng Saksi si Anita ng kopya ng artikulong “Talaarawan ng Sanggol na Di Pa Isinisilang,” na nasa Gumising!, isyu ng Setyembre 22, 1980. Nagtapos ang “talaarawan” sa ganitong pananalita: “Sa araw na ito ay pinatay ako ni ina.” Natigilan si Anita nang mabasa iyon, at umiyak siya nang umiyak. “Natauhan ako sa nabasa ko,” ang sabi niya.
Nagsilang si Anita ng isang malusog na batang babae. “Ngayon,” ang sabi ni Anita, “masayang-masaya ako’t nakilala ko si Jehova. Mahal na mahal ko siya.” Tinuturuan na rin niya sa Bibliya ang kaniyang anak para matutuhan din nitong mahalin si Jehova. Sa katunayan, sinasabi ng bata na utang niya sa Diyos ang kaniyang buhay—una, dahil Siya ang Bukal ng buhay, at ikalawa, nailigtas ang buhay niya dahil sa turo mula sa Salita ng Diyos na tinalakay sa Gumising!
[Mga talababa]
^ par. 2 Binago ang pangalan.
^ par. 3 Sa orihinal na wika, tinutukoy nito ang pagkamatay ng ina o ng sanggol.