Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maisasalba Pa ba ang Inyong Pagsasama?

Maisasalba Pa ba ang Inyong Pagsasama?

Maisasalba Pa ba ang Inyong Pagsasama?

Alam ng mga may-ari na marami nang sira ang bahay, pero ipinasiya nilang ayusin ito.

GUSTO mo rin bang ayusin ang inyong pagsasama? Kung oo, paano ka magsisimula? Narito ang ilang mungkahi.

1 Magtulungan.

Dapat na handa kayong magtulungan para muling maayos ang inyong pagsasama. Isulat sa papel ang mga napagkasunduan ninyong gawin. Kung desidido kayong isalba ang inyong pagsasama, magtutulungan kayo.​—Eclesiastes 4:9, 10.

2 Alamin ang problema.

Ano kaya talaga ang problema? Isulat sa isang pangungusap kung ano sa tingin mo ang kulang sa inyong pagsasama o kung ano ang gusto mo sanang mabago. (Efeso 4:22-24) Pero huwag kang magtataka kung magkaiba ang isinulat ninyong mag-asawa.

3 Magtakda ng tunguhin.

Anu-anong pagbabago ang gusto mong makita sa inyong pagsasama anim na buwan mula ngayon? Isulat ang mga ito sa papel. Kapag alam ninyo ang mga dapat ayusin, mas madaling maabot ang itinakda ninyong mga tunguhin.​—1 Corinto 9:26.

4 Sundin ang payo ng Bibliya.

Kapag alam na ninyo ang problema at ang gusto ninyong gawin, sumangguni sa Bibliya. Ang mga payo nito ay hindi naluluma at talagang maaasahan. (Isaias 48:17; 2 Timoteo 3:17) Halimbawa, pinasisigla ng Bibliya ang mga mag-asawa na maging mapagpatawad sa isa’t isa. Sinasabi nito na isang “kagandahan . . . na palampasin ang pagsalansang.”​—Kawikaan 19:11; Efeso 4:32.

Kung sa simula ay parang wala namang nangyayari, huwag sumuko! Ganito ang sinasabi ng aklat na The Case for Marriage tungkol sa resulta ng isang pag-aaral: “Nakakagulat ang katotohanan: 86 na porsiyento ng mga mag-asawang hindi naghiwalay kahit hindi masaya sa kanilang pagsasama ang nagsabing mas gumanda ang relasyon nila pagkalipas ng limang taon.” Bumuti rin ang kalagayan maging ng mga mag-asawang nagsabing napakalungkot ng kanilang pagsasama.

Puwede ring maging maligaya ang inyong pagsasama. Napatunayan ng mga Saksi ni Jehova, ang tagapaglathala ng magasing ito, na malaking tulong sa mga mag-asawa ang mga simulain sa Bibliya. Halimbawa, maraming pagsasama ang nagiging mas maligaya kapag ang mag-asawa ay mabait, mahabagin, magiliw, at nagpapatawad sa isa’t isa. Natutuhan ng mga asawang babae na mahalaga palang magpakita ng “tahimik at mahinahong espiritu.” Napansin naman ng mga asawang lalaki na maganda ang epekto kapag hindi sila nagagalit nang may kapaitan sa kanilang asawa.​—1 Pedro 3:4; Colosas 3:19.

Mabisa ang mga simulaing ito dahil ang Awtor ng Bibliya, ang Diyos na Jehova, ang nagpasimula ng kaayusan sa pag-aasawa. Maaari kang magtanong sa mga Saksi ni Jehova kung paano makakatulong ang Bibliya sa inyong mag-asawa. *

[Talababa]

^ par. 14 Upang matulungan ang mga pamilya, naglathala ang mga Saksi ni Jehova ng isang 192-pahinang aklat na pinamagatang Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya. Para sa higit pang impormasyon, sumulat sa mga tagapaglathala sa angkop na adres na nasa pahina 5 ng magasing ito.