Ang Pangmalas ng Bibliya
Marangal na Pakikipagkasintahan
Magkasintahan sina Lee at Julie at determinado silang manatiling malinis sa moral. * Pero isang gabi, nang silang dalawa lang ang magkasama, unti-unting napukaw ang kanilang pagnanasa. Buti na lang at natauhan sila bago pa makagawa ng malubhang kasalanan.
ANG tunay na pagsamba ay hindi nangangahulugan ng basta pagsisimba linggu-linggo. Isa itong paraan ng pamumuhay na makikita sa paggawi at pamantayang moral ng isang tao. Sinabi ni Jesu-Kristo na yaon lamang “gumagawa ng kalooban” ng Diyos ang tatanggap ng Kaniyang pagsang-ayon. (Mateo 7:21) Para mapaluguran ang Diyos, kailangan nating mapanatiling marangal ang pakikipagkasintahan at ang ating ugnayan sa di-kasekso.
Paano ninyo mapapanatiling malinis sa mata ng Diyos ang inyong relasyon, lalo’t matindi ang tuksong isaisantabi ang moral na kalinisan? Una, kailangan mong kilalanin na nagtakda ang Diyos ng mga pamantayan para sa ikabubuti natin. Ikalawa, tanggapin ang tendensiya ng di-sakdal na tao. Ikatlo, magtakda ng mga limitasyon. At ikaapat, isama ang Diyos sa inyong relasyon. Isa-isahin natin ang mga puntong ito.
Mga Pamantayan Para sa Ating Kapakinabangan
Sa Isaias 48:17, 18, mababasa natin: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran. O kung magbibigay-pansin ka lamang sana sa aking mga utos! Ang iyong kapayapaan nga ay magiging gaya ng ilog, at ang iyong katuwiran ay magiging gaya ng mga alon sa dagat.”
Oo, ang mga utos at simulaing makikita sa Salita ng Diyos, ang Banal na Bibliya, ay para sa ating kapakinabangan. (2 Timoteo 3:16, 17) Katibayan ito na mahal tayo ng ating Maylalang at gusto niya tayong maging maligaya at matagumpay sa ating buhay. (Awit 19:7-10) Ganiyan ba ang nadarama mo? Kung oo, nagpapakita ka ng tunay na karunungan.
Tanggapin ang Katotohanan Tungkol sa Iyong Sarili
Gaya ng isang tunay na kaibigan, matapat si Jehova sa atin; sinasabi niya ang katotohanan tungkol sa ating sarili. Halimbawa, binababalaan tayo ng kaniyang Salita na “ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib. Sino ang makakakilala nito?” (Jeremias 17:9) Sinasabi rin ng Bibliya: “Siyang nagtitiwala sa kaniyang sariling puso ay hangal, ngunit siyang lumalakad na may karunungan ang makatatakas.”—Kawikaan 28:26.
Paano makikita sa magkasintahan na nagtitiwala sila sa kanilang sariling puso? Ang isang paraan ay kapag hinahayaan nilang malagay sila sa alanganing sitwasyon gaya ng magkasintahang nabanggit sa pasimula. Ang isa pang paraan ay kapag winawalang-bahala nila ang payo ng kanilang mga magulang na may takot sa Diyos. Alam ng gayong mga magulang na ang seksuwal na pagnanasa, lalo na sa panahon ng kabataan, ay parang isang napakalakas na makina na dapat kontrolin.
Kaya ang mga kabataang ‘lumalakad na may makadiyos na karunungan’ ay nakikinig sa payo ng kanilang mga magulang, na dahil sa pagmamahal sa kanila ay handang magsabi ng mga bagay na alam nilang mahirap tanggapin ng kanilang mga anak. Siyempre pa, walang kapantay ang pagmamahal ng iyong Ama sa langit, ang Diyos na Jehova. Pinapayuhan ka niya na “alisin mo ang kaligaligan mula sa iyong puso, at ilayo mo ang kapahamakan mula sa iyong laman.” (Eclesiastes ) Paano mo iyan magagawa? Huwag magpadala sa maling pagnanasa. 11:9, 10
Magtakda ng Malinaw na mga Limitasyon
“Sa mga nagsasanggunian ay may karunungan.” (Kawikaan 13:10) Sinusunod ng maingat na magkasintahan ang payong iyan. Sa pasimula pa lang ng relasyon, pinag-uusapan na nila kung anu-ano ang angkop na kapahayagan ng pagmamahal ayon sa Bibliya, at determinado silang huwag lumampas doon. Kung hindi nila kokontrolin ang kanilang sarili at iisiping kayang-kaya nilang lusutan ang tukso, para silang mga kaskaserong drayber. Huli na ang lahat kung saka pa lang sila gagawa ng resolusyon matapos madisgrasya!
“Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli,” ang sabi ng Bibliya. “Ang mga walang-karanasan ay dumaraan at daranas ng kaparusahan.” (Kawikaan 22:3) Ang mga magkasintahan ay hindi malalagay sa alanganin kung mamamasyal sila kasama ng grupo o ng isang tsaperon na hindi kunsintidor. Malaki ang magiging kaparusahan, o kabayaran, kung hindi mag-iingat ang magkasintahan—bagbag na budhi, kawalan ng paggalang sa sarili at sa kasintahan, at kahihiyan sa lahat ng apektado, kasama na ang mga kapamilya. Kaya maging matalino; maging determinado kayong sundin ang mga pamantayan sa Bibliya!
Gawing ‘Ikatlong Ikid’ si Jehova
Ang pag-aasawa ay parang isang tatlong-ikid na panali—ang Diyos ang pangunahing ikid. “Ang panali na tatlong-ikid ay hindi madaling mapatid,” ang sabi ng Eclesiastes 4:12. Kapit din iyan sa mga magkasintahan. Kung gusto ng magkasintahan na sang-ayunan ng Diyos ang kanilang relasyon, dapat na pareho silang malapít sa Diyos. Sinasabi ng Awit 1:1-3: “Maligaya ang taong hindi lumalakad sa payo ng mga balakyot . . . Kundi ang kaniyang kaluguran ay sa kautusan ni Jehova, at sa kaniyang kautusan ay nagbabasa siya nang pabulong araw at gabi . . . , at ang lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay.”
Oo, magiging matagumpay tayo sa buhay, pati na sa pakikipagkasintahan at pag-aasawa, kapag ginagawa natin ang mga bagay-bagay ayon sa kalooban ni Jehova. Tutal, siya ang ating Maylalang, at ang pagkaakit sa di-kasekso at pag-aasawa ay napakahalagang regalo mula sa kaniya. Kaya dapat na maging marangal ito.—Santiago 1:17.
[Talababa]
^ par. 3 Binago ang ilang pangalan.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
● Bakit natin masasabing gusto ng Diyos ang pinakamabuti para sa atin?—Isaias 48:17, 18.
● Ano ang dapat nating tanggapin tungkol sa ating sarili?—Jeremias 17:9.
● Ano ang sekreto sa isang matagumpay na pakikipagkasintahan at pag-aasawa?—Awit 1:1-3.
[Larawan sa pahina 13]
Sa pasimula pa lang ng relasyon, pinag-uusapan na ng maingat na magkasintahan kung anu-ano ang angkop na kapahayagan ng pagmamahal ayon sa Bibliya, at determinado silang huwag lumampas doon