Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nang Pumula ang Araw

Nang Pumula ang Araw

Nang Pumula ang Araw

SA LOOB ng ilang buwan noong tag-araw ng 1783, isang makapal at kakaibang uri ng ulap ang bumalot sa malaking bahagi ng Hilagang Hemisperyo. Pumula ang araw, natuyo ang mga pananim, at napakaraming tao ang namatay. Sa katunayan, sa Pransiya at Inglatera pa lamang, tinatayang sampu-sampung libo na ang nasawi. Maraming iba pa ang nagkasakit​—napakarami di-umano, anupat nahirapan ang mga magsasaka na kumuha ng mga aani sa natitirang mga pananim.

Ang ‘ulap’ na iyon ay sinasabing “isa sa pinakamalaking penomeno sa atmospera noong nakalipas na isang libong taon.” Pero nang panahong iyon, ang mga taga-Iceland lang ang nakakaalam ng sanhi​—isang uri ng pagsabog ng bulkan na ayon sa mga eksperto ay minsan lang maganap sa loob ng ilang siglo. Siyempre pa, ang Iceland ang talagang napuruhan​—tinatayang 20 porsiyento ng mga mamamayan nito ang namatay.

Ang Pagputok ng Bitak ng Laki

Noong Hunyo 8, 1783, napansin ng mga taga-Síða sa timugang Iceland ang mga unang senyales na malapit nang pumutok ang bitak ng Laki. Sa tulong ng ulat ng mga tagapagmasid sa ilang lupain, ang mga mananaliksik ay nakabuo ng mapang nagpapakita ng direksiyon ng pagkalat ng makapal na usok ng bulkan bawat araw. Ang isa sa mga saksi sa Iceland ay si Jón Steingrímsson. Ayon sa kaniya, nakita niyang may “maitim na usok” na nagmumula sa hilaga. Dumilim ang paligid, at ang lupa ay natakpan ng pinong abo. Pagkatapos, nagkaroon ng mga lindol. Binanggit pa niya na pagkalipas ng isang linggo, “isang nakakatakot na ilog ng apoy ang umagos mula sa lambak ng [Ilog] Skaftá,” at tumupok sa lahat ng nadaanan nito. Walong buwang inobserbahan ni Steingrímsson ang pangyayaring ito.

Isang bitak sa lupa na may habang 27 kilometro ang nagbuga ng 15 kilometro kubiko ng lava​—ang pinakamarami sa lahat ng naitalang pagsabog! Umalimbukay nang daan-daang metro sa ere ang naglalagablab na lava. Umagos ito nang mga 80 kilometro mula sa bitak, anupat umabot sa lawak na 580 kilometro kuwadrado at napuno nito ang lagusan ng Ilog Skaftá.

Nang sumunod na taon, mahigit 50 porsiyento ng mga baka at mga 80 porsiyento ng mga kabayo at tupa sa Iceland ang namatay dahil sa abo at nakakalasong kemikal na napunta sa damo. Laganap din ang taggutom. Bukod diyan, ang bitak ng Laki ay nagbuga ng tinatayang 122 milyong tonelada ng sulfur dioxide sa atmospera, kung saan humalo ito sa hamog at lumikha ng mga 200 milyong tonelada ng acid gas. *

Epekto sa Malalayong Lugar

Nang sumapit ang tag-araw, ang mapaminsalang ‘ulap’ ay tinangay ng hangin sa malalayong lugar. Sa Britanya at Pransiya, inilarawan ito ng mga tao bilang “kakaibang usok” na noon lang nila nakita. Ang mabahong gas na ito na may halong sulfur ay nagdulot ng sakit sa palahingahan, disintirya, pananakit ng ulo, sore eyes, pananakit ng lalamunan, at iba pang karamdaman. Bata’t matanda, hindi nakaligtas sa nakamamatay na ‘ulap’ ng sulfur dioxide at sulfuric acid.

Ayon sa isang ulat sa Alemanya, sa loob lang ng magdamag, natuyo ang dahon ng mga puno sa kahabaan ng Ilog Ems dahil sa nakakalasong usok na iyon. Sa Inglatera, ang mga gulay ay nalanta at namatay, na para bang nasunog. Ganiyan din ang nangyari sa Pransiya, Hungary, Italya, Netherlands, Romania, Scandinavia, at Slovakia. Sa katunayan, natanaw pa ang usok hanggang sa Portugal, Tunisia, Sirya, Russia, kanlurang Tsina, at Newfoundland.

Lumilitaw na naapektuhan din ang temperatura dahil natakpan ng kontaminadong atmospera ang araw. Noong 1784, ang kontinente ng Europa ay mas malamig nang 2 digri Celsius kaysa sa aberids na temperatura doon nang huling mga dekada ng ika-18 siglo. Ang Iceland naman ay mas malamig nang halos 5 digri Celsius. Sa Hilagang Amerika, napakalamig ng taglamig noong 1783/1784. Sa katunayan, may napaulat na malalapad na tipak ng yelo na “lumutang sa Mississippi . . . patungo sa Gulpo ng Mexico.”

Naniniwala ang ilang iskolar na ang taggutom na dulot ng pagputok ng Laki ang posibleng dahilan kung bakit muntik nang maubos ang mga Kauwerak, isang katutubo sa hilagang-kanlurang Alaska. Ipinakikita ng tree-ring data na ang tag-araw ng 1783 ang pinakamalamig sa Alaska sa loob ng mahigit 400 taon. Sa katunayan, may kuwento ang mga Kauwerak tungkol sa taóng nagtapos ng Hunyo ang tag-araw, na sinundan ng matinding taglamig at taggutom.

Ang Laki at ang Daigdig Ngayon

Nabaon na sa limot ang sakunang naganap noong 1783. Bukod sa napakatagal na panahon na ang nakalipas, karamihan ng nakaranas ng epekto niyaon ay walang ideya sa sanhi ng sakuna. Pero sa Iceland, ang pagputok ng Laki ang itinuturing na pinakamalaking likas na kalamidad sa kasaysayan ng bansang iyon.

Sinasabi ng ilan na ito raw ay parusa mula sa Diyos. Pero hindi ganiyan ang sinasabi ng Bibliya. (Santiago 1:13) Walang itinatangi ang Diyos, mabuti man o masama, yamang “ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan.” (Deuteronomio 32:4) Sa hinaharap, ipapakita ng Diyos ang tunay na katarungan kapag nakialam na Siya sa mga kaganapan sa daigdig. Ayon sa Bibliya, layunin Niyang alisin ang lahat ng sanhi ng kamatayan at pagdurusa, kasama na ang likas na mga sakuna.​—Isaias 25:8; Apocalipsis 21:3, 4.

[Talababa]

^ par. 7 Ang sulfur dioxide ay isang nakakalasong gas na nagiging sanhi ng acid rain. Produkto ito ng usok mula sa fossil fuel, gaya ng karbon, gas, at petrolyo.

[Larawan sa pahina 14, 15]

Bitak ng Laki, kuha mula sa itaas

[Larawan sa pahina 14, 15]

Isang nagbabagang lava na umaalimbukay

[Larawan sa pahina 15]

Iceland, kuha ng satelayt

[Picture Credit Lines sa pahina 14, 15]

Lava fountain: © Tom Pfeiffer; aerial photo: U.S. Geological Survey; satellite photo: Jacques Descloitres, MODIS Rapid Response Team, NASA/GSFC