Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Nagustuhan Ko sa mga Saksi ni Jehova

Ang Nagustuhan Ko sa mga Saksi ni Jehova

Ang Nagustuhan Ko sa mga Saksi ni Jehova

Ayon sa salaysay ni Tomás Orosco

Noong unang dalo ko sa pulong ng mga Saksi sa kanilang Kingdom Hall, may nagpahayag na isang batang lalaki. Bagaman halos matakpan siya ng podyum, makikita pa rin ang husay niya. Talagang hanga ako.

TUTOK na tutok sa kaniya ang mga tagapakinig. Palibhasa’y dati akong kumandante ng hukbong militar, personal assistant ng presidente, at diplomatiko ng militar ng Bolivia na ipinadala sa Estados Unidos, talagang nirerespeto ako ng marami. Pero dahil sa respetong tinanggap ng batang ito, napag-isip-isip ko kung ano ba talaga ang dapat na maging tunguhin ko sa buhay.

Namatay ang tatay ko noong 1934 sa Digmaang Chaco sa pagitan ng Paraguay at Bolivia. Di-nagtagal, pumasok ako sa isang Catholic boarding school. Sa loob ng maraming taon, araw-araw akong dumadalo ng Misa, kumakanta ng himno, nakikinig sa katesismo, at paulit-ulit na bumibigkas ng sauladong mga panalangin. Naging sakristan pa nga ako at miyembro ng choir. Pero kahit kailan, hindi ko pa nabasa ang Bibliya; sa katunayan, hindi pa ako nakakakita nito.

Tuwang-tuwa ako kapag may relihiyosong mga kapistahan, kasi parang parti ang mga iyon at gusto ko ring maiba ang rutin ko. Pero malupit ang mga pari at iba pang nagtuturo ng relihiyon. Kaya sa halip na maging relihiyoso, nawalan ako ng gana sa relihiyon.

Nagustuhan Ko ang Kaayusan sa Militar

Minsan, dalawang kabataang opisyal ng militar na bihis na bihis ang nagpunta sa aming bayan, sa Tarija. Galing sila sa La Paz, ang pangunahing lunsod ng Bolivia. Nakita ko silang naglalakad sa plasa. Hangang-hanga ako sa kanilang malinis at kagalang-galang na hitsura. Mabikas sila, nakasombrero, at nakasuot ng berdeng uniporme. Sa loob-loob ko, magiging opisyal din ako ng militar. Ang tingin ko sa kanila, marangal at maraming karanasan.

Noong 1949, noong ako’y 16 anyos, nakapasa ako sa kolehiyong pangmilitar ng Bolivia. Sinamahan ako ng kuya ko sa mahabang pila ng mga kabataang lalaki na abot sa gate ng baraks. Ipinakilala niya ako sa tenyente, at inihabilin ako rito. Puring-puri niya ako sa tenyente. Pero pagkaalis ng kuya ko, pinatikim sa akin ang karaniwang ginagawa sa mga baguhan. Itinumba ako sa lupa at sinabi sa akin, “Kami ang magsasabi kung sino ang magaling dito!” Diyan ko unang natikman ang pananakot at disiplinang militar. Pero kahit napahiya ako, buo pa rin ang loob ko.

Nang maglaon, natuto akong makipagdigma at naging kagalang-galang na opisyal ng militar. Pero sa karanasan ko, natanto kong nakakadaya ang malinis at kagalang-galang na hitsura ng mga tauhan ng militar.

Nakamit ang Isang Tinitingalang Posisyon

Di-nagtagal, tumanggap ako ng pagsasanay sa battle cruiser na General Belgrano ng Argentine Navy. Mayroon itong mahigit isang libong tauhan. Ito ang dating USS Phoenix ng Estados Unidos bago ang Digmaang Pandaigdig II. Nakaligtas ito sa pagsalakay ng mga Hapon sa Pearl Harbor, Hawaii, noong 1941.

Nang maglaon, tumaas nang tumaas ang ranggo ko hanggang sa maging pangalawa ako sa pinakamataas na opisyal ng Navy ng Bolivia na nagpapatrolya sa mga katubigan sa may hanggahan ng Bolivia. Kasama rito ang mga ilog sa Amazon Basin, pati na ang pinakamataas na lawa sa daigdig, ang Lake Titicaca.

Noong Mayo 1980, isinama ako sa grupo ng mga diplomatiko ng militar na ipadadala sa Washington, D.C., ang kabisera ng Estados Unidos. Kumuha ng isang mataas na opisyal mula sa bawat sangay ng militar​—army, air force, at navy​—at ako ang ginawang koordineytor ng grupo yamang ako ang pinakamatagal sa serbisyo. Tumira ako sa Estados Unidos sa loob ng halos dalawang taon at nang maglao’y naging personal assistant ako ng presidente ng Bolivia.

Bilang kumandante sa militar, obligado akong magsimba tuwing Linggo. Pero dahil sa pagkakasangkot ng mga pari at kapelyan ng militar sa mga rebolusyon at digmaan, nawalan ako ng gana sa relihiyon. Alam kong mali ang pagsali ng mga relihiyon sa gayong patayan. Pero sa halip na tuluyan ko nang talikuran ang relihiyon dahil sa pagpapaimbabaw nito, lalo pa akong naudyukang hanapin ang katotohanan. Hindi pa ako nakakabasa ng Bibliya noong panahong iyon, kaya sinubukan kong magbuklat ng ilang talata at magbasa-basa.

Kaayusan sa Kingdom Hall

Nagulat ako nang makipag-aral ng Bibliya ang asawa kong si Manuela sa isang misyonerang Saksi ni Jehova, si Janet. Nang maglaon, nagsimulang dumalo si Manuela sa mga pulong sa Kingdom Hall, ang lugar ng pagsamba ng mga Saksi. Hinahatid ko siya roon, pero hindi ako interesadong dumalo. Iniisip ko na puro ingay at iyakan lang ang pulong nila.

Minsan, tinanong ako ni Manuela kung okey lang na dalawin ako ng asawa ni Janet na si Ian. Noong una, ayoko. Pero naisip kong sa dinami-dami ng pagsasanay na tinanggap ko sa relihiyon, kayang-kaya ko siyang barahin. Subalit nang magkita kami ni Ian, mas humanga ako sa kaniyang paggawi kaysa sa sinabi niya. Bagaman maganda ang pagsasanay niya at marami siyang alam sa Bibliya, hindi niya ako ipinahiya​—mabait siya at magalang.

Pagkalipas ng isang linggo, dumalo ako sa Kingdom Hall, kung saan napakinggan ko ang pahayag ng batang lalaki, gaya ng nabanggit ko sa pasimula. Habang nakikinig ako sa pagbasa niya at pagpapaliwanag sa mga teksto sa aklat ng Bibliya na Isaias, sa isip-isip ko, nakatagpo ako ng isang natatanging organisasyon. Ang nakakatawa nito, noong bata ako, pangarap kong maging isang iginagalang na opisyal ng militar. Pero ngayon, gusto ko namang maging tulad ng batang iyon at magturo ng Bibliya. Para bang bigla na lang lumambot ang puso ko.

Humanga rin ako sa mga Saksi dahil lagi silang nasa oras at palagi nila akong binabati. Itinuturing nila akong kaibigan. Hanga rin ako sa kanilang malinis at maayos na pananamit. Pero ang talagang nagustuhan ko ay ang maayos na takbo ng mga pulong​—kapag may nakaiskedyul na pahayag, iyon mismo ang maririnig ko sa araw na iyon. Alam kong ang ganitong kaayusan ay bunga ng pag-ibig, hindi ng pananakot.

Pagkatapos ng unang dalo ko, pumayag akong makipag-aral ng Bibliya kay Ian. Ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa ang ginamit namin. * Naalaala ko pa ang larawan ng isang obispo sa ikatlong kabanata habang binabasbasan nito ang mga sundalong sasabak sa digmaan. Sa karanasan ko, kitang-kita kong ganoon nga ang nangyayari. Sa Kingdom Hall, nakakuha ako ng aklat na Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan. Nang mabasa ko ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa neutralidad, natanto kong may mga dapat akong baguhin. Nagpasiya akong huwag nang balikan pa ang Simbahang Katoliko, at dumalo na ako nang regular sa mga pulong sa Kingdom Hall. Nagplano na rin akong magbitiw sa militar.

Pagsulong Tungo sa Bautismo

Pagkalipas ng ilang linggo, narinig kong tutulong ang kongregasyon sa paglilinis ng istadyum na gagamitin para sa nalalapit na kombensiyon noon. Sabik akong dumalo, kaya sumama rin ako sa paglilinis. Masayang-masaya akong makapagtrabahong kasama nila. Habang nagwawalis ako ng sahig, isang kabataang lalaki ang lumapit sa akin at nagtanong kung ako ba ang admiral.

“Oo,” ang sagot ko.

“Hindi ako makapaniwalang magwawalis ng sahig ang isang admiral!” ang bulalas niya sa pagkamangha. Ni pumulot nga ng papel hindi mo makitang ginagawa ng isang mataas na opisyal, lalo pa kaya ang maglinis ng sahig. Dati ko palang drayber sa militar ang kabataang iyon, at isa na siya ngayong Saksi ni Jehova!

Pagtutulungan Udyok ng Pag-ibig

Sa militar, ang respeto ay nakadepende sa ranggo. Iyan ang nakatatak sa isip ko. Kaya naman naitanong ko noon kung mayroon bang ilang Saksi ni Jehova na mas mataas ang posisyon kaysa sa iba. Pero nagbago ang pananaw kong ito.

Noong panahong iyon​—taóng 1989​—nabalitaan kong dadalaw sa Bolivia ang isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova mula sa New York para magpahayag sa istadyum. Gusto kong makita kung paano sasalubungin ang isang “mataas” na miyembro ng organisasyon. Ang akala ko, kikilos siya na parang VIP.

Pero nang magsimula ang programa, wala namang indikasyon na may dumating na espesyal na panauhin. Nagkataong may nakatabi kami ni Manuela na isang mag-asawang may-edad na. Napansin niyang Ingles ang aklat-awitan ng asawang babae. Kaya nang mag-intermisyon, nakipagkuwentuhan sa kaniya si Manuela. Pero umalis din ang mag-asawang iyon.

Gulát na gulát kami ni Manuela nang pumunta sa entablado ang asawa ng babae at ibigay ang pangunahing pahayag! Nang oras ding iyon, nagbago ang lahat ng pananaw ko tungkol sa ranggo, respeto, kapangyarihan, at posisyon. “Isipin mo,” ang sabi ko, “miyembro pala ng Lupong Tagapamahala ’yung katabi natin kanina, samantalang hindi naman komportable ang mga upuang iyon ng istadyum!”

Napapangiti na lang ako ngayon kapag naaalaala ko kung ilang beses na sinikap ni Ian na tulungan akong maunawaan ang pananalita ni Jesus na makikita sa Mateo 23:8: “Lahat kayo ay magkakapatid.”

Pangangaral sa Unang Pagkakataon

Nang matapos ko na ang mga obligasyon ko sa militar, inanyayahan ako ni Ian na sumama sa kaniya sa pagbabahay-bahay. (Gawa 20:20) Ang lugar na pinuntahan namin ay punô ng mga bahay ng mga militar​—’yun pa naman ang iniiwasan ko. Isang heneral na ayaw ko sanang makatagpo ang nagbukas ng pinto. Ninerbiyos ako at natakot, lalo na nang makita niya ang bag ko at Bibliya at magtanong siya nang may panunuya, “O, ano’ng nangyari sa iyo?”

Pagkatapos ng isang maikling panalangin, naging kalmado ako at bumalik ang kumpiyansa ko. Nakinig ang heneral at tinanggap pa nga niya ang mga literatura sa Bibliya na inialok ko. Napasigla ako ng karanasang iyon na mag-alay ng aking buhay kay Jehova. Sinagisagan ko ito ng bautismo sa tubig noong Enero 3, 1990.

Sa kalaunan, naging Saksi ni Jehova rin ang aking asawa at dalawang anak. Naglilingkod ako ngayon bilang elder sa kongregasyon at buong-panahong mángangarál ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Ang pinakamahalagang pribilehiyo ko ay ang makilala si Jehova at maging lingkod niya. Hindi ito mapapantayan ng anumang ranggo o posisyon. Ang susi pala talaga sa kaayusan ay pag-ibig, hindi ang tapang at pagiging malupit. Si Jehova ay Diyos ng kaayusan, pero higit sa lahat, siya ay Diyos ng pag-ibig.​—1 Corinto 14:33, 40; 1 Juan 4:8.

[Talababa]

^ par. 21 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova pero hindi na ngayon inililimbag.

[Larawan sa pahina 13]

Kasama si Kuya Renato, noong 1950

[Larawan sa pahina 13]

Sa isang okasyon kasama ang ilang opisyal ng militar mula sa Tsina at iba pang bansa