Ang mga Katakumba ng Odessa—Pasikut-sikot na mga Tunel
Ang mga Katakumba ng Odessa—Pasikut-sikot na mga Tunel
ISANG mahabang bitak ang lumitaw sa bagong-palitadang pader ng isang bagong-ayos na apartment. “Naku, humilig na naman ang apartment natin dahil sa mga katakumbang iyan,” ang reklamo ng may-ari.
Anuman ang problema—bumigay man ang tubo ng tubig o ang kalsada—lagi na lang itong isinisisi sa mga tunel sa ilalim ng magandang lunsod ng Odessa, Ukraine, sa may Dagat na Itim. Ang pasikut-sikot na mga tunel na ito ay may kabuuang haba na mga 2,500 kilometro. Sa buong daigdig, ito na marahil ang pinakamalaking sistema ng mga tunel o katakumba.
‘Paano nabuo ang mga tunel na ito?’ ang inisip namin. ‘Anong papel ang ginampanan nito sa buhay ng mga nakatira sa “ibabaw” nito?’ Nasagot ang mga tanong na iyan nang pasyalan namin ang mga ito.
Pamamasyal sa Ilalim ng Lupa
Mula sa istasyon ng tren sa Odessa, umalis ang bus namin sakay ang sabik na mga bakasyunista at mga estudyante. Habang nasa daan, ikinuwento ng aming tour guide ang ilang bagay tungkol sa kasaysayan ng mga katakumba.
Sinimulan daw ang paghuhukay ng mga katakumba noong dekada ng 1830 dahil kailangan ng lunsod ng mga murang materyales sa pagtatayo na madaling makuha. Nagkataon namang maraming dilaw na batong-apog sa ilalim ng lunsod. Magaan ito at matibay. Kaya naman naging negosyo ang pagtabas ng bato sa Odessa, na noo’y papaunlad pa lang. Sa kahuhukay ng mga minero, unti-unting nabuo ang mga katakumba.
Dumami na parang kabute ang mga tunel sa ilalim ng lunsod. May mga tunel na hinukay mahigit 35 metro sa ilalim ng lupa. May mga bahaging salu-salubong ang direksiyon ng mga tunel sa iba’t ibang level. Kapag ubos na ang batong-apog, iiwan ng mga minero ang hukay at sa ibang lugar naman maghuhukay. Nang maglaon, ang sala-salabid na mga tunel ay umabot sa labas ng lunsod.
Di-nagtagal, dumating ang bus namin sa Nerubaiske, isang maliit na nayon sa hilaga ng Odessa. Ilang sandali pa, nasa pasukan na kami ng isang tunel ng katakumba. Mayroon itong gate na bakal at batong-apog na pader. Sinabi ng aming guide: “Papasok tayo ngayon sa isang lugar na okupado ng mga partisan [kapartido] ng Sobyet noong Digmaang Pandaigdig II. Magkakaideya kayo sa naging buhay nila rito noon.” Ayon kay Andriy Krasnozhon, eksperto sa
katakumba, may isang grupo ng mga partisan na tumira dito sa loob ng 13 buwan.“Pero marami pang gumamit sa iba’t ibang seksiyon ng mga katakumba,” ang kuwento pa ng guide. “May mga bandido, pirata, at mga takas dahil sa pulitika. Halos pare-pareho ang naging buhay nila rito.”
Pumasok kami sa isang madilim na pasilyo. Habang naglalakad kami, padilim nang padilim ang paligid. “Hindi lang ito basta taguan ng mga partisan, isa rin itong tuluyan,” ang sabi ng guide. “May silid kung saan naglalaro ang mga lalaki ng checkers, chess, o domino. Kandila lang ang ilaw nila. Umuka ng mga silid-tulugan sa mga pader ng pangunahing tunel. Sa bawat silid, umuka rin ng higaan na nilatagan ng dayami. Ang pinakaospital naman ay may totoong higaan at silid para sa pag-opera. Ang mga babae ay gumagamit ng lutuang gawa sa dilaw na batong-apog. Kahoy ang panggatong nila, at may lagusan din sa itaas na nilalabasan ng usok.”
Ang pinakakisame ng tunel ay parang malaking espongha, ’yun nga lang, matigas. Makikita rin sa pader ang bakas ng pinagtabasan ng bato. Para itong magaspang na liha. “Kapag lumalabas ang mga partisan, nagpapalit sila ng damit para hindi sila maamoy ng mga Aleman,” ang sabi ng guide namin. “Nanunuot kasi sa damit ang kakaibang amoy ng mamasa-masang mga katakumba.”
“Kakaiba talaga ang buhay sa ilalim ng lupa,” ang sabi ng guide. “Halimbawa, kailangan mong mamuhay sa pusikit na kadiliman.” Pinatay niya ang ilaw, at nabalot ng kadiliman ang paligid. “Hindi laging may sindi ang gasera nila,” ang sabi niya. Habang nangangapa kami sa dilim, sinabi ng guide namin, “Sinasagap ng mga bato ang tunog, kaya kapag naligaw ka, walang makakarinig sa iyo kahit anong sigaw mo.” Buti na lang at binuksan niya uli ang ilaw!
“Dalawang oras lang nagtatanod ang mga guwardiya rito,” ang pagpapatuloy niya, “kasi kapag nagtagal ka sa isang lugar na napakadilim at napakatahimik, akala mo’y may naririnig ka nang kung anu-ano.” Sa isang butas sa pinakakisame ng tunel, nakita namin ang isa pang tunel sa itaas. Naisip ko: ‘Saan kaya ’yun nanggaling? Saan kaya ang lusot n’un?’ Parang gusto ko pa tuloy galugarin ang mga tunel. “Mga 1,700 kilometro pa lang ng mga katakumba ang nagagawan ng mapa,” ang sabi ng guide namin, “kaya marami pang dapat gawan ng mapa.”
Nitong kamakailan, may natuklasang iba pang mga tunel. May natagpuan ditong mga pahayagang inilathala isang siglo na ang nakalipas, mga gaserang ginamit bago ang rebolusyon, at pera noong panahon ng mga tsar. Ang gayong mga bagay—na nakatago sa loob ng maraming dekada—ay pag-aari ng mga tumira sa malalim, madilim, at mahabang mga katakumba ng Odessa.—Ipinadala.
[Kahon/Larawan sa pahina 25]
BATONG-APOG AT ARKITEKTURA
Nakatayo pa rin sa sentro ng Odessa ang magagandang gusaling gawa sa dilaw na batong-apog. Ang ilan sa mga basement nito ay may mga pintong papasók sa mga katakumba. May mga gusali pa ring itinatayo gamit ang batong-apog.
[Larawan sa pahina 24, 25]
Mga higaang pang-ospital na ginamit ng mga Sobyet noong Digmaang Pandaigdig II
[Larawan sa pahina 24, 25]
Ang mga katakumba ng Odessa ay may kabuuang haba na mga 2,500 kilometro