Faeroe Islands—Pinagdugtung-dugtong na mga Isla
Faeroe Islands—Pinagdugtung-dugtong na mga Isla
ANG Faeroe Islands ay isang maliit na kulupon ng 18 isla sa gitna ng maalong karagatan ng North Atlantic. Faeroese ang wika ng mga naninirahan dito. Sa napakagandang mga islang ito, makakakita ka ng matatarik at mabatong kabundukan na ang paanan ay dagat na. Sa baybayin, makulay ang kabahayan. At kapag tag-araw, napakasarap pagmasdan ng taluktok ng mga burol na nalalatagan ng berdeng damo.
Bagaman maituturing na isang pamayanan ang 48,000 mamamayan sa mga islang ito, hindi madali para sa kanila na makipag-ugnayan sa isa’t isa. Noon kasi, bangkang de-sagwan ang ginagamit ng mga tao para makapunta sa kabilang isla at madala ang kanilang mga paninda. Matatarik na bundok at bangin ang nilalakad nila para marating ang ibang nayon. Mahirap ding magtayo ng bahay dahil kailangan pang ikarga sa bangkang de-sagwan ang lahat ng materyales. Kailangan munang hakutin ang mga ito mula sa maliit na daungan sa baybayin bago masimulan ang pagtatayo.
Mga Unang Nanirahan
Ang mga pinakaunang talâng matatagpuan tungkol sa Faeroe Islands ay isinulat ng isang mongheng taga-Ireland noong mga 825 C.E. Ayon sa kaniya, may mga monghe nang taga-Ireland na naninirahan sa mga isla mahigit isang daang taon bago siya dumating. Gayunman, sinasabing nagkaroon lang doon ng pamayanan noong mga pasimula ng ika-siyam na siglo nang dumating si Grímur Kamban mula sa Norway.
Bukod sa pangingisda, pag-aalaga ng tupa ang ikinabubuhay ng mga unang nanirahan doon. Sa Faeroese, ang pangalang Føroyar (Faeroe Islands) ay nangangahulugang “Mga Isla ng Tupa.” Hanggang ngayon, mahalaga roon ang pag-aalaga ng tupa. Ang lana ay nagsisilbing proteksiyon sa hangin, ulan, at lamig. Sa katunayan, sinasabi noon na ‘ang lana ang pinakaginto ng mga taga-Faeroe.’
Hanggang ngayon, mas marami pa ang tupa doon kaysa sa tao. Kinakatay ang mga tupa ayon sa nakaugalian ng mga tagaroon at ibinibitin ang karne sa isang lugar na may bubong para mahanginan at matuyo. Ang prosesong ito ay nagbibigay ng kakaibang sarap sa karne.
Palibhasa’y kakaunti lang sila at nakatira sa liblib na mga isla, naging malapít sa isa’t isa ang mga taga-Faeroe, anupat nagtutulungan sila para mabuhay. At ngayong makabago na ang transportasyon at komunikasyon, naging mas madali pa para sa kanila na makipag-ugnayan sa ibang mga taga-isla.
Pinagdugtung-dugtong ng mga Tunel
Nagbukas ang unang tunel sa Faeroe noong 1963. Pinagdugtong nito ang dalawang nayon sa magkabilang panig ng isang bundok sa pinakatimugang isla, ang Suðuroy. Paano ginawa ang tunel? Sabay na hinukay at binutas ang magkabilang panig ng bundok sa tulong ng mga dinamita.
Kamakailan, isang tunel ang ginawa mga 150 metro sa ilalim ng dagat. Nagdurugtong ito sa dalawang mas malalaking isla. Para mabutas ang bato, isang barenang limang metro ang haba ang ginamit. Pagkatapos, nilagyan ng dinamita ang dulo ng butas. Matapos pasabugin, tinanggal ang malalaking bato. Paulit-ulit na ginawa ang prosesong ito hanggang sa makabuo ng tunel na mahigit anim na kilometro. Binuksan ito noong Abril 29, 2006.
Bagaman kaunti lang ang naninirahan sa Faeroe Islands, napakarami nitong tunel—18 lahat-lahat, kasama ang dalawang nasa ilalim ng dagat na nagdurugtong sa mga isla. May plano pa ngang gumawa ng iba pang tunel. Sa katunayan, inaprubahan ng Parlamento ang pagtatayo ng dalawa pang tunel na magdurugtong sa malalaking isla. Ang isa rito, na inaasahang matatapos sa taóng 2012, ay aabutin nang halos 12 kilometro. Isa ito sa pinakamahabang tunel sa ilalim ng dagat sa buong daigdig.
Pinagbubuklod ng Bibliya
May isang grupo ng mga tao sa Faeroe Islands na pinagbubuklod sa natatanging paraan—ang mga Saksi ni Jehova. Pinagbubuklod sila ng kanilang pagsamba sa Diyos. Ang unang mga Saksing pumunta sa Faeroe—dalawang masigasig na babaing dumating mula sa Denmark noong 1935—ay gumugol ng isang tag-araw para magbahay-bahay dala ang mensahe ng Bibliya tungkol sa Kaharian ng Diyos. Nang maglaon, tinanggap ng ilang taga-isla ang nakaaaliw na mensaheng iyon at sumali na rin sa pangangaral nito.—Mateo 24:14.
Sa ngayon, may mga 100 Saksing nagpupulong sa apat na Kingdom Hall sa mga isla. Masigasig nilang isinasagawa ang kanilang ministeryo sa tulong ng magagandang kalsada at tunel na nagdurugtong sa magagandang islang ito sa gitna ng maalong North Atlantic.
[Larawan sa pahina 17]
Ang tunel na ito na mga 150 metro sa ilalim ng dagat ay nagdurugtong sa dalawang mas malalaking isla