Kalikasan ang Nauna
Kalikasan ang Nauna
“Maging ang siguana sa langit—nalalaman nitong lubos ang kaniyang mga takdang panahon.”—Jeremias 8:7.
ISINULAT ni Jeremias ang tungkol sa nandarayuhang siguana mahigit 2,500 taon na ang nakalilipas. Sa ngayon, namamangha pa rin ang mga tao sa mga nilalang na nandarayuhan, gaya ng salmon na nakakalangoy nang libu-libong kilometro sa karagatan at nakakabalik sa batis kung saan ito ipinanganak. Nakakapaglakbay rin nang malayo ang mga leatherback sea turtle. Ang isa sa mga ito na nangitlog sa Indonesia ay naglakbay nang mga 20,000 kilometro para mandayuhan sa baybayin ng Oregon sa Estados Unidos. Kadalasan nang bumabalik ang mga leatherback sa lugar na pinanggalingan nila sa Indonesia para muling mangitlog.
Kung kahanga-hanga ang mga nandarayuhang nilalang, aba, mas kahanga-hanga ang mga nilalang na may kakayahang umuwi kahit iligaw sila. Halimbawa, sakay ng eroplano, dinala ng mga mananaliksik ang 18 albatros mula sa isang maliit na isla sa Pasipiko patungo sa mga lugar sa magkabilang ibayo ng Karagatang Pasipiko—ang ilan ay sa kanluran at ang iba’y sa silangan. Libu-libong kilometro ang layo ng mga lugar na ito, pero nang pakawalan ang mga ibon, nakauwi ang karamihan sa kanila makalipas ang ilang linggo.
May mga kalapating ibiniyahe nang mahigit 150 kilometro sa mga lugar na hindi sila pamilyar. Ang ilan sa kanila ay pinatulog sa pamamagitan ng anesthesia at ang iba naman ay inilagay sa pagulung-gulong na mga dram. Sa kabila nito, nakalkula nila ang kanilang lokasyon at matagumpay silang nakauwi. Yamang kayang umuwi ng mga kalapati, kahit may inilagay na malabong salamin sa kanilang mga mata, naniniwala ang mga mananaliksik na ginagamit ng mga ito ang nasasagap nilang signal mula sa mga magnetic field para malaman ang kanilang lokasyon at ang direksiyon pauwi.
May mga paruparong Monarch mula sa ilang lugar sa Hilagang Amerika na naglakbay nang mga 2,000 kilometro para mandayuhan sa isang lugar sa Mexico. Kahit hindi pa sila nakakapunta sa Mexico, natutunton nila ang daan, pati na ang mga punong pinuntahan ng kanilang ninuno isang taon na ang nakararaan. Hindi pa rin maipaliwanag ng mga mananaliksik kung paano ito nagagawa ng mga paruparong iyon.
Kung ang mga device para sa awtomatikong nabigasyon ay sa mga satelayt lang umaasa, maraming hayop ang gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan ng nabigasyon—mula sa pagmamasid sa paligid at sa araw hanggang sa pagdetek ng magnetic field, amoy, at maging ng tunog. Isinulat ng propesor ng biyolohiya na si James L. Gould: “Masyadong maganda ang pagkakadisenyo sa lahat ng hayop na umaasa sa eksaktong nabigasyon. . . . Karaniwan nang mayroon silang mga alternatibong paraan—mga ‘backup’ na magagamit nila depende kung alin ang makakapagbigay ng pinakamaaasahang impormasyon.” Malaking palaisipan pa rin sa mga mananaliksik ang komplikadong pamamaraan ng nabigasyon ng mga hayop.