Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Lahat ba ng Nasa Bibliya ay Mahalaga?

Lahat ba ng Nasa Bibliya ay Mahalaga?

“Halos wala nang pakinabang para sa mga tao ang Bibliya​—maliban na lang kung gagamitin ito para masagot ang crossword puzzle o tanong sa mga game show.”

“Noong panahon ng Bibliya, mahalagang sumangguni sa Bibliya tungkol sa pinagmulang angkan ng pamilya, pagkabirhen, o takot sa Diyos, pero hindi na ito mahalaga sa [Ika-21] Siglo.”

“Lipas na ang Bibliya bago pa man ito maimprenta sa kauna-unahang pagkakataon.”

ANG mga komentong iyan ay kinuha kamakailan sa isang Internet site na tumalakay sa paksang “Lipas na ba ang Bibliya at hindi na mahalaga?” Sang-ayon ka ba sa ganiyang klaseng pananaw? Malamang na hindi.

Gayunman, baka nag-aalinlangan ka rin kung mahalaga nga ba ang lahat ng nilalaman ng Bibliya. Ang Bibliya kasi ng maraming relihiyon ay nahahati sa dalawang bahagi na kadalasan nang tinatawag na Lumang Tipan at Bagong Tipan. Ang impresyon tuloy ng mga tao, ang mahigit 75 porsiyento ng Bibliya ay luma na, o lipas na.

Wala na ngayong naghahain ng mga hayop na isinasaad sa Kautusang Mosaiko. Kaya para saan pa ang mga detalye tungkol sa paghahain na nasa aklat ng Levitico? (Levitico 1:1–7:38) Nariyan din ang mga unang kabanata sa 1 Cronica, na halos talaangkanan lamang ang nilalaman. (1 Cronica 1:1–9:44) Kung wala nang makakapagsabi ngayon kung sino ang ninuno nila sa mga pangalang binanggit sa mga kabanatang iyon, ano pa ang silbi ng gayong mga talaangkanan?

Ipagpalagay nang pumitas ka ng isang mansanas. Kapag nakakuha ka na ba ng bunga, bale-wala na ang puno? Siyempre hindi! Sa ilang paraan, ang Bibliya ay gaya ng punong iyan. Baka ang ilang bahagi ng Bibliya, tulad ng Mga Awit o ng Sermon sa Bundok, ay madaling maunawaan at “masarap” basahin. Kung ang mga ito​—gaya ng pinitas na prutas​—ang gusto nating bahagi, dapat na bang bale-walain ang iba pang bahagi ng Bibliya? Ano kaya ang sinasabi mismo ng Bibliya tungkol sa bagay na ito?

Noong mga 65 C.E., isinulat ni apostol Pablo ang kaniyang ikalawang liham kay Timoteo. Pinaalalahanan niya ito: “Mula sa pagkasanggol ay alam mo na ang banal na mga kasulatan, na makapagpaparunong sa iyo ukol sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya may kaugnayan kay Kristo Jesus.” Idinagdag ni Pablo: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran.” (2 Timoteo 3:15, 16) Nang isulat ni Pablo na ang “lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang,” ang Bagong Tipan lang ba ang tinutukoy niya?

Pansinin na sinabi ni Pablo na alam na ni Timoteo ang “banal na mga kasulatan” mula pa sa “pagkasanggol.” Kung mahigit 30 anyos pa lang si Timoteo, gaya ng sinasabi ng ilan, nang isulat ang liham na iyon, sanggol pa lang siya nang mamatay si Jesus. Hindi pa noon nasisimulan ang anumang bahagi ng Bagong Tipan, o Griegong Kasulatan. Isa pa, ang ina ni Timoteo ay isang Judio, kaya malamang na ang banal na mga kasulatang itinuro niya sa kaniyang anak ay ang Lumang Tipan, o Hebreong Kasulatan. (Gawa 16:1) Kung gayon, tiyak na kasama ang buong Lumang Tipan, kabilang na ang mga tuntunin sa paghahain at talaangkanan, sa tinutukoy ni Pablo na “lahat ng Kasulatan.”

Makalipas ang mahigit 1,900 taon, nakikinabang pa rin tayo sa mga bahaging ito ng Bibliya. Wala sana tayong Bibliya ngayon kung hindi tiniyak ng Diyos na maisulat ito at maingatan ng mga taong pinili niya. (Roma 3:1, 2) Sa sinaunang Israel, ang Kautusang Mosaiko ay hindi lamang basta sagradong relikya na dapat ingatan upang makita ng susunod na mga henerasyon​—itinuring nila ito bilang kanilang konstitusyon. Maaaring hindi na nga mahalaga sa atin ang nilalaman ng Kautusan pero napakahalaga nito sa kaayusan at kaligtasan ng sinaunang Israel. Mahalaga rin ang rekord ng talaangkanan sa Bibliya upang matukoy ang Mesiyas, na inihulang magmumula mismo sa angkan ni Haring David.​—2 Samuel 7:12, 13; Lucas 1:32; 3:23-31.

Bagaman ang mga Kristiyano ay wala na sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, kailangan pa rin nilang manampalataya sa inihulang Mesiyas, si Jesu-Kristo. Ang sinaunang mga talaangkanang nakatala sa Bibliya ay nagpapatunay na si Jesus nga ang ipinangakong “anak ni David.” At dahil sa mga detalye may kaugnayan sa paghahain, lalo nating napapahalagahan ang mas dakilang hain ni Jesus, anupat nananampalataya tayo rito.​—Hebreo 9:11, 12.

Sa liham ni Pablo sa kongregasyong Kristiyano sa Roma noong unang siglo, sinabi niya: “Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Ipinaaalaala sa atin ng tekstong ito na ang Bibliya ay isinulat para sa ating kapakinabangan. Pero hindi lang tayo ang nakinabang. Sa loob ng mahigit 3,500 taon, ang kinasihang mga salita nito ay gumagabay, nagtuturo, at nagtutuwid sa bayan ng Diyos​—sa ilang ng Sinai, sa Lupang Pangako, sa pagkatapon sa Babilonya, sa ilalim ng Imperyo ng Roma, at ngayon, sa buong daigdig. Walang ibang aklat ang nakakagawa nito. Tulad ng nakatagong ugat ng puno ng mansanas, maaaring hindi madaling makita ang kahalagahan ng ilang bahagi ng Bibliya. Pero kung maghuhukay ka, wika nga, para makita ang halaga nito, sulit na sulit ang pagsisikap mo!

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

● Kailan unang natutuhan ni Timoteo ang “banal na mga kasulatan”?​—2 Timoteo 3:15.

● Anu-anong bahagi ng Bibliya ang kinasihan at kapaki-pakinabang?​—2 Timoteo 3:16.

● Paano tayo makikinabang sa “lahat ng bagay na isinulat noong una”?​—Roma 15:4.

[Mga larawan sa pahina 29]

Dahil sa mga detalye sa Bibliya, lalo nating napapahalagahan ang hain ni Jesus