Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Mali Bang Humingi ng Kaunting Privacy?
Maglagay ng ✔ sa tabi ng posibleng maging tugon mo sa sumusunod na mga sitwasyon.
1. Nasa loob ka ng kuwarto mo at nakasara ang pinto. Bigla na lang pumasok ang kapatid mo nang hindi muna kumakatok.
◯ ‘Okey lang . . . Ginagawa ko rin naman iyon.’
◯ ‘Magagalit ako! Paano kung nagbibihis ako?’
2. May kausap kang kaibigan sa telepono. Halos nasa tabi mo lang ang nanay mo at halatang nakikinig sa usapan ninyo.
◯ ‘Okey lang . . . Wala naman akong dapat itago.’
◯ ‘Nakakailang! Pakiramdam ko, minamanmanan ako!’
3. Kauuwi mo lang. Ang daming tanong ng mga magulang mo. “Saan ka galing? Sino’ng kasama mo? Ano’ng ginawa ninyo?”
◯ ‘Okey lang . . . Sinasabi ko naman sa kanila ang lahat.’
◯ ‘Nakakainis! Wala talagang tiwala sa akin ang mga magulang ko!’
NOONG bata ka, malamang na hindi gaanong mahalaga sa iyo ang privacy. Kapag basta na lang pumapasok ang kapatid mo sa iyong kuwarto, hindi ka naman naiinis. Kapag nagtatanong ang mga magulang mo, sumasagot ka naman agad. Dati, alam ng lahat kung ano ang nangyayari sa buhay mo. Pero ngayon, may mga pagkakataong gusto mo nang mapag-isa. “May mga bagay na gusto ko lang sarilinin,” ang sabi ni Corey, 14 anyos. *
Bakit kaya? Ang isang dahilan ay lumalaki ka na. Halimbawa, baka masyado kang nababahala sa mga pagbabagong nangyayari sa katawan mo ngayong nagbibinata ka na o nagdadalaga. Kawikaan 1:1, 4; Deuteronomio 32:29) Si Jesus man ay nagpunta sa “isang bukod na lugar” para makapag-isip na mabuti.—Mateo 14:13, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Baka kahit sa mga kapamilya mo ay naiilang ka na. Nadarama mo na rin na kailangan mong pag-isipan nang mag-isa ang mga bagay-bagay. Tanda iyan na sumusulong ang iyong “kakayahang mag-isip”—isang kapuri-puring katangian ng isang kabataan, ayon sa Bibliya. (Subalit tandaan, nasa poder ka pa ng mga magulang mo, at may karapatan silang malaman kung ano ang nangyayari sa buhay mo. (Efeso 6:1) Pero kapag pinagsabay ang karapatan nila at ang karapatan mo habang lumalaki ka, posibleng magkaroon ng problema. Paano mo mahaharap ang hamong iyan? Tingnan natin ang dalawang sitwasyon na posibleng pagmulan ng problema.
Kapag Gusto Mong Mapag-isa
Maraming dahilan kung bakit gusto mong mapag-isa. Baka gusto mo lang na “magpahinga nang kaunti.” (Marcos 6:31) O gaya ng ipinayo ni Jesus sa kaniyang mga alagad, kung gusto mong manalangin, maaaring “pumasok ka sa iyong pribadong silid at, pagkasara ng iyong pinto, manalangin ka sa iyong Ama.” (Mateo 6:6; Marcos 1:35) Ang problema ay, kapag isinasara mo ang pinto ng iyong silid, baka hindi isipin ng mga magulang mo na nananalangin ka lang! At baka hindi maintindihan ng mga kapatid mo na gusto mo lang na mapag-isa.
Ang puwede mong gawin. Sa halip na makipagtalo, gawin ang sumusunod.
● Subukang magtakda ng makatuwirang mga tuntunin sa iyong mga kapatid para magkaroon ka ng panahon sa sarili. Kung kinakailangan, magpatulong sa mga magulang mo.
● Subukang intindihin ang mga magulang mo. “Kung minsan, tinatanung-tanong ako ng mga magulang ko,” ang sabi ni Rebekah, 16 anyos. “Sa totoo lang, kung ako ang nasa kalagayan nila, tatanung-tanungin ko rin ang anak ko—lalo’t maraming tukso sa mga kabataan sa ngayon!” Gaya ni Rebekah, naiintindihan mo rin ba kung bakit nag-aalala ang mga magulang mo?—Kawikaan 19:11.
● Tanungin ang iyong sarili: ‘Binibigyan ko ba ng dahilan ang mga magulang ko para maghinalang may ginagawa akong masama? *
Masyado ba akong malihim anupat kailangan pa nila akong manmanan?’ Ang totoo, kapag lalo kang nagiging tapat sa mga magulang mo, lalo silang magtitiwala sa iyo.Paano ito gagawin? Sa ibaba, isulat ang puwede mong sabihin sa mga magulang mo.
․․․․․
Kapag Pumipili Ka ng Kaibigan
Sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga, natural lang na magkaroon ng mga kaibigan. Natural din lang na mag-usisa ang mga magulang mo kung sino ang mga kaibigan mo at kung ano ang ginagawa ninyo. Para sa kanila, ginagawa lang nila ang responsibilidad nila. Pero para sa iyo, baka masyado na silang naghihigpit. “Ayoko nang maya’t maya’y tinatanong ako ng mga magulang ko kung sino ang ka-text at ka-e-mail ko,” ang sabi ni Amy, 16 anyos.
Ang puwede mong gawin. Sa halip na hayaang maging problema ninyo ng mga magulang mo ang mga kaibigan mo, subukan ang sumusunod.
● Ipakilala sa iyong mga magulang ang mga kaibigan mo. Tutal, baka ayaw mong minamanmanan ka ng mga magulang mo. Pero kung inililihim mo ang iyong mga kaibigan, talagang iyon nga ang gagawin nila. Tandaan, alam nilang may malaking impluwensiya sa iyo ang mga kaibigan mo. (1 Corinto 15:33) Kapag kilala nila ang mga kasama mo, mas magiging panatag sila sa pagpili mo ng mga kaibigan.
● Magalang na ipakipag-usap sa mga magulang mo ang bagay na iyan. Huwag sabihing masyado silang nakikialam. Sa halip, puwede mong sabihin, “Pakiramdam ko po kasi, lahat na lang ng sinasabi ko sa mga kaibigan ko, inaalam ninyo at pinupuna. Nahihirapan na po tuloy akong makipag-usap sa kanila.” Malamang na bigyan ka nila ng kaunting privacy pagdating sa mga kaibigan.—Kawikaan 16:23.
● Tanungin ang iyong sarili: Alin ba talaga ang isyu—ang privacy ko o ang pagiging malihim ko? Sinabi ni Brittany, 22 anyos: “Kung nasa poder ka pa ng mga magulang mo at nababahala sila, ang dapat mong isipin ay, ‘Wala naman akong ginagawang masama, kaya hindi ako dapat maglihim.’ Sa kabilang banda, kung kailangan mo pang maglihim, aba, baka nga may itinatago ka.”
Paano ito gagawin? Sa ibaba, isulat ang puwede mong sabihin sa mga magulang mo.
․․․․․
Ikaw at ang Privacy Mo
Pagkakataon mo nang mag-isip ng ilang solusyon sa ilang sitwasyong may kaugnayan sa privacy mo.
Hakbang 1: Alamin ang isyu.
Sa anong sitwasyon mo kailangan ng higit na privacy?
․․․․․
Hakbang 2: Isaalang-alang ang iniisip ng mga magulang mo.
Bakit kaya gayon ang iniisip nila?
․․․․․
Hakbang 3: Humanap ng solusyon.
(a) Ano kaya ang ginagawa mo na nagiging dahilan ng problema? Isulat ito sa ibaba.
․․․․․
(b) Anu-ano ang puwede mong gawin bilang solusyon sa isinulat mo sa itaas?
․․․․․
(c) Anong tulong ang gusto mong ibigay sa iyo ng mga magulang mo?
․․․․․
Hakbang 4: Ipakipag-usap ito.
Sa angkop na panahon, ipakipag-usap sa iyong mga magulang ang mga isinulat mo.
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
[Mga talababa]
^ par. 13 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.
^ par. 21 Kung mukhang wala pa rin silang tiwala, ipakipag-usap sa kanila ang nadarama mo sa mahinahon at magalang na paraan. Makinig na mabuti, at siguraduhing wala kang ginagawang nagiging sanhi ng problema.—Santiago 1:19.
PAG-ISIPAN
● Bakit may karapatan ang mga magulang mo na alamin ang nangyayari sa iyong buhay?
● Kung sisikapin mong makipag-usap nang maayos sa mga magulang mo, paano ito makakatulong sa pakikipag-usap mo sa ibang adulto kapag malaki ka na?
[Kahon/Mga larawan sa pahina 19]
ANG SINASABI NG IBANG KABATAAN
“Kung magiging open lang sana ang mga kabataan sa kanilang mga magulang, hindi na uusisain pa ng mga magulang ang laman ng e-mail at cellphone ng kanilang mga anak para lang malaman kung ano ang nangyayari sa buhay ng mga anak nila.”
“Hindi ako magagalit kung babasahin ng mga magulang ko ang mga e-mail ko. Kung ang mga kompanya nga, may karapatang imonitor ang e-mail ng mga empleado, eh ’di lalo na ang mga magulang!”
“Ayaw ng mga magulang na may mangyaring masama sa iyo, kaya kung minsan, akala mo pinanghihimasukan nila ang iyong privacy. Mukhang unfair iyon. Pero sa totoo lang, kung ako ang nasa kalagayan nila, ganun din ang gagawin ko.”
[Mga larawan]
Eden
Kevin
Alana
[Kahon sa pahina 21]
MENSAHE SA MGA MAGULANG
● Ang anak mo ay nasa kuwarto niya at nakasara ang pinto. Basta ka na lang ba papasok nang hindi muna kumakatok?
● Naiwan ng anak mo ang cellphone niya dahil nagmamadali siyang pumasok sa eskuwela. Babasahin mo ba ang mga text niya?
Hindi madaling sagutin ang mga tanong na iyan. Totoong may karapatan kang alamin ang nangyayari sa buhay ng tin-edyer mong anak at pananagutan mong pangalagaan siya. Pero sa kabilang banda, hindi ka puwedeng maging “pulis” sa anak mo, at manmanan ang bawat kilos niya. Ano ang puwede mong gawin?
Una, tandaan na hindi komo gusto ng mga tin-edyer ng privacy, ibig sabihin, may ginagawa na silang masama. Kadalasan nang bahagi iyan ng kanilang paglaki. Makakatulong sa kanila ang privacy para magamit ang kanilang “kakayahan sa pangangatuwiran” sa pagpili ng mga kaibigan at paghanap ng solusyon sa kanilang mga problema. (Roma 12:1, 2) Makakatulong din ito para maging responsable silang adulto. (1 Corinto 13:11) Pagkakataon din ito para makapag-isip muna silang mabuti bago sagutin ang mahihirap na tanong.—Kawikaan 15:28.
Ikalawa, tandaan na kung magiging sobrang istrikto ka sa iyong tin-edyer na anak, baka maghinanakit lang siya at magrebelde. (Efeso 6:4; Colosas 3:21) Ang ibig bang sabihin, hahayaan mo na lang siyang gawin ang gusto niya? Hindi naman, kasi ikaw pa rin ang magulang. Pero ang tunguhin mo ay matulungan siyang magkaroon ng sinanay na budhi. (Deuteronomio 6:6, 7; Kawikaan 22:6) Makikita mong mas makabubuting gabayan siya kaysa manmanan.
Ikatlo, ipakipag-usap ito sa iyong tin-edyer na anak. Makinig sa kaniya. Baka naman puwede mo siyang pagbigyan sa ilang bagay. (Filipos 4:5) Sabihin mong bibigyan mo siya ng privacy kung hindi niya sisirain ang tiwala mo sa kaniya. Sabihin din ang kaparusahan kapag sumuway siya, at ilapat ito kung kinakailangan. Oo, puwede mong bigyan ng privacy ang iyong anak nang hindi mo isinusuko ang pananagutan mo bilang maibiging magulang.
[Larawan sa pahina 20]
Ang tiwala ay parang suweldo—kailangan mong magsikap para makuha ito