Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ospital na May Gulong

Ospital na May Gulong

Ospital na May Gulong

● Habang nakikinig sa programa ng pagtuturo sa Bibliya sa isang awditoryum, bigla na lang humilab ang tiyan ng isang babae​—manganganak na siya! Pero walang dapat ikabahala. Nariyan lang ang ambulansiya. Ilang minuto lang, nasa ospital na ang babae at ang asawa niya. Nagsilang siya ng isang magandang sanggol na babae.

Makikita sa maraming bansa sa ngayon ang mga ambulansiyang may mga aparatong gaya ng makikita sa mga intensive care unit ng ospital. May sakay itong mga kuwalipikadong personel​—mga doktor, nars, at mga sinanay na drayber. * Kumpleto sila sa kagamitan para sa mga naaksidente sa daan, inatake sa puso, naistrok, manganganak, o iba pang emergency. Taun-taon, libu-libong buhay ang nasasagip dahil sa mabilis na pagresponde ng mga ambulansiyang ito.

Nang bombahin ng mga terorista ang apat na pampasaherong tren sa Madrid, Espanya, noong 2004, mga 400 katao ang nailigtas dahil sa mabilis na pagresponde ng mga ambulansiya. * Naalaala ni Dr. Ervigio Corral Torres, direktor ng emergency services unit ng Madrid, ang kakila-kilabot na insidenteng iyon. “Ang ganitong malalaking insidente ang pinagtutuunan ng pansin ng media,” ang sabi niya, “pero kami, ang talagang linya namin ay yaong mga insidente sa araw-araw. Iyan ang pinakamagandang parte ng serbisyong ito​—ang matulungan ang mga nag-aagaw-buhay.”

Nang tanungin kung ano ang maimumungkahi ni Dr. Corral Torres para lalong maging mabilis at maaasahan ang kanilang serbisyo, sinabi niya: “Dapat nating ipaalam sa mga tao na huwag mag-atubiling tumawag kung kailangan nila ng tulong.” Idinagdag niya: “Ang tunguhin namin ay makapagbigay agad ng maaasahang medikal na serbisyo saanmang lugar at anumang oras na may tumawag sa amin.” Sa malalaking lunsod, kadalasan nang wala pang sampung minuto, nariyan na ang saklolo.

Sa ilang mataong lunsod, tulad ng São Paulo, Brazil, malaking problema ang trapik, kaya may ginagamit na mga motorsiklo para makapagbigay agad ng paunang lunas habang wala pa ang ambulansiya. May mga ganito ring serbisyo sa mga lunsod ng Kuala Lumpur, Malaysia; London, Inglatera; at Miami, Estados Unidos.

[Mga talababa]

^ par. 3 Dapat na alam ng mga drayber kung paano gamitin ang mga medikal na aparato sa ambulansiya at kung paano magmaneho depende sa kalagayan ng pasyente.

[Kahon/Larawan sa pahina 11]

KUNG PAANO KA MAKAKATULONG

Narito ang ilang simpleng hakbang na maaari mong gawin kapag may emergency:

1. Tumawag agad sa emergency hotline sa inyong lugar​—112 sa European Union at 911 sa Estados Unidos.

2. Sabihin nang malinaw ang lugar ng insidente.

3. Ilarawan ang mga sintomas na nakikita. Halimbawa: Humihinga ba ang pasyente? May malay ba siya? Duguan ba siya?

4. Kung maraming pinsala, huwag galawin ang pasyente para hindi ito lumala.

5. Kung nagsusuka ang pasyente, itagilid siya para hindi mabulunan.