Paglipad ng Tao
Paglipad ng Tao
SA LOOB ng napakatagal na panahon, pinangarap ng tao na lumipad. Pero walang sapat na lakas ang kalamnan ng tao para umangat sa ere. Noong 1781, naimbento ni James Watt ang isang makinang pinatatakbo ng singaw na nakakapagpaikot ng ehe. Noong 1876 naman, nakagawa si Nikolaus Otto ng isang makinang pinatatakbo ng gas. Sa wakas, posible nang gumawa ng sasakyang lumilipad. Pero sino kaya ang makakagawa nito?
Mula nang matutong magpalipad ng saranggola ang magkapatid na Wilbur at Orville Wright noong bata sila, pinangarap na nilang lumipad. Nang maglaon, may natutuhan sila sa inhinyeriya nang bumuo sila ng mga bisikleta. Natanto nila na para makalipad, kailangang magdisenyo ng sasakyang puwedeng kontrolin. Kung paanong walang silbi ang bisikletang hindi naililiko, wala ring silbi ang eroplanong hindi nakokontrol. Pinanood ni Wilbur kung paano lumipad ang mga kalapati at napansin niyang tumatagilid ang mga ito gaya ng siklista kapag lumiliko. Ang kaniyang konklusyon? Ang mga ibon pala ay nakakaliko at nananatiling balanse kapag binabaluktot nila ang kanilang mga pakpak. Kaya naisip niyang gumawa ng pakpak na nababaluktot.
Noong 1900, nakagawa sina Wilbur at Orville ng isang eroplanong nababaluktot ang pakpak. Sa simula, pinalipad nila ito bilang saranggola, pagkatapos ay bilang glider na nasasakyan. Nadiskubre nila na kailangang kontrolin ang tatlong pangunahing paggalaw nito—pataas-pababa, pakaliwa-pakanan, at patagilid. Pero nadismaya sila nang hindi gaanong umangat sa ere ang eroplano, kaya gumawa sila ng wind tunnel at nag-eksperimento ng iba’t ibang hugis ng pakpak hanggang sa matumbok nila ang tamang hugis, laki, at anggulo. Noong 1902, nakuha rin nila ang sekreto kung paano balansehin ang eroplano sa hangin. Ang tanong ay, ‘Makakabitan kaya nila ito ng makina?’
Una, kailangan nilang gumawa ng sariling makina. Batay sa resulta ng eksperimento sa wind tunnel, natuklasan nila ang tamang disenyo ng propeler para sa kanilang eroplano. Sa wakas, noong Disyembre 17, 1903, pinaandar nila ang makina, umugong ang propeler, at nakalipad ang kanilang eroplano. “Natupad ang pangarap namin mula nang bata kami,” ang sabi ni Orville. “Marunong na kaming lumipad.” Sumikat sa buong daigdig ang magkapatid. Pero paano kaya sila nakalipad? Sa tulong ng kalikasan.
[Larawan sa pahina 4]
Ang Wright “Flyer,” North Carolina, E.U.A., 1903 (iginuhit na larawan)