Sino ang Nauna?
Sino ang Nauna?
NOONG 1973, natulala ang mga taga-New York nang makita nila sa kalsada si Dr. Martin Cooper na may kausap sa kaniyang cellphone. Iyon ang kauna-unahang cellphone. Mayroon itong batirya, radyo, at microprocessor (maliit na computer). Pero hindi maiimbento ang cellphone kung wala ang batiryang naimbento ni Alessandro Volta noong 1800. Naimbento na rin ang telepono noong 1876, ang radyo noong 1895, at ang computer noong 1946. At nang maimbento ang microprocessor noong 1971, puwede nang makabuo ng cellphone. Gayunman, baka maisip natin, ‘Ngayon nga lang ba talaga nagkaroon ng mga komplikadong device sa komunikasyon?’
Ang isang instrumento sa komunikasyon na kadalasan nang hindi napapansin ay ang boses ng tao. Mahigit kalahati ng bilyun-bilyong neuron sa motor cortex ng iyong utak ang kumikilos para makontrol ang iyong mga sangkap sa pagsasalita, at mga 100 kalamnan naman ang tumutulong sa komplikadong mekanismo ng iyong dila, labi, panga, lalamunan, at dibdib.
Ang tainga ay bahagi rin ng iyong personal na sistema ng komunikasyon. Ginagawa nitong electrical impulse ang tunog para maproseso ng iyong utak. Sinusuri naman ng utak ang timbre ng boses para makilala mo kung sino ang nagsasalita. Nalalaman din ng iyong utak kung aling tainga ang unang nakarinig ng isang tunog, kaya nakakalkula nito kung saan eksaktong nanggagaling ang tunog. Dalawa lang ito sa mga dahilan kung bakit kaya mong makinig sa isang partikular na tao kahit may iba pang nagsasalita.
Ibig sabihin, dati nang may komplikadong device sa komunikasyon na wireless (at may caller ID). Sa kalikasan iyan unang makikita.
[Dayagram/Mga larawan sa pahina 3]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
1800
Batirya
1876
Telepono
1971
Microprocessor
1973
Si Dr. Martin Cooper, ang imbentor ng cellphone
[Credit Line]
Dr. Cooper and mobile phone: © Mark Berry
[Mga larawan sa pahina 2]
Gawing kanan ng pahina 2, mula sa harap: Si Guglielmo Marconi at ang kaniyang radyo; si Thomas Edison at ang bombilya; si Granville T. Woods, imbentor ng isang instrumento sa komunikasyon; ang magkapatid na Wright at ang 1903 Wright Flyer