Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Telebisyon

Telebisyon

Telebisyon

NANG matutuhan ng tao na isahimpapawid ang tunog, inisip ng mga imbentor kung makakapagbrodkast o makakapagtransmit din sila ng live na larawan. Para maunawaan ang hirap ng pinaplano nilang gawin, tingnan kung paano gumagana ang telebisyon sa ngayon.

Una, habang kinukunan ng TV camera ang isang eksena, pumupunta ito sa device na siyang “bumabasa” sa larawan. Para itong pagbabasa ng printout. Pero sa halip na letra, pixel ng larawan ang binabasa ng device. Sa pamamagitan ng device na ito, nagiging video signal ang nakikita ng camera at saka itinatransmit ang signal sa ibang lugar. Sa pamamagitan naman ng receiver, muling nagiging live na larawan ang video signal.

Ang taga-Scotland na si John Logie Baird ay kinikilala bilang ang unang nagpakita kung paano gumagana ang telebisyon. Nang huminto siya sa pagtatrabaho bilang electrical engineer dahil sa sakit, ibinaling niya ang kaniyang pansin sa paggawa ng isang bagay na gustung-gusto niyang gawin mula pa noong tin-edyer siya​—ang mag-imbento ng makinang makakapagtransmit ng live na larawan.

Ang TV camera ni Baird ay gumagamit ng isang disk (noong una ay lalagyan ng sombrero) na may mga 30 butas na nakaayos nang paikot (spiral). Habang umiikot ang disk, isa-isang ini-scan ng mga butas ang mga linya ng larawan. Ang pumapasok na liwanag ay tumatama sa isang photoelectric cell. Magpapadala naman ang cell na ito ng video signal sa receiver. Palalakasin ng receiver ang signal para mapalabas ang iba’t ibang liwanag sa likod ng isa pang umiikot na disk upang lumitaw ang larawan. Pero ang problema ay kung paano pagsasabayin ang ikot ng dalawang disk. Samantala, habang tinatapos niya ang proyektong ito, sinustentuhan niya ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng paglilinis ng sapatos.

Noong Oktubre 2, 1925, nagtagumpay si Baird sa kaniyang eksperimento. Napapayag niyang sumali sa eksperimentong ito, kapalit ng ilang barya, ang isang lalaking nagtatrabaho sa opisina sa ibaba. Mula sa isang panig ng atik, kinunan ni Baird ang lalaki at lumitaw ang larawan nito sa telebisyong nasa kabilang panig ng atik. Noong 1928, naibrodkast ni Baird ang unang palabas sa telebisyon patawid ng Karagatang Atlantiko. Pagdating sa New York, halos matunaw sa hiya si Baird nang salubungin siya ng isang banda. Sikat na siya ngayon. Pero siya nga ba ang unang nakapagtransmit ng live na larawan?