20 Paraan Para Magkaroon ng Higit na Panahon
Gupitin at Ingatan
20 Paraan Para Magkaroon ng Higit na Panahon
“Patuloy na lumakad na may karunungan . . . , na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong sarili.”—Colosas 4:5.
NGAYONG alam mo na ang gusto mong gawin sa bawat araw at oras, ang hamon ay kung paano ito isasagawa. Maaaring makatulong sa iyo ang sumusunod na mga mungkahi.
1 ILISTA ANG MGA GAGAWIN SA BAWAT ARAW. Lagyan ng bilang ayon sa pagkakasunud-sunod ng gagawin mo. Markahan ang mga bagay na dapat paglaanan ng higit na panahon. Lagyan ng tsek ang mga natapos mo. At isama sa mga gagawin sa kinabukasan ang mga hindi mo nagawa.
2 PAGTUGMAIN ANG IYONG MGA KALENDARYO. Kung hindi magkatugma ang mga iskedyul sa iyong mga kalendaryo, posibleng may makaligtaan kang appointment. Kung may kalendaryo ka sa computer at mayroon pa sa isang gadyet, gaya ng PDA, subukang pagtugmain ang mga ito.
3 ITALA ANG SUNUD-SUNOD NA MGA HAKBANG kung paano isasagawa ang iyong plano.
4 HANGGA’T MAAARI, UNAHIN SA ISKEDYUL ANG PINAKAMAHALAGANG MGA GAWAIN. Mas madali nang isingit sa iskedyul ang mga bagay na hindi masyadong mahalaga.
5 MAGING MAKATUWIRAN SA MGA TUNGUHIN. Mas madaling maglinang ng kasanayan sa isang partikular na trabaho kaysa maging presidente ng inyong kompanya.
6 TANGGAPIN NA HINDI KA MAGKAKAROON NG PANAHON PARA SA LAHAT NG BAGAY. Gawing priyoridad ang mga gawaing nagbubunga ng pinakamahalagang mga resulta. Kumusta naman ang iba pang gawain na dapat tapusin o gawin agad? Kung hindi mo ito matanggihan o maipagawa sa iba, tingnan kung puwede kang maglaan ng mas kaunting panahon para dito. May ilang di-mahahalagang gawain na makakapaghintay nang ilang buwan kung kinakailangan, o baka nga hindi na kailangang gawin. Maglaan ng mas maraming panahon hangga’t maaari sa mga bagay na sa tingin mo’y talagang mahalaga at may kaugnayan sa iyong mga tunguhin.
7 ISULAT KUNG SAAN MO GINAGAMIT ANG ORAS MO. Para malaman kung saan mo nagugugol ang oras mo, gumawa ng listahan sa loob ng isa o dalawang linggo. Maraming oras ba ang nauubos sa di-mahahalagang gawain? Karamihan ba ng mga pang-abala ay nagmumula sa iyon at iyon ding (mga) indibiduwal? Sa loob ng isang araw o linggo, kailan ka madalas na naaabala? Iwasan ang mga gawaing umaaksaya ng oras.
8 LIMITAHAN ANG ISKEDYUL. Kung plano mong mamalengke, magkumpuni ng kotse, mag-imbita ng mga bisita, manood ng sine, at magbasa—sa loob lang ng isang araw—mag-aapura ka lang at hindi ka masisiyahan.
9 IWASAN ANG MGA PANG-ABALA. Magtakda ng panahon sa bawat araw kung kailan hindi ka dapat maabala, maliban kung talagang kinakailangan. Kung posible, patayin ang telepono at ang mga pop-up alert sa computer na puwedeng makaabala sa trabaho mo.
10 IISKEDYUL ANG PINAKAMAHIRAP NA GAWAIN SA PANAHONG ALERTO KA AT MASIGLA.
11 GAWIN AGAD ANG MGA BAGAY NA PINAKAAYAW MONG GAWIN. Kapag natapos na ito, madali mo nang magagawa ang iba pang gawain.
12 MAGLAAN NG PANAHON PARA SA MGA ABERYA. Kung sa tingin mo’y makakarating ka sa isang lugar sa loob ng 15 minuto, sabihing darating ka sa loob ng 25 minuto. Kung sa palagay mo’y aabutin nang isang oras ang isang appointment, magpataan ka ng 20 minuto. Lagi kang maglaan ng ekstrang panahon.
13 GAMITING MABUTI ANG ORAS MO. Makinig sa balita o rekording habang nag-aahit. Magbasa habang naghihintay o nakasakay ng tren. Siyempre pa, puwede ka rin namang magrelaks habang walang ginagawa. Pero huwag mo itong sayangin at pagkatapos ay panghihinayangan mo sa bandang huli.
14 PASIMPLEHIN ANG TRABAHO. Baka naman 2 lang sa 10 bagay na gagawin mo ang pinakamahalaga. Kapag ito ang inuna mo, hindi kaya para na ring natapos ang iba pa? Halimbawa, kung kailangan mong walisin ang mga nalaglag na dahon sa inyong bakuran, makikita mong kapag nawalis mo na ang mga lugar na maraming dahon, para na ring natapos ang malaking bahagi ng gawain.
15 KUNG PARANG TAMBAK ANG TRABAHO, isulat ang bawat gawain sa isang maliit na papel. Pagkatapos, hatiin sa dalawang grupo ang mga papel: “Gagawin Ngayon” at “Gagawin Bukas.” Ganito rin ang gawin kinabukasan.
16 MAGRELAKS PAMINSAN-MINSAN PARA ‘MA-RECHARGE.’ Kung hindi pagód ang isip at katawan mo, malamang na mas marami kang magagawa kaysa kung lagi kang nag-oobertaym.
17 ISULAT ANG PROBLEMA, kung bakit ito nakakaabala sa iyo, at ang lahat ng naiisip mong solusyon.
18 HUWAG MAGING PERPEKSIYONISTA. Dapat na alam mo kung kailan titigil at lilipat sa susunod na mahalagang gawain.
19 MAGING PROPESYONAL SA PAGTATRABAHO. Huwag nang hintaying gumanda ang mood mo. Magtrabaho na agad.
20 IBAGAY SA KALAGAYAN. Mungkahi lang ang mga ito. Subukan kung alin ang mabisa sa iyo, at tingnan kung alin ang angkop sa kalagayan mo.