Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Mo Makokontrol ang Iyong Oras

Kung Paano Mo Makokontrol ang Iyong Oras

Kung Paano Mo Makokontrol ang Iyong Oras

“Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon.”​—Eclesiastes 3:1.

PARA magkaroon ka ng oras sa mga bagay na talagang mahalaga, kailangan mo munang alamin kung anu-ano ang mga ito. Magiging mas madali ito kung malinaw sa iyo ang mga bagay na pinahahalagahan mo, ang iyong mga tunguhin, at mga dapat gawin.

Una, dapat na malinaw sa iyo ang mga bagay na pinahahalagahan mo, gaya ng pamilya, kaibigan, trabaho, edukasyon, tagumpay, hitsura, pera, kaligayahan, pag-aasawa, kabaitan, kalusugan, at espirituwalidad. Puwede mo itong isulat. Saka mo tanungin ang iyong sarili, ‘Alin sa mga ito ang pinakamahalaga sa akin?’

Pagkatapos, isaalang-alang ang lahat ng tunguhin na gusto mong maabot. Ano ba ang pagkakaiba sa pagitan ng mga bagay na pinahahalagahan at ng mga tunguhin? Sa konteksto ng artikulong ito, ang mga bagay na pinahahalagahan ay pangmatagalan, samantalang ang mga tunguhin ay maaaring maabot sa isang takdang panahon sa malapit na hinaharap.

Anu-anong mga tunguhin ang gusto mong abutin? Gusto mo bang magkaroon ng higit na panahon sa iyong pamilya? Makahanap ng maganda-gandang trabaho? Malinang ang mga kasanayan mo sa iyong paboritong libangan? Humanap ng bagong mapaglilibangan? Malinang ang isang partikular na katangian? Magbakasyon? Magbasa ng isang aklat? Sumulat ng aklat?

Pagkatapos, magpasiya kung alin sa mga tunguhing iyan ang pinakamahalaga sa iyo. Tiyaking nauugnay ito sa mga bagay na pinahahalagahan mo. Halimbawa, kung tunguhin mong magpakayaman nang husto, samantalang ang talagang pinahahalagahan mo ay ang iyong pamilya, malamang na magkaproblema ka.

Ngayon, sa mga tunguhing napili mo, mag-isip ng mga dapat mong gawin para maabot ang bawat tunguhin. Halimbawa, kung tunguhin mong magbawas ng timbang, makakatulong ang pag-eehersisyo.

Paano Makakatulong sa Iyo ang Pagsusuring Ito?

Kung nauugnay ang iyong mga tunguhin sa mga bagay na pinahahalagahan mo at ginagawa mo ang mga dapat gawin para maabot ang iyong mga tunguhin, magiging maganda ang takbo ng buhay mo. Makikita mong gumugugol ka na ng higit na panahon sa mga bagay na mahalaga sa iyo. Siyempre pa, hindi ito nangangahulugan na wala ka nang pakialam sa kapakanan ng iba. (Filipos 2:4) Magiging mas malinaw sa iyo ang mga gawaing walang kaugnayan sa mga bagay na talagang mahalaga, at sa gayo’y mas madali mo na itong maisasaisantabi.

Totoo, hindi iyan madali. May ilang bagay na hindi masyadong mahalaga pero kailangan mong gawin. At baka dito maubos ang iyong oras sa maghapon, anupat halos wala ka nang panahon o wala na ngang panahon sa mga bagay na napakahalaga sa iyo. Posibleng bumangon ang mga emergency. At dahil sa mga pagbabago ng sitwasyon, maaaring masira ang iskedyul mo. Pero kung gagawa ka ng mga praktikal na hakbang para magkaroon ka ng higit na panahon sa mga bagay na mahalaga, mas makokontrol mo na ang iyong oras at magiging masaya ka.

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

NAKAKATULONG BA ANG MGA ELECTRONIC ORGANIZER?

Para sa ilan, nakakatulong ito sa pagtitipid ng oras, pero naaaksaya lang nito ang panahon ng iba. Halimbawa, ang isang personal digital assistant, o PDA, ay may kalendaryo, phonebook, listahan ng mga gagawin, word processor, memo pad, kamera, e-mail, at Internet. Makakatulong ang mga features na ito para makatipid ka ng oras kung lagi mo itong ina-update at dinadala. Sa kabilang banda, maaaksaya ang panahon mo kung wala ka nang ginawa kundi mag-browse, mag-adjust ng setting, o bumili ng di-kinakailangang mga accessory, o hayaang makaapekto ito sa mga pananagutan mo o kaugnayan mo sa iba.

Tip: Magtanung-tanong bago bumili. Kapag madalas masira ang gadyet, malaking panahon ang ginugugol para maayos ito. Bukod diyan, kapaki-pakinabang lang ang gadyet depende sa gumagamit. Kaya kapag mayroon ka nito, gamitin ito para makatipid ng oras, hindi para makaaksaya.

[Larawan sa pahina 4, 5]

Makakapaglaan ka ba ng panahon sa mga bagay na mahalaga?