Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Mapagtatagumpayan ang Pagkautal

Kung Paano Mapagtatagumpayan ang Pagkautal

Kung Paano Mapagtatagumpayan ang Pagkautal

“Kapag nauutal ako, kinakabahan ako. Lalo tuloy akong nauutal. Pakiramdam ko, nasa balong malalim ako at hindi makaahon. Minsan, nagpatingin ako sa isang sikologo. Humanap daw ako ng girlfriend na makaka-sex ko para magkaroon ako ng tiwala sa sarili! Hindi na ako bumalik pa roon. Gusto ko lang naman na tanggapin ako ng mga tao kung ano ako.”​—Rafael, 32.

GUNIGUNIHING nakasakay ka sa isang bus. Magbabayad ka lang pero pinagpapawisan ka na nang malamig. Hindi ka makapagsalita nang malinaw. Inuulit-ulit mo lang ang unang pantig na lumalabas sa bibig mo. Ganiyan ang nararanasan ng mga 60 milyong tao sa buong daigdig​—1 sa bawat 100 ang nauutal. * Kadalasan nang tinutuya sila at iniiwasan. Ang tingin pa nga sa kanila ng ilan ay kulang sa talino dahil pinapalitan nila ang mga salitang hindi nila mabigkas.

Anu-ano ang sanhi ng pagkautal? Magagamot ba ito? Ano ang magagawa ng isang nauutal para maging matatas siya? At paano kaya makakatulong ang iba?

Ano ba ang mga Sanhi?

Naniniwala noon ang ilan na ang pagkautal ay sanhi ng masasamang espiritu na kailangang mapalabas. Noong Edad Medya, ang dila naman ang sinisisi ng mga tao. Ang “remedyo”? Mainit na bakal at maanghang na espesya! Nitong nakalipas na mga siglo, pinuputol ng mga siruhano ang nerbiyo at ang kalamnan ng dila at tinatanggal pa nga ang tonsil para magamot ang pagkautal. Pero hindi umubra ang gayong masasakit na pamamaraan.

Ayon sa makabagong pananaliksik, maaaring may iba’t ibang sanhi ang pagkautal. Ang isang posibleng salik ay ang reaksiyon ng isa sa stress. Puwede rin namang nasa lahi nila ito, yamang mga 60 porsiyento ng mga nauutal ang may mga kamag-anak na ganito rin ang problema. Isa pa, ipinakikita ng neuroimaging na ibang magproseso ng wika ang utak ng isang nauutal. Ang ilan ay “nagsisimula nang magsalita bago pa man idikta ng utak kung paano bibigkasin ang mga salita,” ang sabi ni Dr. Nathan Lavid sa kaniyang aklat na Understanding Stuttering. *

Kaya hindi laging nauugnay sa pag-iisip ang pangunahing sanhi ng pagkautal, di-gaya ng inaakala noon. “Sa ibang salita, . . . imposibleng gumaling agad ang isang nauutal kung basta sasabihin sa kaniya na kaya niyang magsalita nang matatas,” ang sabi ng aklat na No Miracle Cures. Pero posibleng maapektuhan ang kalagayan ng isip ng mga nauutal. Halimbawa, baka makadama sila ng takot sa ilang pagkakataon, gaya ng pagsasalita sa publiko o pakikipag-usap sa telepono.

Tulong Para sa mga Nauutal

Kapansin-pansin, kadalasan nang kaya pa rin ng mga nauutal na kumanta, bumulong, makipag-usap sa sarili o sa kanilang alagang hayop, magsalita kasabay ng iba, o gayahin ang iba nang hindi masyado o hindi talaga nauutal. Bukod diyan, 80 porsiyento ng mga batang nauutal ang kusa ring gumaling. Pero kumusta naman ang 20 porsiyento?

Sa ngayon, may mga programa ng terapi sa pagsasalita na makakatulong para maging matatas ang isang nauutal. Ang ilan sa mga hakbang ay pagrerelaks ng panga, labi, at dila, at paghinga mula sa diaphragm. Maaari ding turuan ang mga pasyente na gumawa ng “madadaling pasimula,” gaya ng paunti-unting paghinga mula sa diaphragm at paglalabas ng kaunting hangin bago magsalita. Bukod diyan, puwede silang pasiglahing tagalan ang pagbigkas sa mga patinig at ilang katinig. Habang nagiging mas matatas ang isa, unti-unti ring bumibilis ang kaniyang pagsasalita.

Baka ilang oras lang ang kailangan para magkaroon ng gayong kasanayan. Pero kapag mga sitwasyong talagang nakaka-stress na ang pag-uusapan, posibleng libu-libong oras ng pag-eensayo ang kailangan.

Kailan dapat magsimula ang pagsasanay? Puwede bang maghintay na lang at tingnan kung sa paglaki ng bata ay mawawala ang pagkautal niya? Ipinakikita ng estadistika na wala pang 20 porsiyento ng mga batang nauutal sa loob ng limang taon ang kusang gumagaling. “Pagsapit ng edad na anim,” ang sabi ng aklat na No Miracle Cures, “malamang na hindi gumaling ang isang bata kung walang terapi sa pagsasalita.” Kaya “ang mga batang nauutal ay dapat magpatingin agad sa isang patologo sa pagsasalita at wika,” ang dagdag ng aklat. Sa 20 porsiyento ng mga batang nauutal hanggang sa paglaki nila, tinatayang 60 hanggang 80 porsiyento ang natutulungan ng terapi sa pagsasalita. *

Maging Makatotohanan

Ayon sa patologo sa pagsasalita na si Robert Quesal, na may problema rin sa pagkautal, ang katatasan sa lahat ng sitwasyon ay hindi makatotohanang tunguhin para sa mga nauutal. Si Rafael, binanggit sa pasimula, ay hindi naman lubusang gumaling sa kaniyang pagkautal, pero sumulong siya sa kaniyang pagsasalita. Sinabi niya: “Sumusumpong ang problema ko kapag nagbabasa ako o nagsasalita sa publiko o kapag may kasama akong magandang babae. Dati, ilang na ilang ako dahil pinagtatawanan ako ng mga tao. Pero ngayon, natutuhan ko nang tanggapin kung ano ako at huwag dibdibin ang sitwasyon ko. Kaya kapag nauutal ako, natatawa ako pero sinisikap kong magrelaks at magpatuloy lang.”

Ang mga sinabi ni Rafael ay kaayon ng sinasabi ng The Stuttering Foundation of America na “ang tagumpay sa pagkautal ay kadalasan nang nakadepende sa pag-aalis sa takot na mautal, hindi sa pagpupumilit na huwag mautal.”

Hindi hinayaan ng maraming nauutal na mawala ang kasiyahan nila dahil lang sa problemang ito. Sumikat pa nga ang ilan sa kanila, gaya ng pisikong si Isaac Newton, ang pulitikong Britano na si Winston Churchill, at ang artistang Amerikano na si James Stewart. Ang ilan naman ay nag-aral ng wikang pasenyas, tumugtog ng instrumento, nagpinta, at iba pa. Para naman sa atin na nakakapagsalita nang hindi nauutal, dapat nating pahalagahan ang malaking pagsisikap ng mga nauutal. Kaya lagi natin silang pasiglahin at suportahan.

[Mga talababa]

^ par. 3 Mahigit 80 porsiyento ng nauutal ay mga lalaki.

^ par. 7 May mga pagkakataong nagkakasalungatan ang mga teoriya hinggil sa sanhi ng pagkautal at sa mga terapi para dito. Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang partikular na pangmalas o terapi.

^ par. 13 Sa ilang kaso, baka irekomenda ng mga terapist ang antistuttering device na tumutulong na marinig nang malinaw ng nauutal ang paraan ng kaniyang pagsasalita o ang paggamot na nakakabawas ng kabalisahang dulot ng pagkautal.

[Kahon/Larawan sa pahina 13]

PAANO MO MATUTULUNGAN ANG ISANG NAUUTAL?

● Maging relaks sa pakikipag-usap, huwag siyang madaliin. Sa ngayon, kadalasan nang lumalala ang problema dahil sa apurahang paraan ng pamumuhay na punô ng tensiyon.

● Sa halip na sabihin sa nauutal na maghinay-hinay lang, ikaw mismo ang maghinay-hinay sa pagsasalita. Makinig mabuti. Huwag sumabad. Huwag dugtungan ang sinasabi niya para lang mabuo ito. Maghintay sandali bago sumagot.

● Iwasan ang pamumuna at pagtutuwid. Sa pamamagitan ng iyong kilos, komento, ekspresyon ng mukha, at pagtingin sa kaniyang mata, magpakita ng interes sa sinasabi niya, hindi sa paraan ng kaniyang pagsasalita.

● Puwede pa rin namang pag-usapan ang tungkol sa pagkautal. Mas mapapalagay ang loob ng nauutal kung magpapakita ka ng palakaibigang ngiti at pag-uusapan paminsan-minsan ang problema niya. Marahil, puwede mong sabihin: “Kung minsan, hindi talaga madaling sabihin ang gusto nating sabihin.”

● Higit sa lahat, ipakita mong tanggap mo kung ano siya.

[Kahon/Larawan sa pahina 14]

“UNTI-UNTI KONG NAPAGTAGUMPAYAN ANG PAGKAUTAL”

Nautal si Víctor sa loob ng ilang taon noong may malaking problema ang kaniyang pamilya. Pero napagtagumpayan niya ito nang walang terapi. Bilang isang Saksi ni Jehova, nagpatala siya sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, na idinaraos linggu-linggo sa lahat ng kongregasyon. Bagaman hindi naglalaan ng terapi sa pagsasalita ang paaralan, tumutulong naman ito sa mga estudyante na sumulong sa kanilang kakayahang magsalita at sa gayo’y magkaroon ng kumpiyansa.

Ang ginagamit nilang aklat-aralin ay pinamagatang Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Sa ilalim ng uluhang “Pananagumpay sa Pagkautal,” sinasabi ng aklat: “Mahalaga na patuloy na magsikap. . . . Kung magbibigay ka ng isang pahayag, maghandang mabuti. Pagtuunang mabuti ang iyong pahayag. . . . Kapag nagsimula kang mautal habang nagsasalita, kung gayon, hangga’t maaari, panatilihing kalmado ang iyong tinig at kilos. Irelaks ang mga kalamnan ng iyong panga. Gumamit ng maiikling pangungusap. Bawasan ang paggamit ng mga paningit na kataga, gaya ng ‘um’ at ‘ah.’”

Natulungan ba ng paaralan si Víctor? Naaalala niya: “Iniisip kong mabuti kung ano ang sasabihin ko, hindi kung paano ko iyon sasabihin. Nakakalimutan ko tuloy na may problema pala ako sa pagkautal. Lagi rin akong nag-eensayo. Unti-unti kong napagtagumpayan ang pagkautal.”