Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Ganito ang sabi ng isang liham ni Pope Benedict XVI sa mga obispo: “Para maging matatag ang konsepto ng pamilya ng mga bansa, napakahalagang magkaroon ng reporma sa United Nations Organization at sa mga institusyon ng ekonomiya at pananalapi sa buong daigdig.”—L’OSSERVATORE ROMANO; kanila ang italiko.
“Isa sa bawat tatlong taga-Ukraine ang nakakaubos ng halos isang pakete ng sigarilyo araw-araw.”—EXPRESS, UKRAINE.
Sa isang surbey sa Estados Unidos, 44 na porsiyento ng mga lalaking tin-edyer ang nagsabing “nakakita na [sila] sa Internet o cellphone ng hubad na larawan ng kanilang kaklaseng babae.”—TIME, E.U.A.
“Isang Malagim na Kalagayan”
Dahil sa digmaan, tagtuyot, gulo sa pulitika, pagtaas ng bilihin, at kahirapan, sumapit sa “isang malagim na kalagayan” ang sangkatauhan, ang sabi ng Associated Press. Ang bilang ng nagugutom sa buong daigdig ay mahigit nang isang bilyon. Ayon kay Josette Sheeran ng UN World Food Program, “ang isang gutóm na daigdig ay mapanganib na daigdig. . . . Kung walang pagkain, tatlo lang ang mapagpipilian ng mga tao: Manggulo, mangibang-bansa, o mamatay. Wala ni isa man sa mga ito ang katanggap-tanggap.” Isa pa, mas mabilis ang pagdami ng mga nagugutom kumpara sa pagtaas ng populasyon ng daigdig. Kahit sa mayayamang bansa, tumaas nang 15.4 porsiyento ang bilang ng mga taong walang sapat na pagkain.
Mahalagang Magbasa Bago Matulog
Ang pagbabasa ng mga magulang sa kanilang mga anak bago matulog ay hindi lang basta pampaantok sa mga bata. Ayon sa mga mananaliksik, pinasusulong nito ang mga kasanayan ng bata sa wika, tumutulong sa motor development sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila na magbuklat ng mga pahina, at pinatatalas ang kanilang memorya. “Pero ang pinakamahalaga sa lahat, . . . ang pagbabasa nang malakas ay panahon para lalong mapalapít sa isa’t isa ang magulang at anak,” ang sabi ng pahayagang The Guardian. “Idiniriin nito na ang pagbabasa ay isang kasiya-siyang gawain.” At ayon kay Propesor Barry Zuckerman, na nanguna sa pag-aaral, “sa kalaunan, nakakahiligan na rin ng mga bata ang mga aklat dahil binabasa nila [ang mga ito] kasama ng mahal nila sa buhay.”
Mas Masaya, Mas Magatas
“Ang bakang may pangalan ay mas magatas kaysa sa bakang walang pangalan,” ang sabi ng mga siyentipiko sa Newcastle University, Inglatera. Sa katunayan, kung parang tao ang turing sa mga baka, posibleng dumami nang halos 240 litro ang makukuhang gatas sa mga ito. Bakit? “Kung paanong mas maganda ang tugon ng tao kapag may kasamang haplos, mas masaya at mas relaks din ang mga baka kapag pinag-uukulan ang bawat isa ng higit na pansin,” ang sabi ni Dr. Catherine Douglas ng School of Agriculture, Food and Rural Development ng nasabing unibersidad. “Pinatutunayan lang ng pag-aaral namin ang matagal nang pinaniniwalaan ng mahusay at maalagang mga magsasaka,” ang paliwanag niya. “Kapag lalong pinahahalagahan ang isang baka, gaya ng pagtawag sa pangalan nito o paglalaan ng panahon dito habang lumalaki, hindi lang natin napangangalagaan nang husto at napapaamo ang hayop, napaparami rin natin ang produksiyon ng gatas.”