Pasidhiin ang Iyong Determinasyon
Pasidhiin ang Iyong Determinasyon
“Ang masidhing determinasyon na huminto sa paninigarilyo ang pinakamahalagang bagay na taglay ng mga matagumpay na nakahinto sa paninigarilyo.”—“Stop Smoking Now!”
KUNG gusto mong huminto sa paninigarilyo, dapat mong pasidhiin ang iyong determinasyon na gawin ito. Paano? Isipin ang mga kapakinabangan kapag huminto ka sa paninigarilyo.
Makakatipid ka. Ang isang kaha bawat araw ay magkakahalaga ng libu-libong piso bawat taon. “Hindi ko akalaing malaki pala ang nagagastos ko sa tabako.”—Gyanu, Nepal.
Tiyak na mas masisiyahan ka sa buhay. “Na-enjoy ko lang ang buhay nang huminto ako sa paninigarilyo, at habang tumatagal, lalong gumaganda ang buhay ko.” (Regina, Timog Aprika) Kapag humihinto sa paninigarilyo ang mga tao, bumubuti ang panlasa at pang-amoy nila, at karaniwan nang mas masigla sila at mas maganda ang hitsura.
Bubuti ang kalusugan mo. “Ang paghinto sa paninigarilyo ay may malaki at kagyat na mga pakinabang sa kalusugan para sa mga lalaki at babae, anuman ang edad.”—U.S. Centers for Disease Control and Prevention.
Madaragdagan ang kumpiyansa mo sa sarili. “Huminto ako sa paninigarilyo dahil ayokong maging alipin ng tabako. Gusto kong ako ang may kontrol sa katawan ko.”—Henning, Denmark.
Makikinabang ang iyong pamilya at mga kaibigan. “Pinipinsala ng paninigarilyo . . . ang kalusugan ng mga nasa paligid mo. . . . Ipinakikita ng mga pag-aaral na libu-libong tao . . . ang namamatay sa kanser at sakit sa puso taun-taon dahil sa nalalanghap nilang usok ng sigarilyo.”—American Cancer Society.
Matutuwa sa iyo ang iyong Maylalang. “Mga minamahal, linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karungisan ng laman.” (2 Corinto 7:1) “Iharap ninyo ang inyong mga katawan na . . . banal, kaayaaya sa Diyos.”—Roma 12:1.
“Nang malaman kong hindi sang-ayon ang Diyos sa mga bagay na nagpaparumi sa katawan, huminto ako sa paninigarilyo.”—Sylvia, Espanya.
Pero kadalasan nang hindi sapat ang basta determinasyon lang. Baka kailangan din natin ang tulong ng iba, kasama na ang mga kapamilya at kaibigan. Ano kaya ang maitutulong nila?