Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Dapat Bang May Bayad ang mga Relihiyosong Serbisyo?

Dapat Bang May Bayad ang mga Relihiyosong Serbisyo?

SA MARAMING lupain, ang mga lider ng mga relihiyong di-Kristiyano at nag-aangking Kristiyano ay humihingi ng bayad sa kanilang mga serbisyo. Kasali rito ang binyag, kasal, at libing. Umaabot ito nang daan-daang piso, o libu-libo pa nga.

Sinusuwelduhan ng pamahalaan ang ilang klero sa pag-aasikaso sa kanilang miyembro, pagsasagawa ng mga seremonya, at sa pananalangin tuwing magbubukas ang sesyon ng mga mambabatas araw-araw. Pinahahalagahan ng mga tao ang ganitong mga serbisyo, at kailangan din naman ng simbahan ng pondo para sa mga gastusin nito. Pero sinasang-ayunan ba ng Bibliya ang paghingi ng bayad sa mga serbisyong ito o pag-oobliga sa mga tao na magbayad?

“Bahay ng Pangangalakal”?

Noong nasa lupa si Jesu-Kristo, sinamantala ng mga Judiong lider ng relihiyon at ng iba pa na kumita sa panahon ng mga relihiyosong pagdiriwang, lalo na sa panahon ng Paskuwa. Sang-ayon ba rito si Jesus? Hindi! Sa katunayan, sinasabi sa atin ng Bibliya na “ibinuhos niya ang mga barya ng mga tagapagpalit ng salapi at itinaob ang kanilang mga mesa.” Sinabi niya: “Huwag na ninyong gawing bahay ng pangangalakal ang bahay ng aking Ama!”​—Juan 2:14-16.

Ganiyan din ang nangyari noong ikawalong siglo B.C.E. sa panahon ni propeta Mikas. Ayon sa Bibliya, ang relihiyosong mga lider ng Israel ay “nasusuklam sa katarungan” at ang mga saserdote naman ay “nagtuturo kapalit lamang ng isang halaga.” Pero inaangkin nilang sumasakanila ang Diyos, na sinasabi: “Hindi ba si Jehova ay nasa gitna natin?” (Mikas 3:9, 11) Pero hindi sila sinasang-ayunan ng Diyos na Jehova. Nasusuklam siya sa kanilang ginagawa at iyan ang malinaw na mensaheng ipinahatid niya sa pamamagitan ng kaniyang propeta.

Sa ngayon, makikita rin ang ganitong kasakiman sa maraming lider ng relihiyon. Ginagawa rin nilang “bahay ng pangangalakal” ang mga dako ng kanilang pagsamba. Sa katunayan, ginagawang negosyo ng halos lahat ng relihiyosong organisasyon ang mga bagay na ginagamit nila sa pagsamba, gaya ng mga imahen at iba pa, at kadalasan nang kumikita sila nang malaki rito. *​—1 Juan 5:21.

“Tinanggap Ninyo Nang Walang Bayad, Ibigay Ninyo Nang Walang Bayad”

Nang utusan ni Jesus ang kaniyang mga apostol na mangaral ng mabuting balita, magpagaling ng maysakit, at bumuhay pa nga ng mga patay, sinabi niya: “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.” (Mateo 10:7, 8) Oo, ang tunay na mga tagasunod niya ay hindi dapat magpabayad sa kanilang mga serbisyo. Bukod diyan, nag-iwan si Jesus ng halimbawa ng paglilingkod sa iba nang walang kapalit na halaga.

Bilang pagsunod sa halimbawa ni Jesus, ginampanan ni apostol Pablo ang kaniyang ministeryo “nang walang bayad.” (1 Corinto 9:18) Gumagawa siya ng mga tolda para may panustos siya. (Gawa 18:1-3) Kaya naman masasabi niya hinggil sa kaniyang sarili at sa mga kasama niyang misyonero: “Hindi kami mga tagapaglako ng salita ng Diyos gaya ng maraming tao.” (2 Corinto 2:17) Pero kumusta naman ang paglikom ng pondo para sa kongregasyon, marahil para sa upa o pambili ng dako ng pagsamba?

“Iniibig ng Diyos ang Masayang Nagbibigay”

Ang pondong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova ay nagmumula sa boluntaryong mga donasyon. Sinusunod nila ang simulaing ito: “Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya niya sa kaniyang puso, hindi mabigat sa loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.” (2 Corinto 9:7) Kaya hindi humihingi ng bayad ang mga Saksi para sa kanilang mga literatura o mga relihiyosong serbisyo, gaya ng bautismo, kasal, at libing. Hindi rin sila humihingi ng ikapu o nagpapasa ng lagayan ng abuloy sa panahon ng kanilang mga pagpupulong. Sinumang nais magbigay ng donasyon para sa kanilang pambuong-daigdig na gawaing pangangaral ay maaaring maghulog nito sa mga kahon ng kontribusyon na nasa dako ng kanilang pagsamba.

Sa buong daigdig, ang pondong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova para sa kanilang mga Kingdom Hall, Assembly Hall, tanggapang pansangay, at mga imprentahan, pati na sa pagtulong sa panahon ng mga sakuna, ay mula sa boluntaryong mga kontribusyon. Tulad ng dukhang babaing balo na pinapurihan ni Jesus, kaunti lang ang kayang ibigay ng ilan. (Lucas 21:2) Malaki naman ang naibibigay ng iba. Alinman dito, ang mga sumusunod sa mga simulain ng Bibliya at nagbibigay ayon sa makakaya nila ay saganang pinagpapala ng Diyos at tunay na maligaya.​—Gawa 20:35; 2 Corinto 8:12.

[Talababa]

^ par. 8 Tingnan ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Dapat Bang Gumamit ng mga Imahen sa Pagsamba sa Diyos?” sa Gumising!, isyu ng Agosto 2008.

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

● Ano ang sinabi ni Jesus sa mga nagtitinda sa templo?​—Juan 2:14-16.

● Nagpabayad ba ang Kristiyanong apostol na si Pablo sa kaniyang mga relihiyosong serbisyo?​—2 Corinto 2:17.

● Anong uri ng pagbibigay ang nakalulugod kay Jehova?​—2 Corinto 9:7.

[Blurb sa pahina 23]

“Huwag na ninyong gawing bahay ng pangangalakal ang bahay ng aking Ama!”​—Juan 2:14-16