Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Bakit Ko Iniwan ang Kasikatan

Kung Bakit Ko Iniwan ang Kasikatan

Kung Bakit Ko Iniwan ang Kasikatan

Ayon sa salaysay ni Martha Teresa Márquez

BATA pa lang ako, mahilig na akong kumanta. Kumakanta pa nga ako noon sa radyo. Nakatuntong lang ako ng kinder, pero kumuha ako ng voice lesson sa Mexico City sa ilalim ng direktor ng symphony orchestra ng bansa.

Noong 1969, nang ako’y 24 anyos, niyaya ako ng isang kaibigang mananayaw na mag-awdisyon sa La Rampa Azul, isang sikát na sikát na restawran noon. Kinanta ko ang kilalang Cucurrucucú Paloma ng Mexicanong kompositor na si Tomás Méndez, at pumatok iyon sa mga tao. Isa na akong ganap na mang-aawit. Naging soloista ako sa pangalang Romelia Romel.

Nakatrabaho ko si Tomás Méndez, pati na ang iba pang kilalang Mexicanong kompositor at mang-aawit, kasama na sina Cuco Sánchez at Juan Gabriel. Tuwang-tuwa ako kapag nakikita ko ang pangalan ko sa mga billboard at sa mga pahayagan at magasin. Kumanta ako sa mga nightclub, sa radyo, at nagkonsyerto sa iba’t ibang lugar sa Mexico at Belize. Nakatrabaho ko rin ang sikát na Mexicanong komedyante na si Leonorilda Ochoa noong bago pa lang ang palabas niya sa telebisyon sa Mexico.

Sa paglipas ng panahon, sumikat ako at kumita nang malaki​—napakalaki kaya nakabili ako ng mga alahas, fur coat, at isang penthouse. Kung tutuusin, nasa akin na ang lahat. Pero hindi ako masaya. Parang may kulang. Bagaman lumaki akong Romano Katoliko, nahihiya akong magsimba. Pakiramdam ko kasi napakarumi ko dahil sa imoral kong pamumuhay.

Umusbong ang Pag-ibig Ko kay Jehova

Habang nag-eensayo para sa aking unang album, sinabi ko sa kaibigan kong si Lorena Wong, isang mang-aawit ng ranchera, na gusto kong magmadre at tumulong sa mahihirap. “Magmadre? Nasisiraan ka na ba?” ang sabi niya.

Saka siya nagtanong: “Alam mo ba ang pangalan ng Diyos?”

“Panginoong Jesu-Kristo,” ang sagot ko.

“Hindi. Ang pangalan niya ay Jehova,” ang sabi niya. “Anak niya si Jesus.”

“Jehova?” ang tanong ko. Bago sa pandinig ko ang pangalang iyon. Binigyan ako ni Lorena ng Bibliya at nangakong papupuntahin sa akin ang guro niya na isang Saksi ni Jehova. *

Sa tuwing makikita ko si Lorena, itinatanong ko, “O, kailan mo papupuntahin ang guro mo?” Gutóm ako sa espirituwal.

Samantala, sinimulan kong basahin ang Bibliya at nakita kong ang pangalan pala talaga ng Diyos ay Jehova. (Awit 83:18) Hindi ako makapaniwala. Nabasa ko rin ang Sampung Utos at nagulat ako sa sinasabi ng isa sa mga iyon: “Huwag kang mangangalunya.” (Exodo 20:14) Noon kasing panahong iyon, may kinakasama akong lalaking may asawa. Siya ang ama ng walong-buwan kong sanggol, ang pangalawa sa mga anak ko. Ang panganay ko ay anak ko sa ibang lalaki, at hindi rin kami kasal.

Minsan, nang nag-eensayo ako ng kanta para sa isang bagong palabas, may kumatok sa unit ko​—ang guro ni Lorena na si Mauricio Linares at ang asawa nito. Ipinakita nila sa akin ang layunin ng Diyos para sa sangkatauhan at nag-iwan sila ng aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. * Kahit may mga salitang hiráp akong basahin, natapos ko iyon sa loob lang ng magdamag. Nagsimulang umusbong ang pag-ibig ko kay Jehova.

Binago Ko ang Aking Pamumuhay

Habang tinutulungan ako ng mga Saksi na mag-aral ng Bibliya at humusay sa pagbabasa, napag-isip-isip ko na kailangan kong baguhin ang ilang bagay sa aking buhay para mapaluguran ko si Jehova. Sinimulan kong idispatsa ang aking mga imahen, medalyon, at mga gamit na itinuturing kong suwerte, kahit gawa pa ito sa ginto.

Pero nahirapan akong ihinto ang paninigarilyo at paglalasing. Kapag napapadaan ako sa tindahan ng alak, naglalaway ako. Kinailangan kong tumigil sa pakikisama sa mga kaibigan ko, dahil inaalok nila akong uminom at kumain sa mamahaling mga restawran na nagsisilbi ng alak. Alam kong mauuwi lang ito sa pag-abuso sa alkohol.

Nahirapan din akong huminto sa pagpunta sa mga parti ng mga sikát at mayayamang tao. Nang anyayahan akong pumunta sa kaarawan ng isang kilalang boksingero na taga-Cuba, nanalangin ako: “Huli na po ito, Diyos na Jehova. Hinding-hindi na ako pupunta sa gayong mga okasyon o gagawa ng anumang bagay na ayaw ninyo.” At tinupad ko iyon.

Nakipaghiwalay na rin ako sa tatay ng ikalawa kong anak, kahit napakayaman niya at nangangakong ibibigay niya ang lahat huwag ko lang siyang iwan. Napakahirap nito sa akin kasi mahal na mahal ko siya, at alam niya iyon. Buong-pagmamalaki niyang sinabi: “Ako ang Diyos mo! Ako ang Kristo mo!”

“Noon ’yun,” ang sagot ko. “pero si Jehova na ang Diyos ko ngayon.” Nagbanta siyang kukunin ang anak ko at sasaktan ako.

Noong panahong iyon, may mga nagsabi sa akin na walang ipinagkaiba ang pagkanta sa ibang karera​—na puwede ko naman daw pagsabayin ang pagkanta at ang pagiging Saksi. Pero ipinaalaala sa akin ng iba, “Hindi mawawala ang tuksong manigarilyo, uminom, at gumawa ng imoral.” Napaisip ako ng mga pananalitang iyon.

Noong sikat na mang-aawit pa ako, may mga lalaking nagpapahiwatig sa akin at nag-aalok ng malaking halaga. Pero determinado na akong huwag magpadala sa gayong mga tukso. Kaya noong 1975, hindi ko na itinuloy ang konsyerto ko sa Tsina. Pagkalipas ng anim na buwan, nabautismuhan ako bilang isang Saksi ni Jehova.

Hirap at Ginhawa

Paano kami mabubuhay ng pamilya ko? Hindi naman ako nakapag-aral at wala akong alam na ibang trabaho maliban sa pagkanta. Sa akin din umaasa ang ate kong si Irma at ang kaniyang tatlong anak, pati na ang dalawa kong anak na lalaki. Kinailangan naming iwan ang aking mamahaling condo at lumipat sa dalawang maliit na kuwarto. Ang biglang pagbabago mula sa buhay-mayaman tungo sa buhay-mahirap ay napakalaking hamon. May pagkakataon pa ngang dinudusta ako ni Ate at ng mga bata at ginigipit nila akong magpatuloy sa pagkanta, pero determinado akong gawin ang nararapat para makapaglingkod kay Jehova.

Unti-unti kong ibinenta ang mga gamit ko​—alahas, fur coat, at kotse​—at ito ang bumuhay sa amin. Pero sa kalaunan, naubos din ang pera namin. Para makaiwas sa panggugulo ng ama ng ikalawa kong anak, lumipat kami sa isang lunsod sa kabilang ibayo ng bansa noong 1981.

Tinuruan ako ng mga Saksing tagaroon kung paano magluto ng tamales, donut, at iba pang pagkaing maibebenta. Nang maglaon, nakakuha ako ng panggabing trabaho sa isang pabrika. Pero nakaapekto ito sa pagdalo ko sa mga Kristiyanong pagpupulong at sa paglilingkod sa Diyos. Kaya nagbitiw din ako, at nagluto na lang ng tamales sa bahay. Inilalagay ko ito sa mga basket at inilalako sa kalsada. Sa ganitong paraan ko sinustentuhan ang aking sarili bilang buong-panahong ministro.

Isang Pasiyang Hinding-hindi Ko Pinagsisisihan

Kapag tinatanong ako kung ano ang nadarama ko ngayong iniwan ko ang karera bilang mang-aawit, sinasabi kong hindi ko ipagpapalit sa anumang bagay ang kaalaman ko kay Jehova at pagkaunawa sa kaniyang kamangha-manghang layunin. Natutuwa ako’t nag-aral din ng Bibliya ang aking mga anak, nag-alay ng kanilang buhay kay Jehova, at nakapag-asawa ng kapananampalataya. Sa tulong ng kani-kanilang asawa, sinasanay nila ang kanilang mga anak na maglingkod din sa Diyos na Jehova.

Halos 30 taon na akong payunir, ang tawag ng mga Saksi ni Jehova sa mga nangangaral nang buong panahon. Sa tulong ng Diyos, natulungan ko ang maraming tao, kasama na si Ate Irma at ang anak niya, na matuto ng katotohanan sa Bibliya at mag-alay ng kanilang buhay sa Diyos. Napakaligaya ko dahil nagkaroon ako ng gayong “espirituwal na mga anak” na patuloy na lumalakad sa katotohanan​—at marami’y naglilingkod bilang payunir. (3 Juan 4) Ngayon, 64 anyos na ako, at nagdaraos ako ng 18 pag-aaral sa Bibliya.

Hindi na ako gutóm sa espirituwal. Natupad din ang kagustuhan kong tumulong sa iba nang sundin ko ang utos ni Jesus na ‘humayo at gumawa ng mga alagad.’ (Mateo 28:19, 20) Laking pasasalamat ko at patuloy akong inaalalayan ni Jehova! Napatunayan kong totoo ang sinasabi ng salmista: “Tikman ninyo at tingnan na si Jehova ay mabuti.”​—Awit 34:8.

[Mga talababa]

^ par. 12 Nang maglaon, naging Saksi ni Jehova si Lorena Wong.

^ par. 15 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova pero hindi na ngayon inililimbag.

[Larawan sa pahina 25]

Kasama ang aking mga anak, ang kani-kanilang asawa, at si Ate, na kasama kong nagpapayunir

[Larawan sa pahina 26]

Nagluluto pa rin ako at naglalako ng tamales para suportahan ang sarili ko sa paglilingkod bilang buong-panahong ministro