Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Makokontrol ang Stress

Kung Paano Makokontrol ang Stress

Kung Paano Makokontrol ang Stress

May binabanggit ang Bibliya tungkol sa “mapanganib na mga panahon ng matinding kaigtingan at kaguluhan.” Malamang na sang-ayon ka na nabubuhay tayo ngayon sa isang panahon ng matinding kaigtingan o stress.​—2 Timoteo 3:1, The Amplified Bible.

GAYA ng alam mo, mas madaling patayin ang sigâ kaysa sa sunog. Sa katulad na paraan, mas madaling kontrolin ang paunti-unting stress kaysa sa matinding stress na naipon sa loob ng mahabang panahon. Sinasabi ng isang doktor na “sa ating abalang buhay, mahalagang gawin nating priyoridad ang pagkontrol sa stress araw-araw.” *

Dalawa ang kapakinabangan ng araw-araw na pagkontrol sa stress. Una, tumutulong ito para mabawasan ang mga sanhi ng stress na puwede namang iwasan. Ikalawa, tumutulong ito para makontrol natin ang ating reaksiyon sa stress na hindi maiiwasan.

May mga payo ba ang Bibliya na makakatulong sa atin na maharap ang stress?

Napakahalaga ng mga Payo ng Bibliya

Kung susuriin natin ang Bibliya, masusumpungan natin ang nakagiginhawa at nakapagpapalakas na kaisipan ng ating Maylalang. Ang Salita ng Diyos ay pinagmumulan ng napakahalagang mga tagubilin. Napakarami nitong payo na tutulong sa atin na makontrol ang stress! Makakatulong din ito para hindi tayo ‘matakot o mawalan ng pag-asa’ at para maharap ang stress sa araw-araw.​—Josue 1:7-9, Magandang Balita Bibliya.

Sa nakaaantig na paraan, tinutulungan tayo ng Bibliya na mabawasan ang stress dahil sinasabi nito na ang ating Ama sa langit, si Jehova, “ay napakamagiliw sa pagmamahal at maawain.” (Santiago 5:11) “Ang isang nakatulong sa akin nang malaki,” ang sabi ni Patricia, dating propesor sa isang unibersidad sa California, “ay ang pag-iisip tungkol sa kalooban ng Diyos at sa kamangha-manghang mga bagay na ginagawa niya.”

Isip-isipin ang kaginhawahang idinulot ng magiliw na pananalita at pakikitungo ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagapakinig na nasisiil at dumaranas ng kaigtingan. “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo.”​—Mateo 11:28-30.

Totoo nga ang sinabi ni Jesus. Hindi siya naging malupit. Sa halip, nagpakita siya ng konsiderasyon sa emosyonal at pisikal na pangangailangan ng kaniyang mga alagad. Gumawa pa nga siya ng paraan para makapagpahinga sila mula sa kanilang abalang rutin ng pangangaral. (Marcos 6:30-32) Makakaasa tayo na si Jesus, na Hari na ngayon sa langit, ay talagang nakikisimpatiya sa atin kapag dumaranas tayo ng matinding stress. Dahil sa awa, inaalalayan niya tayo sa pamamagitan ng pagbibigay ng “tulong sa tamang panahon.”​—Hebreo 2:17, 18; 4:16.

Malaking Tulong ang Mabuting Komunikasyon

Ang mabuting komunikasyon ang isa sa pinakamahalagang tulong para makontrol ang stress. Itinuturo ng Bibliya: “Nabibigo ang mga plano kung saan walang matalik na usapan, ngunit sa karamihan ng mga tagapayo ay may naisasagawa.” (Kawikaan 15:22) Kaya naman marami ang nagsasabing nababawasan ang stress nila kapag nakikipag-usap sila sa kanilang asawa, kaibigan, o katrabaho.

Ang pinakamahalaga at pinakamadaling anyo ng “matalik na usapan” ay ang pananalangin sa Diyos. Matutulungan ka ng palagiang pananalangin na maiwasang “mabalisa sa anumang bagay.” Natulungan ng panalangin ang marami na magkaroon ng “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” At gaya ng pangako ng Bibliya, naingatan ang kanilang ‘mga puso at mga kakayahang pangkaisipan.’​—Filipos 4:6, 7; Kawikaan 14:30.

Sinasabi ng isang reperensiya na “ang stress ay mas nakakayanan ng mga taong may mga nagmamalasakit na kaibigan . . . kaysa sa mga mag-isang humaharap sa mga problema.” Masusumpungan mo ang ganitong mapagmalasakit na mga kaibigan sa mga mananamba ng tunay na Diyos, si Jehova. Bilang pagsunod sa utos ng Bibliya, regular silang nagtitipon at nagpapatibayan sa isa’t isa. (Hebreo 10:24, 25) “Kung minsan, maraming oras ang nauubos ko sa trabaho, kaya naman stress na stress ako,” ang sabi ng isang lalaki. “Pero kapag dumadalo ako sa mga pulong, pagkatapos ng panalangin, para akong nabunutan ng tinik at wala na ang stress ko.”

Malaking tulong din ang ugaling mapagpatawa. Sinasabi ng Eclesiastes 3:4 na may “panahon ng pagtangis at panahon ng pagtawa.” Ang pagtawa ay nakagiginhawa at maganda sa kalusugan dahil, gaya ng paliwanag ng isang doktor, “ang katawan ay naglalabas ng endorphin at pinipigilan nito ang paglalabas ng adrenaline kapag tumatawa tayo.” Sinabi ng isang asawang babae: “Laging nagpapatawa ang asawa ko kapag napakaigting na ng sitwasyon, at malaking tulong ito.”

Mga Katangiang Nakakabawas ng Stress

Pinasisigla tayo ng Bibliya na magkaroon ng mga katangiang nakakabawas ng stress. Kasama rito ang “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, [at] pagpipigil sa sarili,” na tinatawag na “mga bunga ng espiritu” ng Diyos. Pinasisigla din tayo ng Bibliya na iwasan ang “mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita.” Sinabi pa nito: “Maging mabait kayo sa isa’t isa, mahabagin na may paggiliw, lubusang nagpapatawaran sa isa’t isa.”​—Galacia 5:22, 23; Efeso 4:31, 32.

Ipinaliwanag ng isang doktor ang kahalagahan ng pagsunod sa gayong mga turo ng Bibliya, lalo na sa ngayon. “Ang paggalang sa tao,” ang sabi niya, “ay malaking tulong para mabawasan ang stress.” Tumutulong din ang Bibliya para malinang natin ang kahinhinan. Ibig sabihin, dapat tayong magkaroon ng makatuwirang pangmalas sa ating mga kakayahan.​—Mikas 6:8.

Inaasahan ng Diyos na kikilalanin natin na may limitasyon tayo sa pisikal, mental, at emosyonal at na hindi natin magagawa ang lahat ng gusto nating gawin. Bagaman mahirap, baka kailangan nating matutuhan kung kailan at kung paano tayo hihindi sa mga bagay na hindi talaga natin kaya.

Pero hindi ibig sabihin na kapag nasunod mo ang lahat ng nabanggit na payo ng Bibliya, hindi ka na mai-stress. Ang totoo, tinatarget ni Satanas na Diyablo ang mga mananamba ng Diyos para patunayang iiwan nila ang tunay na pagsamba kapag dumanas sila ng matinding kaigtingan. (Apocalipsis 12:17) Pero gaya ng nakita natin, naglalaan ang Diyos ng maraming napapanahong impormasyon na tutulong sa atin na mabawasan at maharap ang stress. *

[Mga talababa]

^ par. 3 Kapag ang stress ay nagtatagal o matindi anupat nauuwi na sa pagkakasakit, makabubuting kumonsulta sa espesyalista.

^ par. 20 Para sa higit na impormasyon kung paano mahaharap ang stress, tingnan ang seryeng “Kaginhawahan Mula sa Kaigtingan!” sa Gumising!, isyu ng Pebrero 8, 2005, at “Pagharap sa Mabilis na Takbo ng Buhay sa Ngayon,” sa isyu ng Pebrero 8, 2001.

[Kahon sa pahina 9]

ILANG PARAAN PARA MABAWASAN ANG STRESS

● Huwag maging perpeksiyonista.​—Eclesiastes 7:16.

● Magtakda ng makatuwirang mga priyoridad.​—Filipos 1:10, 11.

● Mag-ehersisyo nang regular.​—1 Timoteo 4:8.

● Masiyahan sa mga lalang ni Jehova.​—Awit 92:4, 5.

● Maglaan ng panahon para mapag-isa.​—Mateo 14:23.

● Magrelaks at matulog nang sapat.​—Eclesiastes 4:6.

[Larawan sa pahina 7]

Ang paglalaan ng panahon sa pakikipag-usap ay malaking tulong para mabawasan ang stress

[Larawan sa pahina 7]

Ang paglilinang ng makadiyos na mga katangian ay makababawas ng stress