Protektahan ang Iyong Pamilya Laban sa Trangkaso
Protektahan ang Iyong Pamilya Laban sa Trangkaso
Sa hula ni Jesus tungkol sa katapusan ng kasalukuyang sistema ng mga bagay, sinabi niya na magkakaroon ng ‘mga salot sa iba’t ibang dako.’ (Lucas 21:11) Isa sa mga salot na iyon ang trangkaso.
ANG trangkaso ay dala ng isang virus na napakaliit at sa mikroskopyo lang makikita. Pinapasok ng virus na ito ang mga buháy na selula at ninanakaw ang sistema ng mga ito para magparami. Target ng virus ng trangkaso ang sistema ng palahingahan. Naililipat ito sa ibang tao sa pamamagitan ng pagkaliliit na talsik ng fluid kapag bumabahin, umuubo, o kahit nagsasalita ang isang may trangkaso. Nagkakaroon ng tinatawag na pandemic kapag napakaraming tao ang nahawahan sa isang napakalawak na lugar.
Apektado ng virus, hindi lang ang tao, kundi pati na rin ang mga hayop at ibon. Tatlo ang kategorya ng virus ng trangkaso—type A, B, o C. Ang type A ang pinakakaraniwan. Ang mga klase ng virus ay nakauri ayon sa dalawang protinang nasa pinakabalot ng virus: ang hemagglutinin (H) at neuraminidase (N).
Delikado ang virus ng trangkaso dahil may mga pagkakataong napakabilis nitong dumami at pabagu-bago ang bilis nito, at iba’t ibang klase ng virus ang puwedeng magsama at bumuo ng panibagong klase. Kapag talagang kakaiba ang lumitaw na bagong klase ng virus, posibleng walang panlaban dito ang sistema ng imyunidad ng tao.
Karaniwan nang mas marami ang may trangkaso kapag mas malamig ang panahon. Ayon sa pananaliksik kamakailan, kapag malamig ang temperatura, nagiging gel ang panlabas na lamad ng virus. Ito ang pinakaproteksiyong nagpapahaba sa buhay ng virus habang nasa hangin. Pero natutunaw ang gel na ito sa mainit na temperatura ng palahingahan ng tao. Ang resulta? Impeksiyon. Hindi ang malamig na hangin ang sanhi ng impeksiyong dala ng virus, pero tumutulong ito sa pagkalat ng virus.
Mga Hakbang na Puwedeng Gawin
Alam ng maraming pamahalaan na mahalaga ang paghahanda, kaya nakaplano na ang mga dapat nilang gawin. Pero ano kaya ang puwede
mong gawin? Repasuhin natin ang ilang simpleng hakbang:Palakasin ang katawan: Tiyaking sapat ang tulog ng iyong pamilya. Dapat din kayong kumain ng mga pagkaing magpapalakas sa inyong imyunidad. Kasama rito ang sariwang prutas at gulay, mga binutil, at low-fat na mga protina, na nagbibigay ng mga amino acid na mahalaga para lumakas ang katawan.
Maging malinis sa kapaligiran: Hangga’t maaari, linising mabuti ang paminggalan at mesa araw-araw. Hugasan agad ang mga lutuan at pinagkainan, at laging labhan ang mga kumot, kubrekama, at punda. Lagyan ng disinfectant ang mga bagay na madalas hawakan: telepono, hawakan ng pinto, at remote control. Kung posible, panatilihing maayos ang bentilasyon ng bahay.
Panatilihin ang kalinisan sa katawan: Hugasang mabuti ang iyong kamay gamit ang sabon at tubig o alkohol o hand sanitizer. (Kung posible, laging magdala ng maliit na hand sanitizer.) Huwag ipagamit sa iba, kahit sa iyong mga kapamilya, ang iyong bimpo o tuwalya ni makigamit man nito.
Maghugas ng kamay, bago hawakan ang iyong mga mata, ilong, o bibig. Kung posible, gumamit ng tisyu para takpan ang iyong bibig at ilong kapag umuubo o bumabahin at itapon ito agad. Huwag ipagamit sa iba ang iyong gadyet, tulad ng telepono, ni makigamit man nito, dahil puwede itong magdala ng mikrobyo. Mahalagang sanayin ang mga bata sa ganitong kaugalian. Makabubuting ugaliin ang mga hakbang na ito, lalo na kapag uso ang trangkaso.
Maging Makonsiderasyon
Posibleng makahawa ka isang araw bago lumitaw sa iyo ang mga sintomas at hanggang limang araw matapos lumitaw ang sintomas. Ang mga sintomas ay nahahawig sa sipon, pero mas grabe. Kasama rito ang lagnat (karaniwan nang mataas), pananakit ng ulo, matinding pagkahapo, ubong walang plema, at pananakit ng mga kalamnan. Ang sipon, pagduduwal, pagsusuka, pagtatae, at iba pang problema sa tiyan ay mas karaniwan sa mga bata kaysa sa mga adulto. Kung may ganito kang sintomas, manatili sa bahay hangga’t maaari para hindi makahawa.
Magpahingang mabuti at uminom nang marami. Makakatulong din ang mga antiviral na gamot, pero mabisa lang ito kapag ininom agad sa paglitaw pa lang ng mga sintomas. Hindi dapat painumin ng aspirin (acetylsalicylic acid) ang mga batang may trangkaso. Pumunta agad sa doktor o ospital kapag nahihirapang huminga, nananakit ang dibdib, may matinding sakit ng ulo, at iba pang sintomas na tulad ng sa pulmonya.
Nakakatakot magkaroon ng trangkaso. Pero malaking tulong kung alam mo ang gagawin mo. Subalit tandaan, gaya ng pangako ng Bibliya, darating ang panahong “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ”—Isaias 33:24.
[Kahon sa pahina 27]
ISANG MALALANG ANYO NG TRANGKASO
Ang trangkasong natuklasan sa Mexico noong 2009 ay isang uri ng H1N1, na nahahawig sa trangkaso Espanyola noong 1918 na kumitil ng sampu-sampung milyong buhay. Pero may mga elemento rin ito na makikita sa mga virus na nakakaapekto sa mga baboy at ibon.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 28, 29]
6 NA PARAAN PARA MAPROTEKTAHAN ANG IYONG SARILI AT ANG IBA
1. Magtakip ng bibig kapag umuubo
2. Maghugas ng kamay
3. Magkaroon ng maayos na bentilasyon
4. Panatilihin ang kalinisan
5. Kung may sakit ka, manatili sa bahay
6. Iwasang makihalubilo
[Kahon/Larawan sa pahina 29]
KAPAG MAY EPIDEMYA
Una, sundin ang mga tagubilin ng mga opisyal sa kalusugan. Huwag mataranta o masyadong mabahala. Gawin ang lahat ng hakbang na tinalakay rito. Hangga’t maaari, umiwas sa maraming tao. Kung may sakit ka, maglagay ng mask. Laging maghugas ng kamay. Mag-imbak ng mga pagkaing hindi madaling mabulok, pati na ng mga gamit pangkalusugan at pangkalinisan, na sapat para sa dalawang linggo sakaling hindi ka makapunta sa tindahan.
Sundin ang mga ibinibigay na tagubilin kapag nasa trabaho ka, lugar ng pagsamba, o saanmang lugar na maraming tao. Panatilihing maayos ang bentilasyon ng iyong paligid.
[Larawan sa pahina 27]
Pinalaking larawan ng H1N1 influenza virus
[Credit Line]
CDC/Cynthia Goldsmith