Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Pinakamagaling Lumipad sa Buong Daigdig”

“Ang Pinakamagaling Lumipad sa Buong Daigdig”

“Ang Pinakamagaling Lumipad sa Buong Daigdig”

ANG albatros ay sinasabing “ang pinakamagaling lumipad sa buong daigdig,” at gayon nga. Ang haba ng pakpak ng pinakamalaking ibong-dagat na ito ay tatlong metro, at nakalilipad ito sa bilis na mahigit 115 kilometro kada oras. Kapag nasa lupa, parang hindi mo ito papansinin, pero kapag lumipad na ito, hindi mo maiiwasang humanga.

Sa mga 20 kilalang uri ng albatros, mga 15 ang matatagpuan sa karagatan ng New Zealand. Ang Taiaroa Head ay isa sa iilang lugar sa Timugang Hemisperyo kung saan nagpaparami ang mga albatros. Matatagpuan ito sa dulo ng Otago Peninsula, sa South Island ng New Zealand.

Doon, nangingitlog ang northern royal albatross sa edad na anim hanggang sampu. Nangingitlog ito habambuhay, na maaaring umabot nang mahigit kalahating siglo sa ilang ibon. Isa lang ang nagiging itlog ng albatros tuwing makalawang taon. At sa loob ng isang taon na hindi ito nangingitlog, nakatira ito sa dagat. Karaniwan nang isa lang ang nagiging kapareha ng ibong ito.

Nagtutulungan ang magkaparehang albatros sa paggawa ng pugad, na nagsisimula tuwing Setyembre. Pagsapit ng Nobyembre, mangingitlog na ang babaing albatros. Ang itlog ay maaaring tumimbang nang hanggang kalahating kilo. Sa loob ng mga 80 araw, maghahalinhinan sa paglimlim ang magkaparehang albatros hanggang sa mapisa ang itlog sa unang mga araw ng Pebrero. Pagkatapos, magpapalitan sila sa pagbabantay sa inakay. Pakakainin nila ito ng durog na isda at pusit. Sa edad na anim na buwan, ang inakay ay maaaring tumimbang nang hanggang 12 kilo​—di-hamak na mas mabigat kaysa sa adultong albatros!

Matapos ang halos isang taon, iiwan muna ng mga magulang ang Taiaroa Head at titira sa dagat sa loob ng isang taon, saka babalik para muling magparami. Samantala, paulit-ulit na susubukang ikampay ng pumayat at may balahibo nang inakay ang kaniyang pakpak hanggang sa makalipad. Papunta saan? Sa karagatan, kung saan maninirahan ang mga batang albatros sa susunod na ilang taon. Pagkatapos, babalik ito sa Taiaroa Head. Habang abala ang nakatatandang mga albatros sa paggawa ng pugad at pagpaparami, ang mga batang albatros naman ay abala sa pagpapaganda, paglalaro, at pagpapasikat sa paglipad.

[Kahon sa pahina 25]

PAGBISITA SA LUGAR NG MGA ROYAL ALBATROSS

Mula sa pagkabata, tuwang-tuwa na ako sa mga kuwento tungkol sa albatros, kaya sabik akong bumisita sa lugar ng mga royal albatross. Mahangin noon, at habang papalapit kami doon, inabangan namin ang lumilipad na mga albatros. Hindi kami nabigo. Nang makita na namin ang bantog na mga ibong ito, natulala kami sa kanilang galing sa paglipad!

Isang oras kaming inilibot ng tour guide kasama ng iba pang mga bisita. Sa tulong ng mga modelo, displey, at video, nalaman namin na ang mga northern royal albatross ay maaaring mabuhay kahit hindi sila umalis sa dagat​—natutulog pa nga sila sa tubig! Nasa dagat man o nasa himpapawid, ang kawili-wiling ibong ito ay tunay na kahanga-hanga​—isa pang dahilan para purihin ang isa na ‘lumalang ng lahat ng bagay,’ ang Diyos na Jehova!​—Apocalipsis 4:11.

[Larawan sa pahina 24]

Nagpapalitan ang mga magulang sa pagbabantay at pagpapakain sa inakay, na maaaring tumimbang nang hanggang 12 kilo sa edad na anim na buwan

[Larawan sa pahina 24, 25]

Ang Taiaroa Head, pugad ng mga northern royal albatross

[Larawan sa pahina 24]

Ang mga northern royal albatross ay maaaring mabuhay kahit hindi sila umalis sa dagat​—natutulog pa nga sila sa tubig

[Picture Credit Lines sa pahina 23]

Itaas: © David Wall/Alamy; ibaba: © Kim Westerskov/Alamy

[Picture Credit Lines sa pahina 25]

Background: © davidwallphoto.com; page 24, itaas: Tui De Roy/Roving Tortoise Photos; page 24, ibaba: Courtesy Diarmuid Toman; page 25, albatros na lumilipad: © Naturfoto-Online/Wolfgang Bittmann