Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Handa Na ba Akong Bumukod?

Handa Na ba Akong Bumukod?

“Kung minsan, pakiramdam ko minamaliit ako ng mga tao kasi 19 na ako pero nakatira pa rin ako sa mga magulang ko. Para bang hindi ako magiging adulto kung hindi ako magsasarili.”​—Katie. *

“Malapit na akong mag-20 pero naiinis ako dahil hindi ko pa rin magawa ang gusto ko. Inisip ko na ngang umalis ng bahay. Lagi na lang ang gusto ng mga magulang ko ang nasusunod at sawang-sawa na akong marinig na mas alam nila ang tama.”​—Fiona.

KAHIT hindi ka pa handa, baka gusto mo nang bumukod sa mga magulang mo. Normal naman iyan. Layunin ng Diyos na ang mga kabataan ay maging adulto, bumukod, at magkaroon ng sariling pamilya balang-araw. (Genesis 2:23, 24; Marcos 10:7, 8) Pero dahil ba sa gusto mo ng higit na kalayaan ay panahon na para bumukod ka? Posible. Gayunman, paano mo malalaman kung handa ka na ngang bumukod? Pag-isipan ang tatlong mahalagang tanong. Ang una ay . . .

Ano ang Intensiyon Ko?

Para matiyak mo kung ano ang intensiyon mo sa pagbukod, tingnan ang sumusunod na listahan. Lagyan ng numero ayon sa kahalagahan ang mga dahilan kung bakit gusto mong bumukod.

․․․ Takasan ang problema sa bahay

․․․ Maging mas malaya

․․․ Tumaas ang tingin sa akin ng mga kaibigan ko

․․․ Samahan ang isang kaibigan na kailangan ng isang roommate

․․․ Magboluntaryo sa ibang lugar

․․․ Matutong tumayo sa sariling paa

․․․ Hindi na maging pabigat sa magulang

․․․ Iba pa ․․․․․

Wala namang masama sa mga dahilang iyan. Pero para maging maligaya kapag wala ka na sa poder ng magulang mo, mahalagang isaalang-alang kung ano ang intensiyon mo sa pagbukod. Halimbawa, kung magsasarili ka dahil gusto mo lang tumakas sa problema o gusto mo ng higit na kalayaan, baka magulat ka lang!

Si Danielle, na pansamantalang nagsarili noong 20 anyos na siya, ay natuto sa kaniyang karanasan. Sinabi niya: “Hindi talaga natin magagawa ang lahat ng gusto natin. Kapag bumukod ka na, malilimitahan naman ng iyong iskedyul sa trabaho o kakulangan sa pera ang mga bagay na gusto mong gawin.” Si Carmen naman, na tumira sa ibang bansa nang anim na buwan, ay nagsabi: “Naging masaya ako, pero madalas na wala akong libreng oras! Kailangan kong gawin ang lahat ng gawaing-bahay​—paglilinis, pagkukumpuni, pag-aayos ng bakuran, paglalaba, paglalampaso, at kung anu-ano pa.”

Totoo, baka maging mas malaya ka kapag bumukod ka. Maaari ding tumaas ang tingin sa iyo ng mga kaibigan mo. Pero magiging responsibilidad mo na ang mga bayarin, paghahanda ng pagkain, at paglilinis ng bahay. Iisipin mo na rin kung paano mo palilipasin ang oras kapag wala kang kasama. Kaya huwag kang magpabuyo sa iba na magpasiya nang padalus-dalos. (Kawikaan 29:20) Kahit na may makatuwiran kang dahilan, higit pa roon ang kailangan mo. Dapat na kaya mo nang alagaan ang sarili mo. Kaya ang ikalawang tanong naman ngayon ay . . .

Handa Na Kaya Ako?

Ang pagsasarili ay parang pagha-hiking. Pupunta ka ba sa kagubatan kung hindi ka marunong magtayo ng tent, magparingas ng apoy, magluto, o tumingin ng mapa? Siyempre hindi! Pero maraming kabataan ang bumubukod kahit wala silang gaanong alam sa bahay.

Sinabi ng marunong na haring si Solomon na “pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.” (Kawikaan 14:15) Para malaman mo kung handa ka nang bumukod, pag-isipan ang sumusunod na mga subtitulo. Lagyan ng ang mga kaya mo nang gawin at ng X ang mga kailangan mo pang pag-aralan.

◯ Paghawak ng pera “Hindi ako ang nagbabayad ng bills ko,” ang sabi ng 19-anyos na si Serena. “Kaya takót akong bumukod at magbadyet ng sarili kong pera.” Paano ka matututong humawak ng pera?

Ayon sa isang kawikaan sa Bibliya: “Ang taong marunong ay makikinig at kukuha ng higit pang turo.” (Kawikaan 1:5) Kaya maaari mong tanungin ang magulang mo kung magkano ang badyet ng isang tao sa loob ng isang buwan para sa upa o hulog sa bahay, pagkain, sasakyan, o pamasahe. Magpaturo ka sa magulang mo kung paano magbadyet at magbayad ng mga bayarin. Bakit mahalagang matutong sundin ang badyet? Sinabi ng 20-anyos na si Kevin: “Kapag nagsarili ka na, magugulat ka sa dami ng gastusin. Kung hindi ka mag-iingat, baka kailangan mong kumayod nang husto dahil lubog ka sa utang.”

Gusto mo bang malaman kung kaya mo nang magsarili? Kung may trabaho ka na, subukan mong ibigay sa mga magulang mo ang halagang nagagastos buwan-buwan para sa iyong pagkain, upa sa bahay, at iba pang gastusin. Kung hindi mo kaya o ayaw mong magbigay ng pera para sa gastusin sa bahay, hindi ka pa talaga handang bumukod.​—2 Tesalonica 3:10, 12.

◯ Kasanayan sa gawaing-bahay Sinabi ni Brian na 17 anyos na ang pinakaayaw niya kapag bumukod na siya ay ang paglalaba. Paano mo malalaman na kaya mo nang alagaan ang sarili mo? Ganito ang mungkahi ni Aron, 20 anyos: “Kunwari, nakabukod ka sa loob ng isang linggo. Ikaw ang mamilí at maghanda ng iyong pagkain gamit ang pera mo. Ikaw rin ang maglaba at mamalantsa ng damit mo. Ikaw rin ang maglinis ng bahay. At subukan mong magpunta sa mga lugar na kailangan mong puntahan nang walang naghahatid o sumusundo sa iyo.” Makikinabang ka sa paggawa nito: (1) Matututo ka ng mahahalagang kasanayan, at (2) mas mapahahalagahan mo ang ginagawa ng mga magulang mo.

◯ Pakikitungo sa iba Nakakasundo mo ba ang mga magulang at kapatid mo? Kung hindi, baka isipin mong mas mabuti pang lumipat ka ng bahay kasama ng kaibigan mo. Maaaring gayon nga. Pero pansinin ang sinabi ni Eve, 18 anyos: “Bumukod ang dalawa kong kaibigan at nangupahan. Matalik silang magkaibigan, pero nang magkasama sila sa isang apartment, hindi sila nagkasundo. Ang isa ay masinop, ang isa ay makalat. Ang isa ay palaisip sa kaugnayan niya sa Diyos, ang isa ay hindi masyado. Hindi talaga sila puwedeng pagsamahin!”

Gustong magsarili ni Erin, 18 anyos. Pero sinabi niya: “Marami kang matututuhan kung paano makitungo sa iba habang kasama mo ang iyong pamilya. Matututo kang lumutas ng problema at magparaya. Napansin ko na ang mga bumubukod para umiwas sa di-pagkakasunduan sa mga magulang ay hindi natututong humarap sa problema kundi tumakas dito.”

◯ Regular na pag-aaral ng Bibliya at pagsamba Ang ilan ay humihiwalay sa pamilya dahil ayaw nila sa relihiyon ng magulang nila. Ang iba naman ay determinadong panatilihin ang regular na pag-aaral ng Bibliya at pagsamba kahit humiwalay sila sa pamilya, pero unti-unti nila itong napapabayaan. Paano mo ito maiiwasan?​—1 Timoteo 1:19.

Huwag mo lang basta tanggapin ang relihiyosong paniniwala ng magulang mo. Gusto ng Diyos na Jehova na kumbinsido tayong lahat sa mga bagay na pinaniniwalaan natin. (Roma 12:1, 2) Kaya magtakda ng mahusay na iskedyul para sa personal na pag-aaral ng Bibliya at pagsamba, at sundin ito. Puwede mo itong isulat sa kalendaryo at tingnan kung masusunod mo ito sa loob ng isang buwan nang hindi ka na sinasabihan ng magulang mo.

Bilang panghuli, ang ikatlong tanong na dapat mong pag-isipan ay . . .

Ano ba ang Gusto Ko sa Buhay?

Ang ilan ay bumubukod dahil tumatakas sa problema o gustong makawala sa poder ng kanilang magulang. Ang nasa isip nila ay ang iiwan nila, hindi ang patutunguhan nila. Pero hindi iyan makatuwiran. Gaya iyan ng pagmamaneho na sa likuran lang nakatingin. Kung nakatutok ang mata ng drayber sa kaniyang likuran, hindi niya makikita ang nasa unahan. Ang punto? Para magtagumpay, huwag mo lang isipin ang tungkol sa pag-alis mo sa bahay​—magpokus ka sa isang magandang tunguhin.

Ang ilang kabataang Saksi ni Jehova ay lumilipat sa malayong lugar o ibang bansa para doon mangaral. Ang iba ay nagboboluntaryo sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova o sa pagtatayo ng mga gusali para sa pagsamba. Gusto naman ng iba na matutong magsarili bago sila mag-asawa. *

Isulat dito ang tunguhin mo kung bakit gusto mong bumukod. ․․․․․

Sa ilang kaso, posibleng matagal ka nang kasama ng pamilya mo pero hindi ka pa rin handang bumukod. Gayunman, huwag maging padalus-dalos sa pagdedesisyon. Pag-isipan itong mabuti. “Ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan,” ang sabi ng isang kawikaan sa Bibliya, “ngunit ang bawat isa na padalus-dalos ay tiyak na patungo sa kakapusan.” (Kawikaan 21:5) Makinig sa payo ng iyong magulang. (Kawikaan 23:22) Ipanalangin ito. At habang nag-iisip-isip ka, isaalang-alang ang mga simulain sa Bibliya na tinalakay rito.

Ang tanong ay hindi, Handa na ba akong bumukod? kundi, Kaya ko na bang magsarili? Kung ang sagot mo sa pangalawang tanong ay oo, baka nga panahon na para tumayo ka sa sarili mong paa.

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Mga talababa]

^ par. 3 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.

^ par. 33 Sa ilang kultura, karaniwan nang hindi bumubukod sa pamilya ang mga anak, partikular na ang mga babae, hangga’t hindi pa nag-aasawa. Walang espesipikong payo ang Bibliya tungkol dito.

PAG-ISIPAN

● Kahit may problema ka sa pamilya, paano ka makikinabang kung hindi ka muna bubukod?

● Habang kasama ng pamilya, ano ang puwede mong gawin para sa kanila at para makapaghanda ka sa pagkakaroon ng sariling pamilya?

[Kahon/Mga larawan sa pahina 11]

ANG SINASABI NG IBANG KABATAAN

“Kapag binibigyan ka ng magulang mo ng responsibilidad​—gaya ng mararanasan mo kapag bumukod ka na​—magandang pagkakataon ito para maihanda mo ang iyong sarili na tumayo sa sarili mong paa balang-araw.”

“Normal lang na gusto mong maging mas malaya. Pero kung ang habol mo lang ay makawala sa mga pagbabawal, ipinakikita lang nito na hindi ka pa talaga handang bumukod.”

[Mga larawan]

Sarah

Aron

[Kahon sa pahina 13]

PAALAALA SA MGA MAGULANG

Si Serena, na sinipi sa artikulong ito, ay takót bumukod. Bakit? Sinabi niya: “Kahit gusto kong ako ang magbayad ng mga binibili ko, hindi ako pinapayagan ni Tatay. Pananagutan niya daw ito. Kaya iniisip ko pa lang na ako na ang magbabayad ng bills ko, natatakot na ako.” Mabuti naman ang intensiyon ng tatay ni Serena, pero naihahanda kaya niya ang kaniyang anak para sa pagpapamilya sa hinaharap?​—Kawikaan 31:10, 18, 27.

Ang mga anak mo kaya ay hindi pa handang bumukod dahil bine-baby mo sila? Paano mo malalaman? Pag-isipan ngayon bilang magulang ang apat na kasanayang binanggit sa artikulo.

Paghawak ng pera. Alam ba ng mga anak mo kung paano pupunan ang tax return o kung ano ang mga buwis na kailangan nilang bayaran? (Roma 13:7) Responsable ba ang mga anak mo pagdating sa pangungutang? (Kawikaan 22:7) Marunong na ba silang magbadyet ng kinita nila? (Lucas 14:28-30) Naranasan na ba nilang bumili ng isang bagay sa perang pinagpaguran nila? Naranasan na ba nila ang higit na kaligayahan sa pagbibigay ng kanilang panahon at tinataglay para tulungan ang iba?​—Gawa 20:35.

Kasanayan sa gawaing-bahay. Marunong na bang magluto ang mga anak mo? Naturuan mo na ba silang maglaba at mamalantsa? Kung nagmamaneho na sila, kaya na ba nilang mag-ayos ng sasakyan, gaya ng pagpapalit ng fuse, langis, o gulong?

Pakikitungo sa iba. Kapag nag-aaway ang mga nakatatanda mong anak, kailangan mo pa bang mamagitan para maayos ito? O naturuan mo na sila kung paano aayusin ang kanilang di-pagkakasunduan nang sila-sila lang at magsabi sa iyo kung paano nila ito nagawa?​—Mateo 5:23-25.

Regular na pag-aaral ng Bibliya at pagsamba. Idinidikta mo ba sa mga anak mo kung ano ang dapat nilang paniwalaan, o kinukumbinsi mo sila? (2 Timoteo 3:14, 15) Sa halip na laging sagutin ang kanilang mga tanong tungkol sa relihiyon at kung ano ang tama at mali, tinuturuan mo ba silang gamitin ang kanilang “kakayahang mag-isip” at ‘sanayin ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali’? (Kawikaan 1:4; Hebreo 5:14) Nagpapakita ka ba ng mabuting halimbawa sa kanila sa personal na pag-aaral ng Bibliya?

Tiyak na kailangan ng malaking panahon at pagsisikap para masanay ang mga anak sa nabanggit na mga punto. Pero sulit ang lahat ng ito pagdating ng araw na magpapaalam na sila.

[Larawan sa pahina 12]

Ang pagsasarili ay parang pagha-hiking​—may mga kailangan ka munang matutuhan bago mo gawin ito