Naipakikilala ang Pangalan ng Diyos!
Naipakikilala ang Pangalan ng Diyos!
● Maglakad ka sa napakagandang Isla ng Orleans, malapit sa Quebec City, Canada, at makikita mo kung gaano karelihiyoso ang mga unang nanirahan doon. Ang makasaysayang mga kapilya, isang alaala ng nakalipas, ay makikita pa rin sa gilid ng kalsada sa palibot ng isla at may simbahan ang bawat parokya.
Makikita sa bayan ng Saint-Pierre ang isang simbahan na mula pa noong 1717. Ang gusaling ito ay isa na ngayong art gallery at may kapansin-pansin rito. Sa itaas ng altar, makikita ang Tetragrammaton—ang apat na letrang Hebreo na bumubuo sa personal na pangalan ng Diyos ng Bibliya, Jehova.
Sa ngayon, bihira nang marinig ang pangalan ng Diyos sa mga simbahang Katoliko, lalo pa nga ang makita ito. Sa katunayan, naglabas ng dokumento ang Vatican noong 2008 na naglalaman ng utos ng papa na “huwag gamitin o banggitin” ang pangalan ng Diyos sa mga misa, awit, at panalanging Katoliko. Pero malinaw na sinasabi sa Bibliya na gusto ng Diyos na Jehova na “maipahayag ang [kaniyang] pangalan sa buong lupa.”—Exodo 9:16.
Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na higit pa kaysa sa pagdidispley lang ng pangalan ng Diyos sa loob ng isang gusali ang kailangan para mapalugdan siya. Taun-taon, sa buong daigdig, gumugugol sila ng mahigit 1.5 bilyong oras sa pagtuturo sa mga tao tungkol sa pangalan at layunin ng Diyos. Isinauli pa nga nila ang pangalan ng Diyos—Jehova—sa tamang dako. Ang Bibliya na inilathala nila—ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan—ay tumpak ayon sa mga manuskrito ng orihinal na wika kung saan lumitaw nang mga 7,000 ulit ang pangalang Jehova. Sa ngayon, mahigit 165,000,000 kopya na ng Bagong Sanlibutang Salin ang naimprenta sa 83 wika, sa kumpletong edisyon o bahagi nito. Kaya nga, pagdating sa pangalan ng Diyos na Jehova, ang tanong ay hindi, Ano ang basehan sa paggamit natin nito? kundi, Ano ang basehan natin sa hindi paggamit nito?
[Larawan sa pahina 21]
Ang Bagong Sanlibutang Salin, kung saan lumitaw nang mga 7,000 ulit ang pangalang Jehova, ay naimprenta na sa 83 wika sa kumpletong edisyon o bahagi nito