Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

“Kahanga-hanga na taun-taon, ang Bibliya ang pinakamabiling aklat sa Amerika​—kahit 90% ng mga pamilya ay mayroon nang di-kukulangin sa isang kopya. . . . Tinatayang 25 milyong kopya ang naipagbibili taun-taon.”​—THE WALL STREET JOURNAL, ESTADOS UNIDOS.

“Sa buong daigdig, nakaaapekto sa buhay ng mga 4.5 milyong tao ang tuklaw ng ahas taun-taon. Ayon sa katamtamang pagtantiya, di-kukulangin sa 100,000 tao ang namamatay sa tuklaw ng ahas, at 250,000 naman ang permanenteng nababaldado.”​—UNIVERSITY OF MELBOURNE, AUSTRALIA.

“Noong 2008, [mga] 210 bilyong email ang ipinadadala araw-araw.”​—NEW SCIENTIST, BRITANYA.

Nagpapapurol ng Memorya ang Ingay sa Haywey

“Malamang na mahirapang makatanda ng impormasyon at matuto ng mga bagong bagay ang mga taong ang kuwarto ay malapit sa haywey, riles, o paliparan, kahit pa nakakatulog sila sa ingay.” Iyan ang sabi ni Ysbrand van der Werf ng Netherlands Institute para sa Neuroscience. Kapag kulang sa tulog ang isa, naaapektuhan ang kaniyang memorya at kakayahang matuto. Totoo rin iyan kapag “medyo nagagambala ang mahimbing na tulog ng isa kahit tuluy-tuloy pa ito,” ang sabi ng pahayagang de Volkskrant ng Netherlands. Para gumanang mabuti, kailangan ng hippocampus, isang bahagi ng utak na napakahalaga sa memorya, ng mahimbing na tulog na hindi nagagambala ng anuman “gaya ng ingay at liwanag.”

Mga Paputok at Paghinga

Maaaring kahanga-hanga ang mga paputok, pero ang inilalabas nitong mga particle sa atmospera ay puwedeng makasama sa kalusugan. Para gawing makulay ang maraming paputok, nilalagyan ito ng mga metal salt, gaya ng strontium para maging pula at barium para maging berde. Sinuri ng mga mananaliksik sa Austria ang ilang sampol ng niyebe bago at pagkatapos ng putukan ng Bagong Taon. Nakita nila na tumaas nang mga 500 ulit ang barium nito. Kapag nalason ng barium ang isa, makaaapekto ito sa daanan ng hininga niya. Kaya sinabi ng mga mananaliksik na ang usok ng mga paputok ay maaaring magpalala ng problema sa paghinga, gaya ng hika.

Patay ang mga Paniki sa Wind Turbine

Sa Alberta, Canada, nakita ang patay na mga paniki sa ibaba ng mga wind turbine, ang ulat ng magasing Scientific American. Ipinagtaka ito ng mga imbestigador dahil kahanga-hanga ang husay sa paglipad at kakayahang sonar ng mga paniki. Pero natuklasan ng mga mananaliksik na 92 porsiyento ng mga biktimang nasuri ay nagkaroon ng pagdurugo sa loob ng katawan. Lumalabas na hindi nakayanan ng maselang sistema ng palahingahan ng mga paniki ang biglang pagbaba ng presyon ng hangin dahil sa ikot ng mga elise ng wind turbine. Ang ikot ng elise sa bandang dulo nito ay may bilis na 200 kilometro kada oras. Ang pangunahing biktima ay ang nandarayuhang mga paniki na kumakain ng insekto. Dahil dito, nangangamba ang mga tao na baka masira nito ang pagiging balanse ng kalikasan.