Panganib sa Matataas na Lugar—Kung Paano Gagamutin ang Acute Mountain Sickness
Panganib sa Matataas na Lugar—Kung Paano Gagamutin ang Acute Mountain Sickness
“Sa Peru, may napakataas na kabundukan na tinatawag na Pariacaca . . . Nang umakyat ako sa Staircases, gaya ng tawag nila sa pinakamataas na bahagi nito, biglang naging kakaiba ang pakiramdam ko na para bang gusto ko nang magpatihulog. . . . Sinundan ito ng pagduduwal at pagsusuka. Akala ko [katapusan] ko na. Kung hindi tumigil iyon, siguro patay na ako, pero tumagal lang iyon nang tatlo o apat na oras hanggang sa makarating na kami sa mas mababang lugar.”—José de Acosta, mula sa aklat na Natural and Moral History of the Indies.
GANIYAN ang naranasan ng Kastilang Jesuita na si José de Acosta habang inaakyat ang Pariacaca sa Andes ng Peru noong magtatapos na ang ika-16 na siglo. Inaakala noon na ang gayong mga sintomas ay dahil sa nakalalasong gas mula sa mga mineral ng bundok o mula sa hininga ng pilyong mga diyos. Pero ngayon, alam natin na ang naranasan ni Acosta ay ang pangunahing mga sintomas ng soroche—acute mountain sickness (AMS).
Ang AMS ay nangyayari sa matataas na lugar kapag nagkukulang ng oksiheno ang katawan. Bumababa ang presyon ng hangin doon at kaunting oksiheno na lang ang nalalanghap ng baga. *
Ang mga sintomas ng AMS ay kadalasan nang nararamdaman mga apat na oras matapos makarating sa mataas na lugar ang isang tao, at maaari itong tumagal nang isa hanggang apat na araw.
Sa panahong ito, ang pagbaba ng oksiheno sa dugo ay magpapabilis sa produksiyon ng pulang selula ng dugo. Di-magtatagal, tutulong ito sa sistema ng sirkulasyon ng dugo para makapagsuplay ng mas maraming oksiheno.Pero kung napakabilis umakyat ng isa o pupuwersahin niya ang kaniyang sarili bago pa makapag-adjust ang katawan niya, maaaring maipon ang tubig sa kaniyang baga at utak. Kung hindi maaagapan, maaari niya itong ikamatay.
Kung Paano Maiiwasan ang AMS
Marami nang paraang sinubukan ang mga naglalakbay at umaakyat ng bundok para maiwasan o magamot ang AMS. Ang ilan sa mga ito ay ang sumusunod:
● Iwasang pumunta sa matataas na lugar kung may sakit sa baga o anemia.
● Ang mga gamot gaya ng pampaihi, pantanggal ng pamamaga, o iba pa ay kadalasan nang inirerekomenda para gamutin o maiwasan ang mga sintomas ng AMS. Kumonsulta sa doktor.
● Ang pinakamabuting lunas sa AMS ay bumalik sa mas mababang lugar. Kung posible, panatilihing mainit ang katawan habang bumababa, at pagkatapos ay magpahinga.
Ang ilan sa mga pinakamakapigil-hiningang tanawin ay makikita sa kabundukan sa daigdig. (Awit 148:9, 13) Kung mag-iingat ka sa paglalakbay, mananatili kang malusog at masisiyahan ka sa kagandahan ng mga lalang ng Diyos.
[Talababa]
^ par. 4 Ang karamihan ay nakararating hanggang sa mga lugar na mga 1,800 metro ang taas sa level ng dagat nang walang nagiging problema.
[Blurb sa pahina 20]
Ang mga sintomas ng AMS ay kadalasan nang nararamdaman mga apat na oras matapos makarating sa mataas na lugar ang isang tao, at maaari itong tumagal nang isa hanggang apat na araw
[Blurb sa pahina 20]
Ang pinakamabuting lunas sa AMS ay bumalik sa mas mababang lugar