Ano ang Alam Mo sa mga Saksi ni Jehova?
Ano ang Alam Mo sa mga Saksi ni Jehova?
“Marami akong nababasa sa Internet at naririnig laban sa mga Saksi ni Jehova,” ang isinulat ng isang trainee na reporter sa Denmark. “Kaya hindi maganda ang naging tingin ko sa kanila”
ININTERBYU ng reporter na ito ang isang pamilyang Saksi. Ang resulta? “Pagpasok ko pa lang sa bahay nila, nagbago na agad ang tingin ko sa kanila!” ang isinulat niya. “Baka hindi lang talaga sila kilala ng mga tao, o mabilis lang tayong humatol. Aminado ako diyan. At nakita ko na mali ang pagkakilala ko sa kanila.”—Cecilie Feyling, ng Jydske Vestkysten.
Nakatrabaho ng isang consultant sa isang kompanya sa Europa ang mga Saksi ni Jehova. Nakita niya na ang mga Saksi ni Jehova ay tapat na mga empleado. Kaya naman, mas gusto niyang kuhanin ang mga Saksi sa trabaho.
Siyempre pa, pangunahin nang kilala ang mga Saksi ni Jehova sa pagbabahay-bahay. Alam nilang may mga taong ayaw pag-usapan ang Bibliya, samantalang ang iba naman ay gustung-gustong pag-usapan ito. Sa katunayan, mahigit pitong milyon sa halos lahat ng bansa ang regular na nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Ang ilan sa kanila ay nagtuturo na rin ng Bibliya. Halimbawa, sa Estados Unidos, iniulat ng isang relihiyosong organisasyon na sa 25 pinakamalalaking relihiyon, apat lang ang relihiyong dumami ang miyembro at isa rito ang mga Saksi ni Jehova.
Bakit milyun-milyong tao ang nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi? Paano ito isinasagawa? Inaasahan bang magiging Saksi rin ang kanilang mga estudyante? Hindi ka man interesado na maging Saksi, magandang malaman mo ang sagot sa mga tanong na ito. Kaya huwag basta makinig sa mga sabi-sabi, alamin mo ang totoo. Ganito ang sinabi ng Bibliya sa Kawikaan 14:15: “Pinaniniwalaan ng mangmang ang lahat niyang mapakinggan, ngunit sinisiyasat ng may unawa ang kanyang pupuntahan.”—Magandang Balita Biblia.
Sana ay matulungan ka ng isyung ito ng Gumising! na lubusang makilala ang mga Saksi ni Jehova at maunawaan ang kanilang paniniwala. Ang pagbabasa mo pa lang ng magasing ito ay nagpapakita nang bukás ang iyong isip. Kaya subukan mong gawin ito: Habang binabasa mo ang susunod na apat na artikulo kasama ang mga kahon, tingnan mo rin ang mga teksto sa iyong kopya ng Bibliya. * Sa gayon, maipakikita mo na marunong ka at, gaya ng sinasabi ng Bibliya, ‘marangal ang pag-iisip.’—Gawa 17:11.
[Talababa]
^ par. 7 Kung wala kang Bibliya pero makakapag-Internet ka, puwede mong basahin ang mga nabanggit na teksto sa www.watchtower.org. Makikita mo roon ang kahon na “Read the Bible Online.” Makikita rin sa Web site na iyon ang mga literatura sa Bibliya sa mahigit 380 wika. O maaari kang humiling ng isang kopya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova o sumulat sa isa sa mga adres sa pahina 5 ng magasing ito.