Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gustung-gusto Ko Nang Masabi sa Kanila, “Sama-sama Na Po Uli Tayong Lahat!”

Gustung-gusto Ko Nang Masabi sa Kanila, “Sama-sama Na Po Uli Tayong Lahat!”

Gustung-gusto Ko Nang Masabi sa Kanila, “Sama-sama Na Po Uli Tayong Lahat!”

Ayon sa salaysay ni Abigail Austin

Siyam na taóng gulang ako noon. Isang maaliwalas na araw ng Abril 1995, mamamasyal kami sa isang probinsiya sa Inglatera kasama ng iba pa sa aming kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Si Ate Sarah, ang kaibigan ng pamilya namin na si Ate Deborah, at ako ay kasama nina Itay at Inay sa isang kotse. Walang anu-ano, isang humaharurot na kotse ang bumangga sa amin. Ako lang ang nakaligtas.

DALAWANG linggo akong walang malay sa ospital. Nabasag ang bungo ko. Para maisalba, nilagyan ito ng metal ng mga doktor. Naka-recover naman ako agad. Nang sabihin sa akin ng mga kamag-anak ko ang nangyari, hindi ako naniwala. Iniisip ko pa rin na dinadalaw ako ng mga magulang ko at ni Ate habang wala akong malay. Miss na miss ko na sila. Pag-uwi sa bahay, saka lang ako nagising sa katotohanang wala na sila. Parang gumuho ang mundo ko.

Ano ang nakatulong sa akin na makayanan ang masaklap na trahedyang ito?

Ang Aking Espirituwal na Mana

Bunso ako sa limang magkakapatid. Nang mangyari ang aksidente, si Ate Sarah ay 22 anyos; si Kuya Shane, 20; si Ate Jessica, 17; at si Kuya Luke, 15. Napakamapagmahal ng mga magulang namin. Ang tatay ko, si Steve, ay isang elder sa Kongregasyon ng West Yorkshire sa Shipley. Mahal na mahal siya ng kongregasyon dahil lagi siyang may panahon para makinig at tumulong. Mahal din nila ang nanay kong si Carol dahil maasikaso siya sa mga nakatatanda sa kongregasyon. Nag-iiskedyul din siya ng mga salu-salo para sa aming mga kabataan at tinutulungan niya kaming makahanap ng mabubuting kaibigan. Bukas ang aming tahanan para sa lahat. Tinuruan kami ng mga magulang namin na maging mabait at makonsiderasyon sa iba.

Tuwing Miyerkules ng gabi, nag-aaral kami ng Bibliya bilang isang pamilya. Kung minsan, isinasadula namin ang mga eksena sa Bibliya at nagkokostiyum pa kami. Mula pagkabata, tinuruan na kami ng mga magulang namin na maghanda para sa mga pulong sa kongregasyon at kung paano sasabihin sa bahay-bahay ang mensahe ng Bibliya. Kahit marami kaming magkakapatid, may panahon pa rin sila sa amin at tinulungan kaming maging matatag sa espirituwal.

Nang tumigil sa pag-aaral si Ate Sarah, Kuya Shane, at Ate Jessica, naging payunir sila, o buong-panahong mga ministrong Kristiyano, pati na rin ang kaibigan naming si Ate Deborah. Malapít ako kay Ate Sarah. Para siyang pangalawang nanay ko. Kapag bakasyon, magkasama kaming tumutulong sa iba na matuto tungkol sa Bibliya. Gustung-gusto ko ang mga araw na iyon. Kitang-kita ko na napakasaya ng mga payunir, at tuwang-tuwa akong sumama sa kanila. Gusto ko ring magpayunir kasama ni Ate Sarah kapag tumigil na ako sa pag-aaral.

Tuwing bakasyon, ang pamilya namin at mga kakongregasyon ay madalas na magkakasama. Ang mga kabataan at may-edad na ay naging magkakaibigan at napamahal sa isa’t isa. Hindi ko sukat akalain na magiging malaking tulong sila sa akin balang-araw!

Pagkatapos ng Aksidente

Nang lumabas ako ng ospital, umuwi ako sa bahay namin. Habang nagpapayunir sina Kuya Shane at Ate Jessica, inaasikaso nila kami. Nagtrabaho rin sila nang part-time para mapaglaanan kaming magkakapatid.

Napakalaki rin ng naitulong ng mga kakongregasyon namin. Dinadalhan nila kami ng pagkain, ipinaglilinis, ipinamimili, at ipinaglalaba, hanggang sa kaya na naming gawin ito. Laking pasasalamat namin sa kanila. Nakatanggap din kami ng napakaraming regalo at card mula sa mga Saksi sa iba’t ibang lugar. Damang-dama namin ang pag-ibig sa loob ng organisasyon ni Jehova.

Pagkalipas ng mga isang taon, nakita ng mga kapatid ko na kailangan ko ng isang kumpletong pamilya. Nag-alok ng tulong ang ilang mabait na pamilya sa kongregasyon namin kaya pinag-usapan ito ng mga kapatid ko. Inisip nila kung ano ang makabubuti sa akin at sa aking espirituwalidad, gaya ng gagawin nina Itay at Inay kung buhay pa sila. Isang pamilya ang napili nila. Si Billy, isang elder, at ang asawa niyang si Dawn ay matalik na kaibigan ng pamilya namin. Mayroon silang limang-taóng-gulang na anak, si Lois. Tinanggap nila ako sa kanilang tahanan at mula noon ay minahal at inalagaan nila akong tulad ng sarili nilang anak. Kailanman hindi nagselos si Lois sa akin at para na kaming tunay na magkapatid.

Kung Paano Ko Nakayanan ang Trahedya

Noon, nagtataka ako kung bakit ito nangyari sa amin gayong mahal na mahal naman ng mga magulang ko, pati na nina Ate Sarah at Ate Deborah si Jehova at ang mga tao. Pero naalala ko ang ulat ng Bibliya tungkol kay Job. Nanatili siyang tapat sa Diyos kahit namatay ang mga anak niya. (Job 1:19, 22) Naisip ko, ‘Si Satanas ang dahilan ng pagdurusa at kamatayan, at ikatutuwa niya kung hihinto kami sa paglilingkod sa Diyos dahil sa trahedyang ito.’ (Genesis 3:1-6; Apocalipsis 12:9) Naalala ko rin na si Jehova ay maibiging naglaan sa atin ng pag-asa ng pagkabuhay-muli. (Juan 5:28, 29) Makikita naming muli ang aming pamilya at si Ate Deborah kapag paraiso na ang lupa! Kaya sa halip na manghina, lalo pang tumindi ang pag-ibig ko kay Jehova.

Kapag may nakikilala akong mga taong nakaranas din ng trahedya, nalulungkot ako kapag hindi pa nila alam ang napakahalagang pangako ng Bibliya na pagkabuhay-muli. Gusto kong sabihin sa kanila ang ating pag-asa dahil malaki ang naitulong nito sa amin. Alam kong nalampasan namin ang masaklap na trahedyang ito sa aming buhay sa tulong ni Jehova at ng kaniyang organisasyon.

Marahil makatutulong din ang karanasan namin sa isa pang paraan. Maaaring maitanong ng ilang magulang, ‘Naihanda na ba namin ang aming mga anak na maging matatag sa espirituwal para kung may mangyari man sa amin, hindi nila iiwan si Jehova?’

Naging inspirasyon ko sa buhay sina Inay at Itay. Alam kong gusto nilang gawin ko ang makakaya ko sa pagtulong sa iba, gaya ng ginawa nila. Mula nang tumigil ako sa pag-aaral, nagpayunir na ako at kasama ko na ngayon si Lois sa pagpapayunir. May mga asawa na ngayon ang mga kapatid ko at maligayang naglilingkod kay Jehova sa kani-kanilang kongregasyon.

Sabik na sabik na ako sa pagdating ng bagong sanlibutan ng Diyos at sa pagkabuhay-muli! Mawawala na sa wakas ang pagdurusa at kamatayan. (Apocalipsis 21:3, 4) Alam kong magkakasama-sama kaming muli. Ito ang nakakatulong sa akin na magpatuloy sa buhay. Gustung- gusto ko nang makita sina Itay, Inay, Ate Sarah, at Ate Deborah. Yayakapin ko sila at sasabihin, “Sama-sama na po uli tayong lahat!”

[Larawan sa pahina 23]

Si Abigail (pangalawa sa kaliwa) kasama ng pamilyang umampon sa kaniya