Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hepatitis B—Tahimik Pero Nakamamatay

Hepatitis B—Tahimik Pero Nakamamatay

Hepatitis B​—Tahimik Pero Nakamamatay

“Ako ay 27 anyos noon at kakakasal pa lang. Sa palagay ko, malusog naman ako bagaman stress ako sa trabaho at maraming pananagutan sa isang kongregasyon ng mga Saksi. Wala akong kamalay-malay na sinisira na pala ng hepatitis B ang atay ko.”​—Dukk Yun.

SINASALA ng atay ang lason sa dugo. Bukod diyan, mayroon pa itong di-kukulangin sa 500 gawain. Kaya naman ang hepatitis​—pamamaga ng atay​—ay nakapagpapabagsak ng kalusugan. Maaari itong makuha sa sobrang pag-inom ng alak o pagkahantad sa lason. Pero kadalasan nang virus ang sanhi nito. Limang uri na ng gayong virus ang natukoy ng mga siyentipiko at naniniwala silang may tatlo o higit pang ibang uri.​—Tingnan ang  kahon sa ibaba.

Ang hepatitis B virus (HBV)​—isa lamang sa limang virus​—ay kumikitil ng di-kukulangin sa 600,000 buhay taun-taon, kasindami ng sa malaria. Mahigit dalawang bilyon​—halos sangkatlo ng populasyon ng daigdig​—ang nagkaroon na ng HBV at karamihan sa kanila ay gumaling paglipas ng ilang buwan. Pero sa mga 350 milyong biktima nito, ang sakit na ito ay naging chronic. Habambuhay nang nasa katawan nila ang virus, may sintomas man o wala, at puwede nilang mahawahan ang iba. *

Ang maagap na pagpapagamot ay maaaring makatulong sa ilan na may chronic HBV para maiwasan ang malubhang sakit sa atay. Pero hindi alam ng marami na may ganito pala silang sakit dahil puwede lang makita ang HBV sa pamamagitan ng isang uri ng pagsusuri sa dugo. At puwede ring hindi ito makita sa ordinaryong pagsusuri sa atay. Oo, ang HBV ay tahimik pero nakamamatay, hindi man lang nagbibigay ng babala. Matapos mahawahan ang isa, maaaring mga ilang dekada pa ang lumipas bago niya maramdaman ang anumang sintomas. Sa panahong iyon, baka mayroon na siyang cirrhosis o kanser sa atay. Ang mga sakit na ito ang pumapatay sa 1 sa 4 na may HBV.

“Paano Ako Nagkaroon ng HBV?”

“Naramdaman ko ang unang sintomas noong ako ay 30 anyos,” ang sabi ni Dukk Yun. “Nagtae ako, kaya nagpatingin ako sa isang doktor. Pero sintomas lang ang ginamot niya. Pagkatapos, nagpatingin ako sa isang Asianong doktor na gumagamit ng tradisyonal na panggagamot. Binigyan niya ako ng gamot para sa bituka at sikmura. Wala sa mga doktor na iyon ang naghinala na may hepatitis ako. Dahil hindi tumigil ang pagtatae ko, bumalik ako sa unang doktor. * Marahan niyang tinapik ang kanang bahagi ng tiyan ko, at nasaktan ako. Nagsuspetsa siya na may virus ako ng hepatitis B at gayon nga ang resulta ng isang pagsusuri sa dugo. Nagulat ako! Hindi ako kailanman nagpasalin ng dugo at hindi naman ako nakikipagtalik maliban sa asawa ko.”

Pagkatapos malaman ni Dukk Yun na may HBV siya, nagpasuri din sa dugo ang kaniyang asawa, magulang, at mga kapatid. Lahat sila ay nagkaroon ng virus pero nalabanan ito ng kanilang katawan. Nakuha kaya ni Dukk Yun ang virus sa isa sa kanila? Iisa lang kaya ang pinagmulan ng kanilang virus? Walang nakatitiyak. Sa katunayan, sa 35 porsiyento ng mga kaso nito, hindi matukoy kung saan nagmula ang virus. Pero hindi ito namamana at hindi rin makukuha sa basta pakikihalubilo o pagsalo sa pagkain ng iba. Sa halip, kumakalat ang HBV kapag ang dugo, laway, o likido mula sa ari ng isang taong may virus ay nakapasok sa daluyan ng dugo sa pamamagitan ng sugat o mucous membrane.

Patuloy itong kumakalat dahil sa pagsasalin ng nahawahang dugo, lalo na sa mga bansa kung saan wala o limitado ang mga pagsusuri para sa HBV. Ang HBV ay 100 ulit na mas nakahahawa kaysa sa HIV, ang virus na sanhi ng AIDS. Kahit katiting na dugo lang, gaya ng nasa pang-ahit, ay maaari nang makapagpasa ng HBV. At ang mantsa ng dugo ay nakahahawa pa rin kahit isang linggo na ito o higit pa. *

Kailangan ng Pang-unawa

“Nang malaman ng kompanya namin na may HBV ako, inilipat nila ako sa isang maliit na opisina, malayo sa aking mga katrabaho,” ang sabi ni Dukk Yun. Pangkaraniwan na ang gayong pagtrato, marahil dahil sa hindi nila alam kung paano kumakalat ang virus. Maaari pa ring ipagkamali kahit ng mga taong marami nang alam sa sakit na ito ang hepatitis B sa hepatitis A, na napakadaling maipasa sa iba pero hindi gaanong nakamamatay. At dahil ang HBV ay naipapasa sa pagtatalik, kahit ang mga taong may mataas na moralidad ay pinagdududahan.

Ang kawalang-alam at mga suspetsa ay maaaring lumikha ng malulubhang problema. Halimbawa, sa maraming lugar, nilalayuan ang mga may HBV, bata man o matanda. Pinagbabawalan ng mga kapitbahay na makipaglaro ang kanilang mga anak sa mga may HBV, at hindi sila tinatanggap sa mga paaralan at trabaho. Dahil sa ganitong diskriminasyon, iniiwasan ng mga tao na magpasuri kung may HBV sila o itinatago nila na may ganito silang sakit. Sa halip na sabihing may sakit sila, isinasapanganib ng ilan ang kanilang kalusugan pati na ang sa pamilya nila. Kaya patuloy na naipapasa ang sakit na ito sa maraming henerasyon.

Kailangan ng Pahinga

“Kahit sinabi ng doktor na magpahinga ako nang matagal, pagkalipas pa lang ng dalawang buwan, nagtrabaho na ako,” ang sabi ni Dukk Yun. “Lumabas sa mga pagsusuri sa dugo at CT scan na wala akong cirrhosis, kaya akala ko okey lang ako.” Pagkaraan ng tatlong taon, inilipat si Dukk Yun ng kaniyang kompanya sa isang malaking lunsod na mas nakaka-stress ang buhay. Para mabayaran ang mga bill at masuportahan ang pamilya, patuloy pa rin siyang nagtrabaho.

Sa loob ng ilang buwan, dumami ang virus sa dugo ni Dukk Yun at nakaramdam siya ng pagkahapo. “Kinailangan kong tumigil sa trabaho,” ang sabi niya, “at pinagsisisihan kong nagpakasubsob ako sa trabaho. Kung naghinay-hinay lang sana ako, hindi lumala ang sakit ko na lalong sumira sa atay ko.” Natuto si Dukk Yun ng aral. Simula noon, hindi na niya sinagad ang kaniyang sarili sa trabaho. Nagtipid din sila. Nakipagtulungan ang buong pamilya niya. Kumuha pa nga ng part-time na trabaho ang misis niya para makaraos sila.

Buhay ng May Hepatitis B

Bumuti ang kalusugan ni Dukk Yun, pero unti-unting tinatanggihan ng atay niya ang dugong dumadaan dito, kaya tumataas ang presyon ng dugo niya. Pagkalipas ng 11 taon, pumutok ang ugat sa kaniyang esopago at sumuka siya ng dugo. Kaya naospital siya nang isang linggo. Pagkalipas ng apat na taon, naranasan niyang mawala sa sarili. Naipon kasi ang amonya sa utak niya dahil hindi na ito nasasala ng atay niya. Pero nagamot naman ito sa loob ng ilang araw.

Si Dukk Yun ay 54 anyos na. Kaunti na lang ang magagawa kapag lumala ang kalagayan niya. Hindi lubusang matatanggal ng mga gamot ang virus sa katawan niya. Maaari pa itong magdulot ng malulubhang side effect. Liver transplant na lang ang lunas. Pero mas mahaba ang listahan ng nangangailangan nito kaysa sa donor. “Puwede akong mamatay anumang oras,” ang sabi ni Dukk Yun. “Hindi naman makakatulong kung magmumukmok na lang ako. Buhay pa ako, may natutulugan, at may pamilyang nagmamahal. Sa totoo lang, nakabuti pa nga sa amin ang kalagayan ko. Mas marami na akong panahon sa pamilya at sa pag-aaral ng Bibliya. Hindi na ako takot mamatay at nasasabik ako sa buhay sa hinaharap kung saan wala nang sakit.” *

Mabuti na lang at hindi nawawalan ng pag-asa si Dukk Yun. Maligaya ang kaniyang pamilya. Siya, ang asawa niya, at ang tatlo nilang anak ay buong-panahong mga ministrong Kristiyano.

[Mga talababa]

^ par. 4 Ang sakit na ito ay masasabing chronic kapag hindi nalabanan ng katawan ang virus sa loob ng anim na buwan.

^ par. 7 Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang partikular na paraan ng paggagamot.

^ par. 9 Ang dugo mula sa isang taong may HBV ay dapat agad na linising mabuti gamit ang guwantes at bagong-tinimplang bleach at tubig na ang proporsiyon ay 1 sa 10.

^ par. 18 May kinalaman sa pangako ng Bibliya na mawawala na ang sakit, tingnan ang Apocalipsis 21:3, 4 at ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?

[Blurb sa pahina 13]

Ang maagap na pagpapagamot ay maaaring makatulong para hindi lumala ang sakit

[Blurb sa pahina 14]

Dahil sa diskriminasyon, iniiwasan ng mga tao na magpasuri kung may HBV sila o itinatago nila na may ganito silang sakit

[Kahon sa pahina 12, 13]

 MGA URI NG HEPATITIS

Limang virus ang sinasabing sanhi ng hepatitis. Ang tatlong pinakakaraniwan ay ang tinatawag na A, B, at C. Posible ring may iba pang uri ng virus. Sa lahat ng uri ng hepatitis, ang biktima ay parang may trangkaso at maaaring kasama rin sa mga sintomas ang jaundice. Sa maraming tao, lalo na sa mga bata, walang makikitang sintomas. Sa hepatitis B at hepatitis C, maaaring malala na ang kondisyon ng atay bago maramdaman ang mga sintomas.

HEPATITIS A VIRUS (HAV)

Makikita ang HAV sa dumi ng isang tao. Hindi namamatay ang virus na ito sa tubig-alat, tubig-tabang, at yelo. Maaaring magkaroon ang isa ng HAV sa pamamagitan ng

Pagkain ng mga di-lutong pagkaing-dagat na nakuha sa tubig na kontaminado ng dumi ng tao o pag-inom ng tubig na kontaminado

Pagdikit sa taong may virus o pagsalo sa kaniyang pagkain, inumin, o kubyertos.

Hindi paghuhugas ng kamay pagkatapos gumamit ng palikuran, magpalit ng lampin o diaper ng sanggol na may virus, o bago maghanda ng pagkain

Ang HAV ay maaaring maging sanhi ng acute pero kadalasan nang hindi chronic na sakit. Sa halos lahat ng kaso, natatanggal ng katawan ang virus sa loob ng ilang linggo o buwan. Walang espesipikong lunas dito maliban sa pahinga at tamang pagkain. Ang alak at mga gamot, gaya ng acetaminophen, na nagpapahirap sa atay ay dapat iwasan hangga’t hindi natitiyak ng doktor na lubusan nang magaling ang atay. Ang taong nagkaroon na ng HAV ay posibleng hindi na ulit magkaroon nito. Pero maaari siyang magkaroon ng iba pang uri ng hepatitis. Maaaring maiwasan ang hepatitis A sa pamamagitan ng bakuna.

HEPATITIS B VIRUS (HBV)

Ang HBV ay makikita sa dugo at likidong mula sa ari ng mga taong may virus. Kumakalat ang HBV kapag pumasok ang mga likidong ito sa katawan at hindi nalabanan ng katawan ang virus. Naipapasa ang virus

Sa panganganak (ng isang inang may virus sa kaniyang sanggol)

Kapag hindi naisterilisang mabuti ang mga instrumentong ginagamit ng mga doktor o dentista, pati ang mga instrumento sa pagpapatato o pagpapabutas sa katawan

Kapag nakigamit ng pang-ahit, nipper, tsani, sipilyo, karayom na pang-iniksiyon, o iba pang bagay na maaaring makapagpasa ng kahit kaunting dugo sa pamamagitan ng sugat

Sa pakikipagtalik sa taong may virus

Naniniwala ang mga awtoridad sa kalusugan na hindi naipapasa ang HBV sa pamamagitan ng kagat ng insekto, pag-ubo, pakikipaghawak-kamay, pagyakap, paghalik sa pisngi, pagpapasuso, o pagsalo sa pagkain, inumin, chopstick, o iba pang kubyertos. Karamihan sa mga adulto ay gumagaling mula sa acute HBV at hindi na muling tatablan nito. Mas nanganganib ang mga bata na magkaroon ng chronic na impeksiyon. Kung pababayaan ang chronic hepatitis B, maaaring hindi na gumana ang atay ng isa at ikamatay niya ito. Makatutulong ang bakuna para maiwasan ang hepatitis B.

HEPATITIS C VIRUS (HCV)

Naipapasa ang HCV sa paraang halos katulad din ng sa HBV. Kadalasan nang naipapasa ito sa pamamagitan ng paggamit ng kontaminadong karayom sa pag-iiniksiyon ng gamot. Walang bakuna para sa hepatitis C. *

[Talababa]

^ par. 46 Ang World Health Organization ay nagbibigay ng karagdagang impormasyon tungkol sa hepatitis sa ilang wika sa Web site na www.who.int.

[Kahon sa pahina 14]

PAGPIGIL SA PAGKALAT NG HBV

Apektado ng HBV ang mga tao sa buong daigdig. Pero ang mga 78 porsiyento ng may chronic na hepatitis B ay nasa Asia at sa mga isla sa Pasipiko. Sa kalakhang bahagi ng rehiyong ito, 1 sa 10 tao ang may HBV. Nahawahan ang karamihan sa mga ito sa panahong ipinanganganak sila ng kanilang ina, o noong bata pa sila sa pamamagitan ng dugo ng ibang bata. Nakatutulong ang bakuna sa bagong-silang na mga sanggol at iba pa na nanganganib magkaroon ng ganitong sakit para hindi na ito kumalat. * Sa lugar na may bakuna, napigilan ang pagkalat ng sakit na ito.

[Talababa]

^ par. 51 Maaaring gawa mula sa maliliit na sangkap ng dugo ang bakuna para sa hepatitis. Hinggil sa dugo, maaaring tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa isyu ng Hunyo 15, 2000 at Oktubre 1, 1994 ng Ang Bantayan. May impormasyon din tungkol dito sa pahina 215 ng aklat na Manatili sa Pag-ibig ng Diyos, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 15]

Si Dukk Yun, ang asawa niya, at ang tatlo nilang anak

[Picture Credit Line sa pahina 12]

© Sebastian Kaulitzki/Alamy