Kung Ano ang Sinasabi ng Iba
Kung Ano ang Sinasabi ng Iba
Pransiya “Ang mga Saksi ni Jehova ay masunurin sa batas ng Republika. . . . Hindi sila banta sa katahimikan ng lipunan. Nagtatrabaho sila, nagbabayad ng buwis, tumutulong sa pag-unlad ng ating bansa at nagkakawanggawa. Napakagandang tingnan ng mapayapang pagtitipon ng mga taong ito na iba’t iba ang lahi at bansa. . . . Kung ang lahat ng tao ay Saksi ni Jehova, kaming mga pulis ay mawawalan na ng trabaho.”—Tagapagsalita ng isang unyon ng mga pulis sa Pransiya.
Ukraine “Ikinikintal ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga anak ang mga simulain sa kagandahang-asal. Itinuturo nila sa kanila na iwasan ang mga paggawi, pagkilos, pati na ang mga saloobin na itinuturing na normal sa ngayon pero maaaring makasama sa kanilang anak at sa ibang tao. Kaya binababalaan nila sila laban sa panganib ng droga, sigarilyo, at alak. Pinahahalagahan nila ang katapatan at kasipagan. . . . Itinuturo ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga anak ang mataas na moralidad, pagsunod sa batas, at paggalang sa awtoridad, sa ibang tao at sa pag-aari ng iba.”—The History of Religion in Ukraine, inedit ng propesor na si Petro Yarotskyi.
Italya “Tatlumpung libo katao ang tahimik na nakikinig sa Olympic Stadium . . . Walang kalat, walang ingay, walang sigawan. Ganiyan ang eksena sa Olympic Stadium kahapon . . . Walang nambabastos, walang sigarilyo, at wala ni isa mang kalat. Ang makikita lang ay mga bukas na Bibliya, mga taong nagsusulat, at mga batang tahimik na nakaupo.”—L’Unità, nag-uulat tungkol sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Roma.
Britanya Maliwanag na tinutukoy ang pagdalaw ng mga Saksi ni Jehova sa mga tao sa bahay-bahay, sinabi ng punong diakono ng Cheltenham na kailangan [ng Church of England] ng “mga grupo ng taong masisigasig . . . gaya ng mga Saksi ni Jehova.”—The Gazette, Gloucester Diocese.
Netherlands Sumulat ang mga taong nakatira malapit sa isang Kingdom Hall (ang tawag ng mga Saksi sa lugar ng kanilang pagsamba) sa lunsod ng Leeuwarden sa mga Saksing tagaroon. Ganito ang sabi sa sulat: “Gusto namin kayong pasalamatan sa inyong magandang impluwensiya sa Noorderweg [Noorder Road]. Laging maayos ang suot at paggawi ng inyong mga miyembro. Disiplinado ang mga bata, ang mga adulto ay hindi nagpaparada ng kanilang sasakyan sa mga lugar na bawal, hindi sila nagkakalat sa daan, at laging malinis at maganda ang palibot ng Kingdom Hall. Masaya kaming kasama kayo, kaya sana huwag kayong umalis dito.”
Mexico Ayon kay Elio Masferrer, isang propesor at mananaliksik sa National School of Anthropology and History, nakakatulong ang mga Saksi sa mga taong may “matinding problema sa pamilya gaya ng panggagahasa, pang-aabuso, alkoholismo, at pagkagumon sa droga.” Ang mga turo ng Saksi, ang sabi niya, ay “nagbibigay-dangal sa mga taong mababa ang tingin sa sarili” at tumutulong sa kanila na “maiwasan ang mabibigat na problema sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na nakalulugod sa Diyos.”—pahayagang Excélsior.
Brazil Isang pahayagan ang nag-ulat: “Ang organisasyon ng mga Saksi ni Jehova ay talagang pambihira. Laging malinis ang lugar ng kanilang pagtitipon. Ang lahat ay napakaorganisado . . . Pagkatapos ng pagtitipon nila, ang lugar na ginamit nila ay mas malinis pa kaysa nang madatnan nila ito. Ang lahat ay tahimik na nakikinig sa tagapagsalita. Walang nagtutulakan o nagbabanggaan. Kapansin-pansin ang kagandahang-asal ng lahat. . . . Talagang mahusay ang kanilang relihiyon. Alam nila ang ibig sabihin ng pagsamba sa Diyos.”—Comércio da Franca.
Buo ang paniniwala ng mga Saksi ni Jehova na ang Maylalang, higit kaninuman, ang nakaaalam kung paano dapat mamuhay ang mga tao. (Isaias 48:17, 18) Kaya kapag pinupuri ang kanilang paggawi, ibinibigay ng mga Saksi ang lahat ng kapurihan sa Diyos. Sinabi ni Jesus: “Pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang makita nila ang inyong maiinam na gawa at magbigay ng kaluwalhatian sa inyong Ama na nasa langit.”—Mateo 5:16.
[Blurb sa pahina 4]
“Itinuturo ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga anak ang mataas na moralidad [at] pagsunod sa batas”
[Blurb sa pahina 5]
‘Mapayapang nagtitipon ang mga taong ito na iba’t iba ang lahi at bansa’