Siniyasat ng Isang Abogado ang mga Saksi ni Jehova
Siniyasat ng Isang Abogado ang mga Saksi ni Jehova
“KAUNTI lang ang alam ko sa mga Saksi ni Jehova,” ang sabi ni Les Civin, isang abogado at direktor sa isang kompanya ng mga abogado sa Timog Aprika. Bakit niya pinag-aralan ang paniniwala ng mga Saksi? Ano ang masasabi niya hinggil rito? Ito ang mga sagot niya sa Gumising!
Ano ang kinagisnan mong relihiyon?
Lumaki akong Judio. Nang unang mga taon ng dekada ’70, nagpakasal ako kay Carol na isang Anglikano. Wala siyang interes sa relihiyon at wala naman itong impluwensiya sa buhay namin noon. Pero nang walong taóng gulang na ang anak naming si Andrew, naisip ni Carol na dapat ay may magisnan siyang relihiyon. Sinabi sa akin ng isang rabbi na kung makukumberte sa Judaismo si Carol, awtomatikong magiging Judio si Andrew at puwede siyang sumailalim sa ritwal na Bar Mitzvah kapag 13-anyos na siya. Kaya nagsimula kaming magpunta linggu-linggo sa mga klase sa pagpapakumberte sa sinagoga.
Paano mo nakilala ang mga Saksi ni Jehova?
Kapag may pumupuntang mga Saksi noon sa amin, pinuputol ko agad ang pakikipag-usap sa kanila. Sinasabi ko, “Isa akong Judio at hindi ako naniniwala sa Bagong Tipan.” Pagkatapos, sinabi sa akin ni Carol na may kaibigan siyang Saksi at na marami itong alam sa Bibliya. Sinabi rin ni Carol na subukan naming pag-aralan pa ang Bibliya. Kaya bagaman napipilitan, nakipag-aral ako sa mga Saksi.
Ano ang nadama mo noong nag-aaral ka ng Bibliya?
Ang yabang ko noon. Kasi nasariwa sa isip ko ang paniniwala ko bilang Judio noong nagpupunta kami sa mga klase sa pagpapakumberte, at nadama kong kabilang ako sa piniling lahi. Naisip ko, ‘Ano ang maituturo sa akin ng mga taong ito?’ Sa una naming pag-aaral, sinabi ko sa Saksing pumunta sa amin: “Ipinanganak akong Judio. Ito na ang relihiyon ko, at mamamatay akong Judio. Wala sa mga sasabihin mo ang makapagpapabago niyan.” Iginalang naman niya ang pananaw ko. Kaya tuwing Biyernes at Lunes ng gabi, pumupunta kami sa mga klase sa pagpapakumberte. Tuwing Linggo ng umaga naman, (kung wala akong maidadahilan) nakikipag-aral kami sa mga Saksi. Libre ang pakikipag-aral sa kanila, di-tulad ng mga klase sa sinagoga.
Bibliya ng mga Judio ang ginamit ko kasi inisip ko na gumagamit ang mga Saksi ng salin ng Bibliya na umaayon sa kanilang paniniwala. Pero nagulat ako sa pagkakapareho ng dalawang Bibliya. Lalo tuloy akong naging determinadong patunayan na hindi alam ng mga Saksi ang sinasabi nila.
Pagkatapos ng ilang sesyon ng pakikipag-aral sa rabbi, sinabi ni Carol sa akin na sa tingin niya, walang gaanong alam ang rabbi sa Bibliya. Sinabi niya na hihinto na siya sa pagpunta sa mga klase at na hindi niya matatalikuran ang Kristo. Parang gumuho ang mundo ko at naisip kong makipaghiwalay sa kaniya. Pero nang mahimasmasan ako, naisip kong gumamit ng ibang estratehiya—gagamitin ko ang aking kakayahan bilang abogado para patunayan kay Carol na mali ang ‘walang-kuwentang sekta’ na ito.
Nagtagumpay ka ba?
Binigyan ako ng isang rabbi ng aklat na magpapatunay na hindi natupad kay Jesus ang mga hula tungkol sa Mesiyas. Magkasama naming pinag-aralan ni Carol ang aklat sa loob ng 18 buwan. Ipinagpatuloy rin namin ang aming lingguhang pakikipag-aral sa mga Saksi. Pero habang sinusuri namin ang bawat hula na tinalakay sa aklat ng rabbi, naisip kong parang masisira yata ang plano ko. Ang mga hula sa Bibliya tungkol sa Mesiyas ay palaging natutupad sa iisang persona—si Jesu-Kristo—salungat sa mga argumento sa aklat. Lalo akong nag-isip nang pag-aralan namin ang hula na mababasa sa Daniel 9:24-27, na nagpapakitang lilitaw ang Mesiyas sa taóng 29 C.E. * Dinalhan ako ng Saksi ng interlinear Hebrew Bible, kung saan makikita sa ibaba ng bawat salita ang literal na salin sa Ingles. Binasa ko ito, kinalkula ko ang kronolohiya, at sinabi ko: “Okey, ang petsang tinutukoy sa hula ay 29 C.E. Ano ngayon?”
“Iyon ang taon nang mabautismuhan si Jesus,” ang sabi ng Saksi.
Hindi ako makapaniwala! Hangang-hanga rin ako sa katumpakan at pagkakasuwato ng mga hula sa Bibliya.
Ano ang reaksiyon ng mga kaibigan mo nang magbago ang iyong pananaw?
Ang ilan ay talagang nag-alala sa amin. Sinabi pa nga nila na ipakikilala nila kaming mag-asawa sa mga taong magpapatunay na na-brainwash lang kami. Pero ang paniniwala namin ay salig sa masusing pagsasaliksik at lohikal na pangangatuwiran—kabaligtaran ng pagbe-brainwash.
Bakit ka nagpasiyang maging Saksi?
Noong una, dumadalo lang ako sa ilang pagpupulong sa Kingdom Hall kasama ng aking asawa, na isa nang Saksi noon. * Humanga ako sa pagiging palakaibigan ng mga Saksi, at magkakaiba man ang kanilang lahi, may pag-ibig sila sa isa’t isa. Hindi ko nakita iyon sa kinagisnan kong relihiyon. Kaya pagkatapos ng tatlong taon pang pag-aaral, nagpabautismo ako.
Ano ang masasabi mo sa pasiya mong maging Saksi?
Isang karangalan ang masabi, “Isa akong Saksi ni Jehova.” Pero kapag naiisip ko kung paano ko kinontra noon ang katotohanan, pakiramdam ko hindi ako karapat-dapat sa mga pagpapala ni Jehova. Hinding-hindi ko pagsisisihan ang desisyon kong maging Saksi.
Anong mga pagpapala ang natanggap mo?
Marami. Isa lamang rito ang pribilehiyong maglingkod bilang isang elder, o espirituwal na pastol at guro, sa aming kongregasyon. Gayundin, nakatulong ako sa Legal Department ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Timog Aprika. Pero higit sa lahat, pinahahalagahan ko na nakilala ko si Jehova at ang kaniyang Anak at na naunawaan ko ang tunay na kahulugan ng mahahalagang pangyayari na yumayanig sa daigdig sa ngayon.
[Mga talababa]
^ par. 12 Ang C.E. ay “Common Era,” o “Karaniwang Panahon.” Para sa higit pang impormasyon sa hula ni Daniel tungkol sa Mesiyas, tingnan ang pahina 197 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
^ par. 18 Namatay si Carol noong 1994, at nag-asawang muli si Les Civin.
[Blurb sa pahina 11]
Hangang-hanga . . . ako sa katumpakan at pagkakasuwato ng mga hula sa Bibliya