Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

May Nagdisenyo ba Nito?

Ang Kakayahang Bumaon ng Razor Clam

Ang Kakayahang Bumaon ng Razor Clam

● Kung titingnan mo ang razor clam, parang hindi nito kakayaning bumaon sa buhangin. Pero napakabilis at napakagaling nitong sumuksok sa siksik na buhangin sa ilalim ng tubig. Naintriga ang mga mananaliksik. “Parang may kakaiba silang ginagawa,” ang sabi ni Anette Hosoi, isang associate professor sa Massachusetts Institute of Technology. Ano kaya ang sekreto ng razor clam?

Pag-isipan ito: Kinikislut-kislot ng razor clam ang paa nito para bumaon sa buhangin at makagawa ng maliit na butas. Unti-unting isinusuksok ng razor clam ang katawan nito sa buhangin habang bukas-sara ang kaniyang shell. Dahil dito, nagiging matubig ang buhangin kaya madali nang nakababaon dito ang clam. Nakababaon ito sa buhangin sa lalim na mga 70 sentimetro at sa bilis na isang sentimetro kada segundo. Kapag nakabaon na ito, mahirap na itong hugutin. Sa katunayan, kung isasaalang-alang ang puwersang ginagamit ng clam para bumaon at ang lakas ng kapit nito, ito ay sampung beses na mas epektibo kaysa sa pinakamahuhusay na angklang gawa ng tao.

Ginaya ng mga inhinyero ang disenyo ng razor clam sa paggawa ng kauna-unahang hi-tech na angkla. “Bukas-sara ito at bumabaon gaya ng isang tunay na clam,” ang sabi ni Hosoi. Ang ganitong angkla na matibay at matipid sa enerhiya ay maikakabit sa mga sasakyang ginagamit sa pagsasaliksik sa ilalim ng dagat at sa nakalutang na mga oil rig (isang istraktura para sa paghahanap at pagkuha ng langis sa dagat). Magagamit din ito sa paghahanap ng mga bombang nakabaon.

Ano sa palagay mo? Nagkataon lang ba ang kakayahan ng razor clam na bumaon? O may nagdisenyo nito?

[Mga larawan sa pahina 23]

Ginagaya ng modelong ito ng hi-tech na angkla ang kakayahang bumaon ng razor clam

[Credit Lines]

Razor clams: © Philippe Clement/naturepl.com; “smart” anchor: Courtesy of Donna Coveney, Massachusetts Institute of Technology