Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Munting Binhi Naging Dambuhalang Puno

Isang Munting Binhi Naging Dambuhalang Puno

Isang Munting Binhi Naging Dambuhalang Puno

Ang isang maliit na acorn ay nalalaglag mula sa puno at ibinabaon sa lupa ng mga nagtatakbuhang squirrel. Sa paglipas ng panahon, nakakalimutan nila ang binhi at sisibol ito. Di-magtatagal, lalaki ang kahanga-hangang oak​—ang pinakadambuhalang puno sa kagubatan ng Britanya.

Ang bantog na punong oak ay maaaring mabuhay nang mahigit isang libong taon. Ang ilan ay tumataas nang hanggang 40 metro! Napakagandang tingnan ng matatanda nang oak dahil sa matabang katawan at mayayabong na sanga nito. Sa Britanya, may dalawang uri ng oak, pero sa buong daigdig, may mga 450 uri nito. Lahat ng ito ay nagmumula sa isang binhi, ang munting acorn.

Sa lahat ng puno sa Britanya, sa oak makikita ang pinakamaraming uri ng nilalang. Kabilang rito ang napakaraming uri ng insekto. Gustung-gustong kainin ng mga higad ang murang dahon ng oak sa tag-araw. Pero may pantaboy rito ang puno. Habang tumatagal, ang dahon ng oak ay nagkakaroon ng tannin na ayaw ng mga higad.

Ang bawat bahagi ng puno ay pinamumugaran ng sari-saring nilalang. Naaakit lumapit dito ang napakaraming ibon at gagamba dahil sa sangkatutak na insekto rito. Sumisiksik ang mga salagubang sa mga bitak ng makapal na balat ng puno. May mga kuwago at mga paniki sa loob ng hungkag na mga sanga. Sa mga ugat naman nito, nakatira ang maliliit na hayop gaya ng daga, rabbit, badger, at sorra.

Hindi problema ng oak ang mga lantang dahon at natutuyong acorn. Taun-taon, halos 250,000 dahon ang nalalagas mula sa punong oak na husto na ang laki. Binubulok ng mga fungus at baktirya ang nagkalat na mga dahon at ibinabalik ang sustansiya nito sa lupa. May mga taon na namumunga ito ng 50,000 acorn. Karamihan sa mga ito ay kinukuha o kinakain ng mga ibon at iba pang hayop. Nakatutulong ang maliliit na insekto at salagubang para mabulok ang mga patay na bahagi ng puno, at kinakain naman ng mga fungus ang balat ng puno.

Napakatibay ng kahoy ng oak. Ang matitibay na barkong gawa sa oak ay nakatulong sa Hukbong-Dagat ng Britanya na makontrol ang karagatan sa loob ng maraming taon. Hanggang ngayon, mahalaga pa rin ang kahoy ng oak. Gustung-gusto itong gamitin ng mga nagtatayo ng bahay at gumagawa ng mga muwebles. Tamang-tama rin ito sa paggawa ng bariles kung saan pinakakasim ang beer at alak.

Ang punong ito ay isa sa napakagandang tanawin sa Britanya. Hinahangaan ito dahil sa tibay at haba ng buhay. Napakarami rin nitong pakinabang. Oo, ang isang munting binhi ay naging dambuhalang puno​—isa na namang kamangha-manghang lalang ng Diyos!

[Larawan sa pahina 18]

Ang oak ay maaaring mabuhay nang mahigit isang libong taon, tumaas nang 40 metro, at umabot nang 12 metro at 30 sentimetro ang sirkumperensiya

[Picture Credit Lines sa pahina 18]

Tree: © John Martin/Alamy; acorn: © David Chapman/Alamy