Malungkot Kahit na Masulong ang Teknolohiya sa Komunikasyon
Malungkot Kahit na Masulong ang Teknolohiya sa Komunikasyon
SA NGAYON, napakaraming paraan para makipag-usap. Puwede kang tumawag sa cellphone, mag-text, at makipag-chat o makipagkaibigan gamit ang Internet. Sa kabila nito, maraming tao—bata at matanda—ang napakalungkot. Bakit?
Sa aklat na Loneliness—Human Nature and the Need for Social Connection, masusing tinalakay ng mga mananaliksik na sina John T. Cacioppo at William Patrick ang tungkol sa kalungkutan. Binanggit nila ang isang pag-aaral na nagsabing “kapag mas madalas na mag-Internet ang isa sa halip na makipag-usap nang personal, maaaring mas lalo siyang makadama ng pag-iisa at depresyon.”
Dahil sa mabilis na takbo ng buhay sa ngayon, nagiging malayô sa isa’t isa ang mga tao. Karaniwan nang hindi madarama ang pagmamahal sa telepono o sa mensahe sa computer, at hindi rin makikita ang ngiti.
Hindi lang ito sa trabaho nangyayari, kitang-kita ito lalo na sa loob ng pamilya. Maraming pamilya ang hindi na nakapag-uusap o nagkakasalu-salo sa pagkain. May sariling computer at parang may sariling mundo ang mga tin-edyer. Ang nakapagtataka, kahit napakaraming makabagong gadyet sa komunikasyon, maraming kabataan ang malungkot.
Maging ang mga may-asawa ay maaaring makadama ng kalungkutan. Dahil kulang sa komunikasyon ang ilan, magkasama nga sila pero kaniya-kaniya naman sila ng buhay. Kahit may asawa, pakiramdam nila’y nag-iisa sila. Napakalungkot nga nito!
Maaaring tinitiis din ng mga nagsosolong magulang ang kalungkutan. Dahil sa pagsulong sa komunikasyon, at maraming iba pang dahilan, baka bihira nilang makasama ang kanilang mga anak, anupat lalo nilang nadaramang nag-iisa sila. Bukod diyan, maraming dalaga’t binata ang nalulungkot din dahil hindi pa rin sila makahanap ng mapapangasawa.
Ang kalungkutan ay problema ng lipunan at maaari itong mauwi sa alkoholismo, sobrang pagkain, pag-abuso sa droga, pagpapakasasa sa sekso, at pagpapatiwakal pa nga. Kaya mahalagang alamin ang dahilan ng kalungkutan. Ito ang unang hakbang para mapagtagumpayan ang problemang ito.