Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Ayon sa isang surbey, mga 10.3 porsiyento ng mga lalaking Brazilian na mahilig sa sex, edad 15 hanggang 64, ang nakipagtalik na sa isang tao o higit pa na nakilala nila sa Internet sa nakalipas na 12 buwan.​—BRAZILIAN MINISTRY OF HEALTH.

Matagal nang natatakpan ang Karagatang Artiko ng malalaking tipak ng yelo na hanggang 80 metro ang kapal. Ngayon, “ang mga yelong ito na nabuo sa loob ng maraming taon . . . ay halos natutunaw nang lahat, isang malaking pagbabago na magpapadali sa pagbubukas ng mga ruta ng barko sa polo.”​—REUTERS NEWS SERVICE, CANADA.

Iniulat ng Moscow at Vatican ang pagpapasimula ng kanilang ganap na diplomatikong ugnayan.​—RIA NOVOSTI, RUSSIA.

“Natunaw na ang 26 na porsiyento ng niyebe” sa Kilimanjaro, ang pinakamataas na bundok sa Aprika, “mula noong 2000 hanggang 2007.”​—DAILY NATION, KENYA.

Nasusunod ang Gusto Pero Malungkot

Iniulat ng Daily Telegraph ng London na ayon sa mga mananaliksik, ang Britanya “ang pinakaindibiduwalistikong lipunan sa daigdig, kung saan mas pinahahalagahan ang pagsunod sa sariling kagustuhan kaysa sa pagsunod sa kalakaran ng lipunan.” Ayon sa isa pang pag-aaral, pinakamatindi ang depresyon at kabalisahan na nararanasan ng mga Britano. Naniniwala ang ilang eksperto na magkaugnay ang pagiging indibiduwalistiko at ang panlulumo. Inihambing ng mga pag-aaral ang mga lipunan gaya ng makikita sa mga bansa sa Kanluran sa mga nasa Tsina at Taiwan. Mas inuuna ng mga huling nabanggit ang pagkakaisa kaysa sa pagsunod sa sariling kagustuhan. Dahil dito, waring mas malusog ang kanilang kaisipan. Pero sa Kanluran, ang mga tao ay “nalulungkot . . . dahil sa makasariling lipunan” ayon sa Telegraph.

Kasal ng mga Homoseksuwal sa Simbahan ng Sweden

Noong Oktubre 2009, pinahintulutan ng Simbahang Luterano ng Sweden ang pagpapakasal sa simbahan ng mga homoseksuwal. Ginawa ang desisyong ito mga ilang buwan lang matapos pagtibayin sa parlamento ang batas hinggil sa pag-aasawa ng lalaki sa lalaki at babae sa babae. “Nangangahulugan ito na ang Simbahan ng Sweden ang isa sa unang pangunahing mga simbahan sa daigdig na lumihis sa tradisyonal na simulain sa pag-aasawa, na pag-iisang dibdib ng isang lalaki at isang babae,” ang sabi ng pahayagang Dagens Nyheter.

Anong Wika ang Iyak ng mga Baby?

Dalawang araw pa lang ang mga baby, umiiyak na sila ayon sa tono ng kanilang wika, ang sabi ng mga mananaliksik mula sa Würzburg University sa Alemanya. Inirekord ng mga mananaliksik ang iyak ng 30 Pranses at 30 Alemang sanggol na bagong silang at sinuri ang kanilang frequency, tono, at tinis. Ang iyak ng mga Pranses na baby ay karaniwan nang unti-unting tumitinis, samantalang ang iyak ng mga Alemang baby ay unti-unting lumalaki. Ang kanilang mga iyak ay parehong sumusunod sa tono na karaniwan sa wika ng mga magulang nila. Kaya pinaniniwalaang nagsisimula ang pagkatuto ng wika sa sinapupunan pa lang at nagsisimula nang makipag-usap ang mga baby sa una nilang pag-iyak.