Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kilalanin Natin ang Alpine Marmot

Kilalanin Natin ang Alpine Marmot

Kilalanin Natin ang Alpine Marmot

Narinig ko ang isang nakabibinging sipol. Parang sipol iyon ng isang bata sa kaniyang kaibigan, pero di-hamak na mas malakas. Umalingawngaw ito hanggang sa kabila ng bundok, pero hindi ko alam kung saan ito nanggaling. Nakita ko ang isang maliit at mabalahibong uri ng daga na kumakaripas ng takbo papunta sa isang lungga sa malapit. Nang tingnan ko ito sa librong dala ko, nalaman ko na isa itong alpine marmot.

MGA ilang araw lang, marami na akong nalaman tungkol sa mabalahibong mga dagang ito. Nalaman ko kung saang batuhan nila gustong magpaaraw, kung saan sila talaga nakatira, at kung paano sila nabubuhay sa mga lugar na walang puno at hantad sa panganib.

Pagtutulungan ng Pamilya at Pagiging Alisto

Hindi madali ang buhay ng mga marmot sa bundok. Tuwing taglamig, nababalutan ng yelo ang kanilang tirahan. Nakaabang din sa kanila ang mga maninilang ibon at iba pang hayop. Kaya para mabuhay, kailangan ng mga marmot na magtulungan, magplanong mabuti, at maging alisto.

Kadalasan nang pami-pamilya ang mga marmot na nakatira sa mga lungga. Hindi lang isa ang lungga ng bawat pamilya​—iba ang kanilang tirahan at iba rin ang kanilang mga taguan kapag may panganib. Kung minsan, gumagawa sila ng lungga sa mga bitak sa ilalim ng malalaking bato. Ang tirahang ito ng mga marmot ay may mga tanggulan at beranda na parang kastilyo, kung saan sila nagpapaaraw at nagrerelaks.

Ang mga marmot ay malinis din at maalaga sa kalusugan. Mayroon silang hiwalay na lungga para sa palikuran para maingatang malinis ang kanilang pinakatahanan. Sa dulo nito, gumagawa ang mga marmot ng mas malaking lungga na may mga damo. Ligtas na lugar ito para sa panganganak ng mga babaing marmot. Dito rin maaaring mamaluktot ang buong pamilya sa panahon ng mahabang taglamig na tulog sila.

Marahil ang may pinakamabigat na responsibilidad sa pamilya ay ang guwardiya. Isang adultong marmot ang nagguguwardiya habang naghahanap naman ng pagkain sa malapit ang ibang miyembro ng pamilya. Para mas makita kung may panganib, tumatayo ang guwardiyang ito na parang tao. Pangunahin nang banta sa buhay ng mga alpine marmot ang mga agila, sorra, at tao. Kapag nakita sila ng guwardiya, nagbibigay agad ito ng babala. Kakaiba ang sipol ng marmot kapag may paparating na agila​—ang pangunahing ibong maninila ng marmot. Kapag narinig ito ng ibang marmot, kakaripas na sila ng takbo para magtago. Sa isang iglap, wala ka nang makikitang marmot sa paligid!

Ang pagsunod ay maaaring mangahulugan ng buhay o kamatayan, lalo na para sa mga batang marmot na paboritong pagkain ng mga golden eagle. Kapag malapit na ang maninila at tumatakbo na ang ibang marmot para magtago, tatakbo na rin ang guwardiya sa pinakamalapit na lungga. Pagkaraan ng ilang minuto, maingat siyang sisilip para tingnan kung wala nang panganib sa labas.

Magandang Temperatura ng Katawan at Mahimbing na Pagtulog

Sa matataas na parang kung saan nakatira ang mga alpine marmot, maraming damong makakain at hindi masyadong mainit kapag tag-araw. Sa mga panahong ito, nagbibilad sa araw ang mga marmot sa komportableng batuhan. Problema nila kapag masyadong mainit dahil makapal ang balahibo nila. Kaya mas aktibo sila sa umagang-umaga at sa bandang hapon.

Walang problema sa pagtulog ang mga alpine marmot; mga anim na buwan silang tulog. Ang hoary marmot naman ay nakakatulog nang hanggang siyam na buwan. Habang tulog, ang tibok ng puso ng alpine marmot ay isa o dalawang pintig lang kada minuto, at bumababa sa mga limang digri Celsius ang temperatura ng katawan nila. Kaya kailangan nila itong paghandaan. Sa tag-araw at pasimula ng taglagas, magpapakabusog sila at mag-iipon ng taba sa katawan para magamit nila sa panahon ng mahabang taglamig na tulog sila.

Mahilig maglaro ang mga batang marmot at madalas silang maghabulan. Nakakita ako ng tatlong batang marmot na nagpapagulung-gulong sa damuhan at kunwari’y nag-aaway. Kinikiskis ng mga marmot ang kanilang ilong sa isa’t isa kapag nagbabatian, bata man o matanda. Nililinisan ng magkakapamilyang marmot ang isa’t isa. Kapag taglamig, nagsisiksikan sila sa pagtulog para hindi sila ginawin.

Ang mga marmot ay naghahanda para sa hinaharap at alisto sila sa panganib. (Job 12:7) Marahil may matututuhan tayo sa mga dagang ito.

[Blurb sa pahina 11]

Kung wala ang mga marmot, hindi makukumpleto ang tanawin sa mga parang sa alpino. At kitang-kita sa pagtutulungan nila sa loob ng pamilya ang karunungan ng kanilang Maylalang.​—Awit 50:10

[Blurb sa pahina 12]

Isang adultong marmot ang nagguguwardiya habang naghahanap naman ng pagkain sa malapit ang ibang miyembro ng pamilya