Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Manatiling Malapít kay Jehova!”

Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova

“Manatiling Malapít kay Jehova!”

● Mahigit isang daan na tatlong-araw na kombensiyon, na ginanap na sa buong daigdig kamakailan, ang gaganapin naman sa Pilipinas tuwing dulo ng sanlinggo simula sa Oktubre 22-24, 2010. Sa araw ng Biyernes at Sabado, ang sesyon ay magsisimula sa ganap na 8:20 n.u. (8:50 n.u. sa Linggo) sa pamamagitan ng musika. Ang tema sa Biyernes, na batay sa Awit 73:28, ay “Ang Paglapit sa Diyos ay Mabuti Para sa Akin.” Ang pahayag ng chairman ay susundan ng mga pahayag na “Tinutulungan Tayo ng mga Kombensiyon na Manatiling Malapít kay Jehova” at “Nais ng Anak na Ipakilala ang Kaniyang Ama.” Pagkatapos, tatalakayin ng simposyum na “Tularan ang mga Nakapag-ingat ng Matalik na Kaugnayan kay Jehova” kung paano nanatiling malapít kay Jehova sina Abraham, Ruth, Hezekias, at Maria. Ang sesyon sa umaga ay magtatapos sa pinakatemang pahayag na “Kung Paano Lumalapit sa Atin si Jehova.”

Ang unang bahagi sa Biyernes ng hapon ay “Sagot sa mga Tanong Tungkol kay Jehova,” na susundan ng mga pahayag na “Magpahubog sa Disiplina ni Jehova” at “Huwag ‘Magngalit Laban kay Jehova.’” Kasunod nito ang limang-bahaging simposyum na “Mahalaga ang Pag-uusap Para Manatiling Malapít kay Jehova ang mga Pamilya.” Ang mga bahaging ito ay pinamagatang: “Si Jehova, Napakahusay sa Pakikipag-usap,” “Mga Lalaki, Makipag-usap sa Inyong Asawa!,” “Mga Babae, Makipag-usap sa Inyong Asawa!,” “Mga Magulang, Makipag-usap sa Inyong mga Anak!,” at “Mga Anak, Makipag-usap sa Inyong mga Magulang!” Ang sesyon sa hapon ay magtatapos sa tampok na pahayag na “Ipinakikilala ng mga Nilalang ‘ang Buháy na Diyos’!”

Ang tema sa Sabado ay “Ang Kaniyang Matalik na Pakikipag-ugnayan ay sa mga Matuwid,” batay sa Kawikaan 3:32. Itinatampok ng limang-bahaging simposyum na “Tulungan ang mga Tao na ‘Makipagkasundo sa Diyos’” ang mga bahaging “Hiwalay at Walang Pag-asa,” “Iniharap Niya ang Tanong sa Kanila,” “Gampanan ang Iyong Papel Bilang Kasama sa Ministeryo,” “Mawagi Sila sa Pamamagitan ng Mainam na Paggawi,” at “Maging Masigasig at Matiyaga.” Kasunod ng mga pahayag na “Pinatitibay ng Buong-Panahong Paglilingkod ang Inyong Kaugnayan kay Jehova” at “Hindi Natitisod ang mga Umiibig kay Jehova” ang pahayag sa bautismo. Pagkatapos nito, babautismuhan ang mga kuwalipikado sa bautismo.

Ang programa sa hapon ng Sabado ay magtatampok ng walong-bahaging simposyum, “Huwag Hayaan ang Anuman na Mailayo Ka kay Jehova”​—“Mga Tusong Pakana ni Satanas,” “Pagmamalaki,” “Pera,” “Kalusugan,” “Karera,” “Paglilibang,” “Pamilya,” at “Teknolohiya.” Kasunod nito ang audio drama na pinamagatang “Huwag Manghina Kapag Itinutuwid ni Jehova!” Magtatapos ang sesyon sa pahayag na “Manatiling Malapít kay Jehova, Gaya ni Jeremias.”

Ang tema sa Linggo, na batay sa Josue 23:8, ay “Kay Jehova ... Kayo Mangunyapit.” Pagkatapos ng awit at panalangin sa umaga, tatalakayin ng simposyum na “Pahalagahan ang Magagandang Katangian ni Jehova” ang walo sa mga katangiang ito​—“Madaling Lapitan,” “May Empatiya,” “Mapagpahalaga,” “Mapagbigay,” “Hindi Nagtatangi,” “Mapagpatawad,” “Makatuwiran,” at “Matapat.” Susunod ang pahayag pangmadla na “Paano Ka Magiging Malapít sa Diyos?” Magtatapos ang sesyon sa umaga sa pamamagitan ng sumaryo ng Pag-aaral sa Bantayan para sa linggong iyon.

Isang espesyal na tampok sa Linggo ng hapon ang dramang kumpleto sa kostiyum na ang tagpo ay noong unang siglo. Tungkol ito sa pagtakas ng mga Kristiyano mula sa Jerusalem. Ang dramang ito ay pinamagatang “Lumakad sa Pamamagitan ng Pananampalataya, Hindi sa Pamamagitan ng Paningin.” Pagkatapos ng drama, ang kombensiyon ay magtatapos sa pahayag na “Manatili sa ‘Lihim na Dako ng Kataas-taasan.’”

Magplano na ngayon para makadalo. Para malaman ang lugar na pinakamalapit sa inyo, makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito. Makikita sa Web site na www.pr418.com ang listahan ng lokasyon ng mga kombensiyon sa Pilipinas.