Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

May Mapagkakatiwalaan Ka Pa Ba?

May Mapagkakatiwalaan Ka Pa Ba?

May Mapagkakatiwalaan Ka Pa Ba?

Kinilala siyang eksperto sa paggamot ng kirot. Pero sa loob ng mahigit sampung taon, simula noong 1996, gawa-gawa lang pala ng iginagalang na anesthetist na ito ang resulta ng mga pag-aaral na inilathala sa kilalang mga publikasyon sa medisina.

“HINDI ko maintindihan kung bakit kailangang gawin ito ng isang tao,” ang sabi ni Dr. Steven L. Shafer, sinipi sa Anesthesiology News.

Ano ang nagtutulak sa isang respetadong propesyonal na dayain ang kaniyang kapuwa? Tingnan ang apat na posibleng dahilan.

Kasakiman. Sa isang ulat sa New York Times, ipinaliwanag ni Dr. Jerome Kassirer, isang dating editor sa The New England Journal of Medicine: “Kapag halos lahat ng kita ng mga mananaliksik ay galing sa mga kompanya [ng gamot], malaki ang tendensiya ng mga mananaliksik na maglabas ng mga resultang pabor sa kompanya.”

Gagawin ang lahat para magtagumpay. Sinasabing libu-libong euro ang ipinangsusuhol ng mga estudyante ng siyensiya sa Alemanya sa kanilang mga guro para lang magkaroon ng titulong Doktor, isang tanda ng tagumpay sa bansang ito. Ipinakikita sa isang pag-aaral na mababasa sa The New York Times na maraming estudyanteng nandaya ang nagsabing magiging matapat na sila pagkatapos nilang magtagumpay.

Walang mabuting halimbawa. Tungkol sa mga estudyante sa haiskul, sinipi ng The New York Times ang sinabi ng isang propesor: “Puwede nating sabihin na wala na silang prinsipyo . . . Pero mas tamang sabihin na hindi sila natulungan ng kanilang mga guro at ng lipunan na magkaroon ng tamang prinsipyo sa buhay.”

Gawaing labag sa kagandahang-asal. Sa isang pag-aaral na ginawa sa halos 30,000 estudyante, 98 porsiyento ang nagsabing naniniwala silang mahalaga ang katapatan sa pakikipag-ugnayan. Pero 8 sa bawat 10 estudyante ang umamin na nagsinungaling na sila sa kanilang mga magulang, at 64 na porsiyento ang umaming nandaya sila sa exam sa nakalipas na taon.

Mataas na Pamantayang Moral

Gaya ng ipinakikita sa kahon sa pahinang ito, likas sa tao ang magtiwala. Pero hindi itinatanggi ng Bibliya ang katotohanang “ang hilig ng puso ng tao ay masama magmula sa kaniyang pagkabata.” (Genesis 8:21) Paano mo mapaglalabanan ang hilig na ito at ang kawalang-katapatan na palasak sa ngayon? Makatutulong ang sumusunod na mga simulain sa Bibliya:

“Huwag kang kumatha ng anumang bagay na masama laban sa iyong kapuwa, kapag tumatahan siyang may katiwasayan sa piling mo.”​—Kawikaan 3:29.

Kung mahal natin ang ating kapuwa, iisipin natin ang kanilang kapakanan, at hindi natin sasamantalahin ang kanilang tiwala. Kung susundin ang simulaing ito, matitigil ang pananamantala ng mga tao sa iba dahil sa kasakiman, tulad ng pagbebenta ng pekeng gamot na binanggit sa naunang artikulo.

“Ang tapat na mga labi ay mananatili magpakailanman, ngunit ang sinungaling na dila ay hindi magtatagal.”​—Kawikaan 12:19, “Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino.”

Marami sa ngayon ang naniniwala na kawawa ang mga taong tapat. Pero tanungin ang iyong sarili, ‘Alin ba ang mas mahalaga​—ang pakinabang na makukuha ko ngayon o ang pakinabang na magtatagal, kasama na ang paggalang sa sarili?’ Maaaring palabasin ng isang estudyante na mahusay siya sa pamamagitan ng pandaraya sa exam, pero kumusta naman kapag nagtrabaho na siya?

“Ang matuwid ay lumalakad sa kaniyang katapatan. Maligaya ang kaniyang mga anak na kasunod niya.”​—Kawikaan 20:7.

Kung isa kang magulang, magpakita ka ng magandang halimbawa sa iyong mga anak sa pamamagitan ng ‘paglakad sa katapatan.’ Ipaliwanag sa kanila kung paano ka nakinabang sa pagiging matuwid. Kapag nakikita ng mga anak ang kanilang mga magulang na lumalakad sa katapatan, malamang na maging tapat din sila.​—Kawikaan 22:6.

Talaga bang praktikal ang nabanggit na mga simulain sa Bibliya? Mayroon pa bang mapagkakatiwalaang mga tao sa ngayon?

[Blurb sa pahina 4]

Ayon sa pahayagang Le Figaro, parami nang paraming Pranses “ang nag-iisip na ang mga kilalang personalidad​—sa pulitika, ekonomiya, lipunan, at sining​—ay hindi mabubuting tao, kaya wala silang makitang dahilan para maging mabuti.”

[Kahon sa pahina 5]

LIKAS BA SA ATIN ANG MAGTIWALA?

Si Michael Kosfeld, isang propesor ng business administration sa Frankfurt University sa Alemanya, ay gumawa ng mga eksperimento. Ang kaniyang konklusyon​—ang pagtitiwala ay “likas sa tao.” Nakita ni Kosfeld na kapag may interaksiyon ang dalawang tao, ang kanilang utak ay naglalabas ng oxytocin, ang hormon na nag-uudyok sa isa na magtiwala. “Sa katunayan, isa ito sa mahahalagang katangian ng tao. . . . Kung wala ito, masasabing hindi tayo tao,” ang sabi ni Kosfeld.