Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Paano Ko Maaabot ang mga Tunguhin Ko?

Paano Ko Maaabot ang mga Tunguhin Ko?

ALIN sa mga sumusunod ang gusto mong maabot?

● Magkaroon ng higit na tiwala sa sarili

● Magkaroon ng mas maraming kaibigan

● Maging mas masaya

Puwede mong maabot ang lahat ng ito! Paano? Kung magkakaroon ka ng mga tunguhin at aabutin mo ang mga ito. Pag-isipan ang mga sumusunod.

Magkaroon ng higit na tiwala sa sarili Kapag nagtakda ka ng maliliit na tunguhin at naabot mo ang mga ito, lalakas ang loob mo na magkaroon ng mas malalaking tunguhin. Hindi ka rin matatakot na harapin ang mga hamon sa araw-araw​—gaya ng panggigipit ng mga kasama. Makikita ng iba ang iyong tiwala sa sarili at igagalang ka nila. Maaaring hindi ka na gaanong gipitin ng iba. At baka humanga pa sila sa iyo.​—Ihambing ang Mateo 5:14-16.

Magkaroon ng mas maraming kaibigan Natutuwa ang iba na makasama ang mga taong may tunguhin​—mga taong alam kung ano ang gusto nila at handang abutin ito. At kapag nakikita ng mga tao na mayroon kang mga tunguhin, karaniwan nang tutulungan ka nila para maabot mo ang mga ito.​—Eclesiastes 4:9, 10.

Maging mas masaya Tanggapin na natin: Hindi maganda kung nakababagot ang buhay mo o naghihintay ka na lang sa kung ano ang mangyayari sa iyo. Pero kapag nagkaroon ka ng tunguhin at inabot ito, magiging masaya ka kasi may nagawa ka. Hindi kataka-taka na sinabi minsan ng unang-siglong Kristiyano na si apostol Pablo: “Ako nga’y tumatakbo sa ganitong paraan, na hindi gaya ng nagsasapalaran.” (1 Corinto 9:26, Ang Biblia) At tandaan, mas malaki ang tunguhin mo, mas masaya ka kapag naabot mo ito!

Handa ka na ba? Gupitin at itupi ang pahina sa kanan, at sundin ang mga hakbang. *

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Talababa]

^ par. 11 Ang mga mungkahing ito ay para sa mga tunguhin na maaari mong maabot sa loob lang ng ilang linggo o buwan. Pero kapit din ito sa mas malalaking tunguhin.

PAG-ISIPAN

● Praktikal bang magkaroon ng napakaraming tunguhin nang sabay-sabay?​—Filipos 1:10.

● Ang pagtatakda ba ng mga tunguhin ay nangangahulugan na kailangan mong planuhin ang bawat minuto ng buhay mo?​—Filipos 4:5.

[Kahon/​Mga Larawan sa pahina 25, 26]

Kung paano aabutin ang iyong mga tunguhin

ALAMIN Kawikaan 4:25, 26 1

“Huwag matakot na magtakda ng malalaking tunguhin. Kung nagawa na ito ng iba, magagawa mo rin.”​—Roben.

1. Mag-isip ng posibleng mga tunguhin. Masayang gawin ito! Basta isulat mo lang muna ang lahat ng maiisip mo. Tingnan kung may maisusulat ka kahit 10 o 20 bagay na gusto mong maging tunguhin.

2. Pag-aralan ang iyong mga tunguhin. Alin sa mga ito ang gustung-gusto mong maabot? Ang pinakamahirap maabot? Alin sa mga ito ang maipagmamalaki mo? Tandaan, ang pinakamagandang tunguhin ay ang pinakamahalaga sa iyo.

3. Magkaroon ng priyoridad. Una, pumili ng maliliit na tunguhin na puwede mong maabot sa loob ng ilang araw. Pagkatapos, pumili ng malalaking tunguhin (na maaabot mo sa loob ng ilang linggo o buwan). Lagyan ng numero ang mga tunguhin ayon sa iyong priyoridad.

Halimbawa ng mga Tunguhin

Pakikipagkaibigan Magkaroon ng kaibigan na hindi ko kaedad. Makipag-ugnayan sa dati kong mga kaibigan.

Kalusugan Mag-ehersisyo nang 90 minuto bawat linggo. Matulog nang walong oras gabi-gabi.

Paaralan Magkaroon ng mas mataas na grado sa math. Gawin ang tama kapag tinutukso ako ng iba na mangopya sa exam.

Kaugnayan sa Diyos Basahin ang Bibliya sa loob ng 15 minuto araw-araw. Ibahagi ang paniniwala ko sa isang kaklase sa linggong ito.

Magplano Kawikaan 21:5 2

“Magandang may tunguhin ka pero kailangan mong magplano para maabot ito. Kung hindi, hindi mo maabot ang tunguhin mo.”​—Derrick.

Gawin ang sumusunod sa bawat tunguhing napili mo:

1. Ilista ang iyong tunguhin.

2. Magtakda ng deadline. Kung hindi ka magkakaroon ng deadline, magiging pangarap na lang ang tunguhin mo!

3. Planuhin kung ano ang kailangan mong gawin.

4. Isipin ang posibleng mga hadlang. Isipin din kung ano ang solusyon.

5. Magkaroon ng determinasyon. Mangako ka sa iyong sarili na gagawin mo ang iyong buong makakaya para maabot ang iyong tunguhin. Pirmahan ito at lagyan ng petsa.

Mag-aral ng Kastila para sa pagpunta ko sa Mexico Hulyo 1

Mga Hakbang

1. Bumili ng maliit na diksyunaryo.

2. Matuto ng sampung bagong salita bawat linggo.

3. Pakinggan ang mga nagsasalita ng Kastila.

4. Magtanong sa iba kung tama ang aking gramar at bigkas.

Posibleng hadlang

Walang nagsasalita ng Kastila sa lugar namin

Solusyon

Mag-download ng mga audio recording sa Kastila mula sa www.pr418.com.

․․․․․ ․․․․․

Pirma Petsa

Kumilos! Juan 13:17 3

“Maaari mong malimutan ang iyong tunguhin, kaya kailangan mong magpokus at patuloy na magsikap na maabot ito.”​—Erika.

Magsimula agad. Tanungin ang sarili, ‘Ano ang puwede kong gawin ngayon para masimulan kong abutin ang tunguhin ko?’ Maaaring hindi mo maplano ang bawat detalye, pero hindi naman ito dahilan para hindi mo ito simulan. Sinasabi sa Bibliya na “siyang nagbabantay sa hangin ay hindi maghahasik ng binhi; at siyang tumitingin sa mga ulap ay hindi gagapas.” (Eclesiastes 11:4) Mag-isip ng puwede mong gawin ngayon​—kahit maliit na bagay lang​—at gawin ito.

Tingnan kung ano ang nagagawa mo sa bawat araw. Alalahanin kung bakit mahalaga ang bawat hakbang. Lagyan ng ang bawat hakbang sa listahan kapag nagawa mo na ito (o isulat ang petsa kung kailan mo ito natapos).

Mag-adjust. Gaano man kaganda ang mga plano mo, baka kailangan mo itong i-adjust habang inaabot mo ang iyong tunguhin. Okey lang iyon. Huwag kang mabahala kung hindi mo masunod nang eksakto ang iyong plano. Ang mahalaga ay patuloy kang nagsisikap hanggang sa maabot mo ang iyong tunguhin.

Gamitin ang iyong imahinasyon. “Mag-fast-forward” at isipin mong naabot mo na ang iyong tunguhin. Ano ang pakiramdam mo? Hindi ba’t napakasaya mo? Pagkatapos, “mag-rewind” at balikan ang bawat hakbang na kailangan mong gawin. Ngayon, pindutin ang “play.” Isipin mong ginagawa mo ang bawat hakbang hanggang sa maabot mo ang iyong tunguhin. Napakasarap ng pakiramdam, hindi ba? Ngayon, simulan mo na!

[Larawan]

Ang tunguhin ay parang isang drowing​—kailangan mong kumilos para magkatotoo ito!

[Kahon/​Mga Larawan sa pahina 25]

ANG SINASABI NG IBANG KABATAAN 4

“Madali kang panghinaan ng loob kung wala kang pinagtutuunan ng pansin o inaasahan. Pero magiging masaya ka kung may mga tunguhin kang inaabot.”​—Reed.

“Huwag mong sisihin ang iyong sarili kung hindi mo maabot ang lahat ng tunguhin mo o hindi mo ito maabot sa panahong itinakda mo. Hindi makakatulong sa iyo ang ganitong damdamin. Basta huwag kang susuko!”​—Cori.

“Makipag-usap sa mga taong naabot na ang mga tunguhin na gaya ng sa iyo. Mapalalakas nila ang loob mo at mabibigyan ka nila ng praktikal na mga payo. Sabihin mo rin sa pamilya mo ang iyong mga tunguhin para matulungan ka nilang maabot ito.”​—Julia.

[Dayagram sa pahina 24]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Gupitin sa linya

Itupi