Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Gustong malaman ng mga mananaliksik sa Canada ang epekto ng pornograpya sa mga lalaki. “Naghanap muna kami ng mga lalaking mahigit dalawampung taóng gulang na hindi pa gumugol ng panahon sa pornograpya,” ang sabi ng isang mananaliksik, pero “wala kaming makita.”​—UNIVERSITY OF MONTREAL, CANADA.

Ang pinakamataas na gusali sa daigdig, ang Burj Khalifa, ay pinasinayaan sa Dubai nitong nakaraang Enero. Ang gusali na may taas na 828 metro, at may mahigit 160 palapag ay makikita hanggang sa layo na 95 kilometro.​—GULF NEWS, UNITED ARAB EMIRATES.

“Ang Reform Judaism ay walang silbi kung hindi ito sasabay sa agos ng panahon. Kamakailan, isinama sa misa nito ang isang espesyal na panalangin para sa mga taong nagpapaopera upang magpalit ng kasarian.”​—THE NEW YORK TIMES MAGAZINE, E.U.A.

Mga Batang Hirap Makipag-usap

Hindi tulad noon, ang mga magulang ngayon ay halos wala nang oras makipag-usap sa kanilang mga anak sa panahon ng pagkain o magbasa sa kanila bago matulog. “Nagsisimulang mag-aral sa elementarya ang mga bata na ang kakayahang magsalita ay gaya lang ng sa isa at kalahating taóng gulang, at dumarami rin ang hindi makabuo ng kahit simpleng mga pangungusap,” ang ulat ng The Times ng London. Sa Britanya, “18 porsiyento ng mga batang edad 5 (mahigit sa 100,000) ang hindi makapagsalita ng ayon sa edad nila.” Maraming bata ang hindi makaintindi kahit ng mga simpleng instruksiyon o hindi masabi kung ano ang kailangan nila. “Para [silang] mga dayuhan sa klase,” na hindi makasabay sa nangyayari dito.

Mga Simbahan sa Ireland na Walang Pari?

“Nakikita natin ngayon na umuunti na ang mga pari sa Simbahang Katoliko,” ang sabi ng The Irish Times. Limampung taon na ang nakalilipas, ang Ireland ang may pinakamaraming pari sa buong daigdig. Tumatanda na ngayon ang mga paring ito at malapit na silang magretiro sa edad na 75. Kaya malapit nang mawalan ng pari ang ilang parokya. Sinasabi ng ilan na ang problemang ito ay dahil sa ginawang pagbabawal sa artipisyal na kontrasepsiyon, na inilathala sa opisyal na liham ng papa na Humanae Vitae noong 1968. Dahil sa liham na iyon, ang sabi ng Times, “kinuwestiyon ng mga tao ang turo ng Simbahan,” at “humina na ang pagtitiwala nila sa liderato [nito].”

Umuusod na Magnetikong Hilaga

Nang makita ang magnetikong Polong Hilaga noong 1831, ito ay nasa hilagang Canada, “mga 2,750 kilometro mula sa heograpikong Polong Hilaga,” ang sabi ng pahayagang Le Figaro sa Pransiya. Hanggang noong 1989, umuusod papalapit ang magnetikong hilaga sa heograpikong polo nang 5 hanggang 15 kilometro bawat taon. Ayon sa Paris Institute of Global Physics, umuusod ang magnetikong polo sa ngayon “nang mga 55 kilometro bawat taon,” at noong 2007, ang layo nito sa heograpikong polo ay 550 kilometro na lang. Sa bilis at direksiyong ito, pagsapit ng 2020, ang aurora borealis, o mga liwanag sa hilaga, na kasama ng magnetikong hilaga, “ay mas makikita sa Siberia kaysa sa Canada,” ang sabi ng pahayagan.