Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagtawid sa Tuktok ng Mundo

Pagtawid sa Tuktok ng Mundo

Pagtawid sa Tuktok ng Mundo

MATAGAL nang pinapangarap ng mga nabigante na makatuklas ng daan sa hilaga na magdurugtong sa karagatan ng Atlantiko at Pasipiko. Pero may malaking problema: nahaharangan ng yelo sa dagat ng Artiko ang rutang ito.

Sa kabila nito, determinado pa rin silang makahanap ng shortcut patawid sa tuktok ng mundo. Pagsapit ng ika-16 na siglo, ang mga ruta ng kalakalan sa Silangan​—na dumaraan sa palibot ng dulong timog ng Aprika at Timog Amerika​—ay hawak ng Portugal at Espanya. Ang mga mangangalakal ng ibang bansa ay kailangang maghanap ng ruta sa hilaga para magkaroon sila ng pagkakataong makipagkalakalan sa Silangan. Marami ang sumubok, kabilang na ang mga sumusunod.

Mga Ingles: Noong 1553, pinangunahan nina Sir Hugh Willoughby at Richard Chancellor ang unang ekspedisyon ng mga Ingles. Nagkahiwalay ang kanilang mga barko dahil sa isang bagyo. Napilitan si Willoughby at ang kaniyang mga kasama na manatili sa baybayin ng Kola Peninsula sa malayong hilagang bahagi ng Russia sa panahon ng taglamig. Dahil hindi sila handa, hindi nila natagalan ang gayong kalagayan at namatay sila. Gumawa naman ng daungan si Chancellor sa Arkhangel’sk. Mula roon, naglayag siya patungong Moscow nang imbitahan siya ni Czar Ivan IV Vasilyevich, the Terrible. Hindi nakakita si Chancellor ng ruta papuntang Asia, pero nakapagbukas siya ng daan para sa kalakalan ng Britanya at Russia.

Mga Olandes: Noong 1594, unang naglayag si Willem Barents sa Novaya Zemlya. Pero noong 1596, sa kaniyang ikatlong paglalayag, na-trap ang kanilang barko sa yelo at tuluyan nang nasira pagdaan niya sa dulong hilagang ito ng Russia. Tiniis nila ang matinding taglamig sa isang silungan na yari sa mga inanod na kahoy. Nabuhay sila sa pagkain ng karne ng polar bear at nakabalik sakay ng dalawang maliliit na bangka. Habang naglalayag pabalik, namatay si Barents.

Mga Ruso: Sinuyod ng mga Ruso ang Siberia at ang bahagi ng Russia sa Malayong Silangan. Sa loob lang ng 60 taon, mula noong 1581 hanggang 1641, naglakbay sila mula sa Kabundukan ng Ural papuntang Pasipiko. Noong panahon ding iyon, binagtas ng mga Cossack ang mga ilog sa Siberia papuntang Karagatang Artiko. Sinakop nila ang Siberia para sa Russia, at pinasimulan nila ang paglalayag sa hilagang-silangang baybayin ng Siberia. Noong 1648, naglayag ang mga Ruso sa tinatawag ngayong Bering Strait, na isinunod sa pangalan ni Vitus Bering, isang nabiganteng Danes.

Iba Pang Ekspedisyon

Mula noong 1733 hanggang 1743, halos isang libong lalaki sa pangunguna ni Bering ang naglakbay para tingnan ang mga baybayin ng Artiko at Pasipiko sa Russia. Hinati niya ang mga ito sa pitong grupo. Ilang beses silang na-trap sa yelo, at maraming marino ang namatay. Gayunpaman, nagawan nila ng mapa ang halos kabuuan ng baybayin ng Artiko. Malaking tulong sa mga sumunod na naglayag sa Artiko ang mga impormasyong naipon nila​—tsart, lalim ng tubig, at kondisyon ng yelo.

Ang mga barkong ginamit sa mga paglalayag na ito sa Artiko ay gawa sa kahoy. Gayunman, ipinakita ng ekspedisyon ni Bering na hindi talaga kaya ng mga barkong ito na tumawid sa Northern Sea Route. * Noong 1778, ganiyan din ang naging konklusyon ng Britanong manggagalugad na si James Cook. Nang maglayag siya pakanluran sa kahabaan ng Bering Strait, hindi siya nakadaan dahil sa yelo. Isang siglo pa ang lumipas bago matagumpay na nakapaglayag si Nils Adolf Erik Nordenskiöld ng Finland sa rutang ito sakay ng barkong pinaaandar ng singaw.

Husay ng mga Ruso

Pagkatapos ng rebolusyon sa Russia noong 1917, mga barko lamang ng Russia ang pinahihintulutang maglayag sa Russian Arctic. Mula dekada ng 1930 patuloy, dinibelop ng Unyong Sobyet ang Northern Sea Route at nagtayo sila ng daungan na nakatulong sa mga bagong industriya. Kaya naging bihasa ang Russia sa paglalayag sa Artiko.

Noong Cold War, sarado pa rin ang Northern Sea Route sa mga barko ng ibang bansa. Dahil sa mga pagbabago sa pulitika at kalakalan, binuksan ng mga awtoridad sa Russia ang rutang ito para sa iba’t ibang bansa at malaki ang naging pakinabang dito.

Noong tag-araw ng 2009, dalawang barkong pangkargamento ng Alemanya ang dumaan sa Bering Strait. Naglayag sila pakanluran sa hilagang karagatan ng Asia at Europa na halos walang yelo patungong Netherlands. Ito ang unang pagkakataong nakapasok sa Northeast Passage ang kompanya ng mga barko na hindi Ruso. Mas maikli nang mga 5,560 kilometro ang nilakbay ng mga barkong ito at nabawasan nang sampung araw ang kanilang paglalayag. Ayon sa tantiya ng kompanya ng mga barko, nakatipid sila ng mga 300,000 euro ($450,000, U.S. noon) sa bawat barko dahil sa shortcut sa Artiko.

Sa ngayon, mabilis na natutunaw ang yelo sa dagat ng Artiko. Kaya maaari nang maglayag tuwing tag-araw sa malalaking bahagi ng karagatang ito. * Kung patuloy na matutunaw ang yelo, bagaman makasasama ito sa kapaligiran, maiiwasan naman ng mga barko ang mababaw na bahagi sa baybayin ng Russia at makapaglalayag ang mga ito sa pinakamaikling ruta sa pagitan ng Atlantiko at Pasipiko​—sa mismong tuktok ng mundo.

[Mga talababa]

^ par. 9 “Northern Sea Route” ang tawag ng mga Ruso sa kilalang Northeast Passage.

^ par. 14 Dahil dito at sa iba pang salik, halos naging triple ang haba ng panahon na puwede nang makapaglayag sa silangang Artiko at mahigit doble naman sa kanlurang Artiko.

[Mapa sa pahina 15]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

RUTANG BINAGTAS NINA

Sir Hugh Willoughby at Richard Chancellor

Willem Barents

Vitus Bering

Nils Adolf Erik Nordenskiöld

Hangganan ng yelo

[Mapa]

KARAGATANG ARTIKO

Polong Hilaga

Palaging yelo

Hanggang dito ang yelo kapag tag-araw

Hanggang dito ang yelo kapag taglamig

ARCTIC CIRCLE

SWEDEN

GREENLAND

CANADA

ALASKA

Bering Strait

RUSSIA

SIBERIA

KABUNDUKAN NG URAL

Novaya Zemlya

Kola Peninsula

Arkhangel’sk

MOSCOW

[Larawan sa pahina 16]

Mabilis na natutunaw ang yelo sa dagat ng Artiko

[Picture Credit Line sa pahina 14]

Library and Archives Canada/​Samuel Gurney Cresswell collection/​C-016105