Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Karunungan sa Paggamit ng Dila

Karunungan sa Paggamit ng Dila

Karunungan sa Paggamit ng Dila

‘KUNG puwede ko lang bawiin ang sinabi ko!’ Nasabi mo na ba iyan sa iyong sarili? Oo, tayong lahat ay nahihirapang kontrolin ang ating dila. Puwede nating mapaamo ang halos lahat ng hayop, ang sabi ng Bibliya, “ngunit ang dila, walang isa man sa sangkatauhan ang makapagpaamo nito.” (Santiago 3:7, 8) Kaya susuko na lang ba tayo? Hindi! Tingnan ang ilang simulain sa Bibliya na tutulong sa atin na makontrol ang maliit pero makapangyarihang bahaging ito ng ating katawan.

“Dahil sa karamihan ng mga salita ay hindi magkukulang ng pagsalansang, ngunit ang sumusupil sa kaniyang mga labi ay kumikilos nang may kapantasan.” (Kawikaan 10:19) Mas marami tayong sinasabi, mas malaki ang posibilidad na makapagsalita tayo nang hindi maganda o masakit pa nga. Kaya ang di-masupil na dila ay parang apoy, anupat mabilis nitong naikakalat ang tsismis at paninirang-puri. (Santiago 3:5, 6) Pero kapag ‘sinusupil natin ang ating labi,’ o nag-iisip muna tayo bago magsalita, isinasaalang-alang natin kung ano ang maaaring maging epekto ng mga sasabihin natin. Sa gayon, makikilala tayo sa pagiging mataktika, at makukuha natin ang respeto at tiwala ng iba.

“Maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” (Santiago 1:19) Pinahahalagahan ng iba kapag nakikinig tayong mabuti sa kanila. Sa gayon, naipakikita natin na hindi lang tayo interesado sa kanila kundi iginagalang din natin sila. Pero paano kung may magsalita sa atin nang masakit at nakapupukaw ng galit? Dapat nating sikaping maging “mabagal sa pagkapoot.” Huwag tayong sumagot sa gayon ding paraan. Malay mo, baka may dahilan kung bakit ganoon gumawi ang taong iyon at baka nga mag-sorry pa siya dahil sa kaniyang nasabi. Nahihirapan ka bang maging “mabagal sa pagkapoot”? Manalangin sa Diyos para sa pagpipigil sa sarili. Tiyak na pakikinggan niya ang gayong taimtim na kahilingan.​—Lucas 11:13.

“Ang mahinahong dila ay nakababali ng buto.” (Kawikaan 25:15) Kabaligtaran ng sinasabi ng marami, ang kahinahunan ay hindi kahinaan. Halimbawa, ang mahinahong sagot ay maaaring makapagpalambot, wika nga, sa pagsalansang na kasintigas ng buto na marahil ay dahil sa galit o diskriminasyon. Totoo, maaaring isang hamon ang magpakita ng kahinahunan, lalo na sa isang maigting na sitwasyon. Kaya isipin mo ang kabutihan ng pagsunod sa sinasabi ng Bibliya at ang posibleng resulta ng hindi pagsunod dito.

Ang mga simulain sa Bibliya ay talagang “karunungan mula sa itaas.” (Santiago 3:17) Kung ikakapit natin ito sa paggamit ng dila, ang ating mga salita ay makapagbibigay-dangal at makapagpapatibay na gaya ng “mga mansanas na ginto sa mga inukit na pilak,” na tamang-tama sa sitwasyon.​—Kawikaan 25:11.