May Nagdisenyo ba Nito?
Ang Mahusay na Istilo ng Paglangoy ng Salmon
● Kapag mangingitlog na, maraming uri ng salmon ang sumasalunga sa rumaragasang agos paakyat ng ilog. Paano nila nagagawa ang isang napakahirap na paglalakbay nang hindi nauubos ang kanilang lakas? Sa halip na matakot sa napakalakas na agos, pinakikinabangan pa nila ito. Paano?
Pag-isipan ito: Hindi nilalabanan ng salmon ang maligalig na agos ng tubig. Sa halip, kapag lumalangoy paakyat ng ilog, kaunting enerhiya lang ang ginagamit nito dahil sinasamantala nito ang mga vortex, o maliliit na alimpuyo, na nalilikha kapag ang agos ng tubig ay tumama sa bato, sanga, o iba pang mga bagay. Kinekembot-kembot nito ang kaniyang katawan sa pagitan ng mga alimpuyo para maitulak siya paitaas. (Tingnan ang dayagram.) Sinasamantala naman ng ilang grupo ng isda ang mga alimpuyong nalilikha ng isda sa unahan nila, anupat parang nakasakay sila sa mga alimpuyong ito. Puwede nilang mapakinabangan kahit ang mismong alimpuyong nalilikha ng kanilang katawan!
Gustong matuto ng mga mananaliksik mula sa napakahusay na istilo ng paglangoy ng salmon para makalikha ng enerhiya mula sa mabagal na daloy ng tubig. Karaniwan na, nakalilikha ng kuryente ang mga tradisyonal na makinang hydropower mula sa tubig na ang daloy ay may bilis na 9.3 kilometro o higit pa kada oras. Sa ngayon, nakaimbento sila ng isang makina na gumagamit ng mga vortex-induced vibration para makalikha ng kuryente mula sa tubig na umaagos sa bilis lang na mahigit tatlong kilometro kada oras. * Pero hindi pa rin nito mapapantayan ang husay ng mga isdang gaya ng salmon. Sinabi ng propesor na si Michael Bernitsas ng University of Michigan sa Estados Unidos: “Sa puntong ito, mas matalino sa atin ang isda.”
Ano sa palagay mo? Nagkataon lang ba ang kakayahan ng salmon na gamitin ang enerhiya ng alimpuyo sa tubig? O may nagdisenyo nito?
[Talababa]
^ par. 5 Inaasahan na malaki ang maitutulong nito dahil karamihan ng katubigan sa daigdig ay umaagos nang wala pang anim na kilometro kada oras.
[Picture Credit Line sa pahina 25]
Top: © photolibrary. All rights reserved.