Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Tinanggap ng Serbian Ministry of Religious Affairs ang aplikasyon sa pagpaparehistro ng legal na organisasyon na kumakatawan sa mga Saksi ni Jehova. Ayon sa rekord ng gobyerno, aktibo na ang mga Saksi ni Jehova roon mula pa noong 1930.
Tinatayang 95 porsiyento ng mga musika na na-download sa buong daigdig noong 2009 ay ilegal.—TIME, E.U.A.
Lindol—“Ang Pinakanakamamatay na Sakuna”
“Lindol ang sanhi ng pinakanakamamatay na mga sakuna nitong nakalipas na dekada,” ang sabi ng United Nations International Strategy for Disaster Reduction, sa Geneva, Switzerland. Sa mga namatay dahil sa sakuna sa panahong ito, halos 60 porsiyento ang namatay dahil sa lindol. Nariyan pa rin ang matinding panganib sa “likas na sakuna” na ito yamang 8 sa 10 lunsod na may pinakamalalaking populasyon sa daigdig ay matatagpuan sa mga fault-line na madalas tamaan ng lindol. Sa nakalipas na dekada, mahigit 780,000 katao ang namatay sa 3,852 sakuna.
Mapanganib na Trabaho
“Ang kabuuang bilang ng mga reporter na pinatay dahil sa kanilang trabaho noong 2009 ay 110. Sa nakalipas na dekada, ito ang taon na may pinakamaraming pinatay na reporter,” ang sabi ng International Press Institute, sa Vienna, Austria. Sa magugulong lugar, katulad ng Afghanistan, Iraq, Pakistan, at Somalia, “sadyang tinatarget ang mga reporter” sa nakalipas na mga taon, ayon sa ulat. Dahil dito, hindi na gaanong nasusubaybayan ng media ang mga pangyayari sa mga lugar na ito at “hindi na lubusang nauunawaan ang nakababahalang kaganapan” dito. Sa nakalipas na dekada, Iraq ang pinakamapanganib na lugar para sa mga reporter, sinusundan ito ng Pilipinas, Colombia, Mexico, at Russia.
Murang mga Angkat, Kaunting Magnanakaw
“Dahil sa pagdagsa ng murang mga elektronikong gadyet,” baka wala nang kitain ang mga magnanakaw sa Britanya, ayon sa ulat ng Reuters sa London na sinipi sa sinabi ng criminology lecturer na si James Treadwell ng University of Leicester sa Inglatera. Halimbawa, dahil mura lang ang mga bagong DVD player, halos walang kikitain ang mga magbebenta uli nito. “Hindi sulit nakawin” ang mga kagamitang ito, ang sabi ni Treadwell. Pero hindi solusyon sa krimen ang pagbaba ng presyo. Tinatarget ngayon ng mga magnanakaw ang mga mamahalin at mabentang gadyet, ‘gaya ng mga cellphone at iPod, na karaniwang dala ng mga tao.’ Kaya ang dating nanloloob sa mga bahay at gusali ay nanghoholdap na ngayon.