Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Bakit Hindi Pa Pinupuksa ng Diyos ang Diyablo?

Bakit Hindi Pa Pinupuksa ng Diyos ang Diyablo?

KUNG kaya mong tapusin ang pagdurusa ng iba, gagawin mo ba? Sumusugod ang mga relief worker sa mga lugar ng sakuna para tumulong at magligtas ng buhay ng mga taong hindi nila kilala. Kaya baka maitanong ng isa, ‘Bakit kaya hindi pa pinupuksa ng Diyos ang Diyablo, ang may kagagawan ng labis na pagdurusa ng tao?’

Para masagot iyan, isipin ang nangyayari sa paglilitis ng isang malaking kaso. Ang mamamatay-tao, na desperadong ihinto ang paglilitis, ay nagsasabi na nandaraya ang hukom na humahawak ng kaso at na sinusuhulan pa nito ang mga hurado. Kaya pinahintulutang magbigay ng testimonyo ang napakaraming testigo.

Alam ng hukom na hindi biru-biro ang isang masusing paglilitis, at ayaw niyang maantala ang kaso. Pero alam niya na para makabuo ng desisyon na magiging basehan ng mga kasong posibleng bumangon sa hinaharap, kailangan ng bawat panig ng sapat na panahon para maipagtanggol ang kanilang sarili.

Para makabuo ng desisyon na magiging basehan ng mga kasong posibleng bumangon sa hinaharap, kailangan ng bawat panig ng sapat na panahon para maipagtanggol ang kanilang sarili

Ano ang pagkakatulad ng ilustrasyong ito sa hamon ng Diyablo​—tinatawag ding “dragon,” “serpiyente,” at “Satanas”​—laban kay Jehova, “ang Kataas-taasan sa buong lupa”? (Apocalipsis 12:9; Awit 83:18) Sino ba talaga ang Diyablo? Anu-ano ang akusasyon niya sa Diyos na Jehova? At kailan siya pupuksain ng Diyos?

Kung Bakit Kailangan ng Isang Basehan

Ang Diyablo ay dating isang sakdal na espiritung persona, isa sa mga anghel ng Diyos. (Job 1:6, 7) Ginawa niyang Diyablo ang kaniyang sarili nang magkaroon siya ng makasariling ambisyon na sambahin siya ng mga tao. Kaya hinamon niya ang karapatan ng Diyos sa pamamahala. Pinalabas pa nga niya na hindi karapat-dapat ang Diyos sa ating pagsunod. Sinabi niya na naglilingkod lang ang tao sa Diyos dahil sa ibinibigay Niyang pagpapala. Sinabi ni Satanas na kapag nagdusa na ang tao, “susumpain” niya ang kaniyang Maylalang.​—Job 1:8-11; 2:4, 5.

Ang akusasyong iyan ni Satanas ay hindi masasagot ng basta pagpapakita ng kapangyarihan. Sa katunayan, kung pinuksa agad ng Diyos ang Diyablo, baka isipin ng ilan na tama ang Diyablo. Kaya sinimulan ng Diyos, na may ganap na awtoridad, ang isang paglilitis para masagot ang gayong mga isyu sa harap ng lahat ng nagmamasid.

Kaayon ng mga simulain at sakdal na katarungan ng Diyos na Jehova, ipinahiwatig niya na ang bawat panig ay maglalabas ng mga testigo na susuporta sa kanila. Hinayaan ng Diyos na lumipas ang panahon. Dahil dito, nabigyan ng pagkakataon ang mga inapo ni Adan na mabuhay at magbigay ng testimonyo sa panig ng Diyos sa pamamagitan ng pananatiling tapat sa Kaniya udyok ng pag-ibig sa kabila ng mga pagsubok.

Gaano Pa Kaya Katagal?

Alam na alam ng Diyos na Jehova na patuloy na magdurusa ang mga tao sa panahon ng paglilitis na ito. Pero desidido siyang isara ang kaso sa lalong madaling panahon. Inilarawan siya ng Bibliya bilang “ang Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan.” (2 Corinto 1:3) Maliwanag, hindi hahayaan ng “Diyos ng buong kaaliwan” na matagal pang umiral ang Diyablo, ni hahayaan niyang magpatuloy ang mga epekto ng impluwensiya nito. Sa kabilang banda, hindi pupuksain ng Diyos ang Diyablo nang mas maaga​—sa panahong hindi pa lubusang natatapos ang kaso na nagsasangkot sa buong uniberso.

Kapag nalutas na ang mga isyu, lubusan na ring naipagbangong-puri ang karapatang mamahala ni Jehova. Ang kaso laban kay Satanas ay magiging batayan magpakailanman. Dahil dito, sakali mang may bumangon muling ganitong kaso, hindi na kakailanganin ng paglilitis.

Sa takdang panahon, uutusan ng Diyos na Jehova ang kaniyang binuhay-muling Anak na puksain ang Diyablo at alisin ang lahat ng pinsalang ginawa nito. Sinasabi ng Bibliya na darating ang panahon na ‘ibibigay ni Kristo ang kaharian sa kaniyang Diyos at Ama, kapag pinawi na niya ang lahat ng pamahalaan at ang lahat ng awtoridad at kapangyarihan. Sapagkat kailangan siyang mamahala bilang hari hanggang sa mailagay ng Diyos ang lahat ng kaaway sa ilalim ng kaniyang mga paa. Bilang huling kaaway, ang kamatayan ay papawiin.’​—1 Corinto 15:24-26.

Salamat sa pangako ng Bibliya na ang buong lupa ay magiging paraiso. Mabubuhay roon nang payapa ang mga tao gaya ng nilayon ng Diyos! “Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” Oo, “ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”​—Awit 37:11, 29.

Isip-isipin ang napakagandang pag-asa ng mga lingkod ng Diyos gaya ng inilalarawan sa Bibliya: “Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”​—Apocalipsis 21:3, 4.